Orasyon

1.8K 26 0
                                    

MATALIK na magkaibigan sina Justin at Gory. Nakapagtrabaho sa lungsod ang ama ng una kaya doon na sila tumira. Samantala ay nanatili sa baryo nila ang ama ni Gory. Pinagyaman nito ang mahigit sampung ektaryang palayang minana pa sa mga ninuno.

Ugali na ni Justin ang mamalagi kina Gory tuwing bakasyon lalo na kung Mahal na Araw.

“Isang buwan nang patay ang Lolo Gorio mo… bakit nakasara at nakakandado pa rin iyang silid niya, Gory?” usisa ni Justin.

“May mga gamit pa kasi riyan ang lolo na hindi pa nagawang iligpit ng itay at inay dahil abala pa sila sa palayan, Just.” Just ang tawag ni Gory sa kaibigan.

Si Lolo Gorio ay lolo na sa tuhod ni Gory. Nauna pang namatay ang tatlo nitong mga anak sa kanya. Kaya raw inabot ito ng isang daan at labing dalawang taong gulang bago namatay ay dahil may agimat daw ito. Hindi raw ito nagkakasakit. Hindi rin daw ito tinatablan ng bala at matatalas na bagay lalo na nang lumaban sa mga Hapones noong World War II.

“Hindi kaya ipinamana ng lolo mo ang agimat niya sa iyong itay?” ang sabi ni Justin.

“Hindi totoo ang mga pinagsasabi ng mga tagarito, Just. Ang sabi ng lolo, kaya raw hindi siya nagkakasakit dahil laging isda, gulay at prutas ang kinakain niya. Wala rin siyang bisyo kaya inabot siya nang ganoon katanda. Kumbaga, malaki talaga ang nagagawa ng clean living para tumagal ang buhay ng isang tao,” paliwanag ni Gory sa kaibigan.

“A, basta… palagay ko, kung di niya ipinamana, nariyan lang sa loob ang agimat niya!”

Nagkibit-balikat lang si Gory. Pero sa likod ng isipan, naroon pa rin ang pagdududang may katotohanan ang haka-hakang kasintanda na yata niya. Marami siyang tanong na hindi nabigyan ng sagot at nanatiling tanong ang mga iyon kahit wala na ang lolo niya.

Tulad na lang halimbawa kung bakit laging nakakandado noon ang lumang baul ng lolo niya sa ilalim ng higaan nito. Lagi ring iniiba ng lolo niya ang usapan kapag nagtatanong na siya ng anumang tungkol sa agimat

At nang bata pa siya, lagi niyang naririnig na nagdadasal ng orasyong Latin ang Lolo Gorio niya tuwing kabilugan ng buwan at lalo na kung Mahal na Araw!

Minsan, pahapyaw na tinalakay ng propesor nila sa literatura ang paniniwala ng matatanda tungkol sa anting-anting o agimat.

Para raw mapanatili ang kapangyarihan ng isang agimat dapat ay dadasalan daw ito ng orasyon palagi. Iyon daw ang pinakapagkain nito para mananatiling buhay.

At bakit laging ipinaalaala ng kanyang itay na huwag galawin ang lumang baul ng kanyang lolo?

Ano ang nasa loob niyon?

“SIGURADO ka bang dito rin sa amin magma-Mahal na Araw ang pinsan mong si Aira, Just?” Ilang ulit nang tanong iyon ni Gory sa kaibigan.

“Oo naman! Eksayted ‘yon na makarating sa lugar n’yo! Lagi ko kasing ibinibida na marami kayong tanim na mga prutas, lagi tayong namimingwit sa malinis na batis, naliligo sa talon at higit sa lahat.. .tall, dark and handsome ang bestfriend ko!”

Yan ang gusto ko sa ‘yo, pards!” Masayang nag-appear pa ang magkaibigan.

Nakita na ni Gory sa camera ng cellphone ni Justin ang dalaga. Agad na tinamaan ni Kupido ang kanyang puso.

BAGO dumating si Aira, inutusan si Gory ng ina na linisin ang kuwarto ng Lolo Gorio niya. Ito ang kuwartong ipapagamit sa dalagang bisita.

Tumulong na rin si Justin sa mag-ama sa paghahakot ng mga gamit ng yumaong matanda palabas ng bahay.

Sinunog lahat ang mga ito kasama ang lumang baul.

Napapailing na lamang si Gory nang makitang hindi maalis-alis ang tingin ng kaibigan sa nasusunog na baul.

NilalangWhere stories live. Discover now