Pag uwi

1.1K 7 1
                                    

Ikalawang gabi ng kanyang burol, kagagaling lang namin ng hapong iyon sa funeraria at kasalukuyan na kaming nagpapahinga. May naririnig daw siyang naglalakad sa itaas, gayong alam na alam niyang wala namang tao doon..

One month ago, pagkatapos ng matagal-tagal ding paghihirap sa kanyang karamdaman ay tuluyan ng binawian ng buhay si tito Roz, nakababatang kapatid ng yumao naming ina.

Natatandaan ko pa, kahit hindi kami naging close na magkakapatid sa kanya ay alam naming very close sila ng nanay namin. Tuwing umuuwi siya sa aming bayan kapag merong okasyon ay hindi puwedeng hindi siya pumunta sa aming bahay.

Iyon ang kanilang ancestral home na napapunta na sa aming ina na siya na ring nagpa-remodel niyon.

Binata pa raw si tito Roz ay nakipagsapalaran na ito sa Maynila at sinuwerte namang magkatrabaho agad, naging working student at ng maka-tapos ay napataas ang posisyon sa pinag-tatrabahuhan. Ang kanyang naging asawa bagama’t kababayan din, ay sa Maynila din nakapagtrabaho. Iyon ang dahilan kung bakit sa lungsod na sila tuluyang nanirahan at ang mga naging anak nila.

Kapag umuuwi noon sa aming bayan sina tito Roz ay doon sa mga kapatid ng kanyang asawa sila tumutuloy. Pero halos araw-araw naman ay naroon siya sa bahay at walang sawang nakikipagkuwentuhan sa aming ina. Naaalala ko pa, ayaw na ayaw ni nanay noon ng instant coffee. Ang type talaga niya ay brewed coffee. Kapeng barako na galing Batangas ang lagi niyang binibili noon na ayaw naman naming magkakapatid dahil pinapakuluan pa ng matagal. At iyon ay one thing in common nila ni tito Roz, type na type din nito ang ganoong kape, kung kaya sa tuwing pumupunta siya noon ay humahalimuyak ang aroma ng paborito nilang kape.

Kapag naroon din si tito Roz ay paikot-ikot ito sa likod-bahay, at naririnig ko na madalas niyang banggitin kay nanay na miss na miss niya ang dating lugar.

Noong mamatay si nanay, inakala naming hindi na mapapagawi sa bahay ang aming tiyo. Pero nagkamali kami dahil basta rin lang at napauwi sila sa aming bayan ay doon pa rin madalas sa aming bahay si tito Roz. Noon ko naisip na talagang mahal ni tito Roz ang lugar na kanyang nilakhan. Kahit marami ng nabago sa original nilang bahay, feeling ko ay at home na at home pa rin siya basta din lang at nasa dating lugar na kinamulatan. Iyon nga lang, hindi na niya natikman uli ang paborito niyang kape. Simula noong mamatay si nanay ay instant coffee na ang ginagamit namin sa bahay

Dahil hindi nga kami close, kapag pumupunta siya noon ay puro kumustahan lang ang topic. Wala kaming ibang mapagkuwentuhan. Pinababayaan ko na lang siyang maglakad-lakad sa likod-bahay. Pagkatapos ay tatawag na lang siya para sabihin na uuwi na muna siya.

Two years ago ay nabalitaan ko mula sa isa kong kapatid na nasa Maynila na may sakit pala si tito Roz at nagpapagamot. May ilang buwan din itong hindi nakauwi sa aming bayan kahit merong mga okasyon. Siguro ay mga walong buwan din bago muli siyang nakauwi at ibang tito Roz ang nakita namin.

Parang ang laki ng kanyang ipinanghina. Lumabo rin ang kanyang mata. Sa simbahan ko siya nakita noon at nagmano pa ako. Kinabukasan, medyo nagulat pa ako ng marinig kong tumatawag siya sa may hagdanan. Hindi pala siya makapanhik mag-isa dahil lumabo nga ang mga mata niya at may kadiliman nga naman ang daanan paakyat sa hagdanan. Dali-dali akong bumaba at inalalayan siya papanhik..

Tahimik lang siya noon, pagkainom ng kape ay pasulyap-sulyap lang siya sa labas ng bintana. Hindi naman nagtagal ay nagpasama na siya pababa ng hagdan at uuwi na raw muna siya. Ang hindi ko inaasahan, kinabukasan din ay bumalik na naman siya. Parang natutuwa lang siguro siya na naroon siya sa bahay kahit wala naman siyang ginagawa at wala rin naman kaming mapagkuwentuhan maliban sa mga pangungumusta. Ilang araw ding nagpupunta roon si Tito Roz bago muling bumalik sa Maynila.

Last year, napilitan akong umalis muna sa aming bayan dahil dito sa Maynila nag-enrol ang anak ko ng college. Wala rin kasing kasama sa bahay ang kapatid ko na nasa abroad ang asawa kaya doon kami sa bahay nila tumuloy. Matagal na akong separated sa asawa, walang ibang maiiwan sa bahay kaya kinuha kong parang caretaker ang isa naming kamag-anak na biyudo na at wala na rin sa piling ng mga anak. Marami siyang alagang mga manok na panabong. Doon siya naglagay ng mga kulungan sa likod-bahay, kung saan itinali rin niya ang dalawang alagang aso.

At last month nga, namatay na rin si tito Roz.

Ikalawang gabi ng kanyang burol, kagagaling lang namin ng hapong iyon sa funeraria at kasalukuyan na kaming nagpapahinga ng makatanggap ako ng text message galing kay mang Ruel, ang naiwang nag-aalaga sa bahay sa probinsya.

Ayon sa message ni mang Ruel, bakit para raw yatang may nagpaparamdam doon sa bahay? May naririnig daw siyang naglalakad sa itaas, gayong alam na alam niyang wala namang tao doon. Ipinabasa ko sa kapatid ko ang text message at pareho kaming natigilan. Halos ay iisa ang nasa aming isip. Si tito Roz iyon! Muling nagbalik sa paborito niyang lugar.

Hindi alam ng caretaker na namatay na si tito Roz at hindi pa kami nakaka-reply sa kanya ay muli itong nagtext.

“Bakit kaya ganon… may parang naglalakad sa itaas tapos ngayun, amoy na amoy dito ang kapeng barako”, ganito ang laman ng ikalawa niyang message.

Hindi na kami nagduda pa. Muling umuwi sa kanilang bahay ang aming tito Roz. Maaaring sa huling pagkakataon ay gusto niyang masilayan ang lugar na kanyang kinalakihan.

Hindi ako makapagdesisyon noon kung sasabihin ko ba kay mang Ruel na kasalukuyang nakaburol ang isa naming tiyo dahil baka matakot ito. Pero ayon naman sa pagkakilala namin kay mang Ruel ay hindi naman ito taong matatakutin.

At muli, bago pa ako makapindot sa cellphone ko ay nagtext na uli si mang Ruel. Umaalulong raw ang mga aso niya sa likod-bahay, ayon sa message nito. Muli ay natigilan ako. Hindi ba sa tuwing pupunta si tito Roz sa bahay ay naglalakad-lakad ito sa likod-bahay?

Noon ako nag-text kay mang Ruel. Sinabi kong ‘wag siyang mag-alala at ‘wag matakot dahil si tito Roz lamang iyon. Sinabi kong namatay na siya kahapon ng madaling-araw at kasalukuyang nakaburol.

Kahit nagulat din, naintindihan naman iyon ni mang Ruel. Kilalang-kilala rin niya si tito Roz.

Ilang araw pagkatapos noon, nag-text ako kay mang Ruel at tinanong ko kung may naramdaman ba siya uli o kung may narinig ba uli siyang naglalakad sa itaas ng bahay?

Sumagot siya. Ayon sa kanya, pagkatapos noong unang marinig niya ang “pagpaparamdam” ni tito Roz ay hindi pa naman iyon nauulit. Sinabi ko sa kanya na wala siyang dapat ikatakot at ipag-alala.

Napatawa si mang Ruel. Muling sumagot, at ayon dito, talaga namang walang dapat katakutan sa pangyayaring iyon, dahil alam niyang “umuuwi” lamang muli ang isa sa mga may-ari ng bahay na inaalagaan niya.

NilalangWhere stories live. Discover now