Gitnang Kalsada

1.6K 15 0
                                    

Dahan-dahang nag-iba ang anyo ng mga bata. Nakapanghihilakbot ang transpormasyon ng mga ito. Nangitim ang mga ito at nawarak ang mga suot na damit.

PINUNIT ng malakas na sigaw ng isang batang babae ang katahimikan ng gabi. Mayamaya ay tumatakbong lumabas ito mula sa nakabukas at sira-sirang tarangkahan ng pulang bahay na matatagpuan sa dulong bahagi ng gitnang kalsada. Pinagpapawisan ito at nasa mukha ang labis na takot. isang tsinelas na lamang ang nakasuot sa paa nito. Tinanong ito ng mga matandang sumalubong dito. At sa nanginginig na boses ay ikinuwento ng bata ang tatlong duguang bangkay na nakita raw nitong nakahandusay sa loob ng bahay kung saan ito palaging nakikipanood ng telebisyon.

PAGKALIPAS ng halos kinse minutos na paglalakad mula sa kanilang bahay ay narating ni Mylene ang bahay ng kaopisina at kaibigan niyang si Maricris. Ikatlong gabi nang nakaburol ang nanay nito na si Aling Ester at noon lamang siya makakadalaw para makiramay sa mga naiwan nito.

Natanaw niya ang nakahimpil na karo ng patay sa harap ng luma at sira-sirang bahay nina Maricris. Mayroong ilang mesa na puno ng mga nagsusugal na kalalakihan. Mayroon ding mahabang mesa na inookupa ng mga kababaihan na abala naman sa paglalaro ng bingo. Paroo’t parito ang mga kaanak nina Maricris na nagdudulot sa mga nakikiramay ng iba’t ibang mga kukutin at tasa ng mainit at umuusok pang sopas.

Nilagpasan niya ang mga ito at umakyat siya sa mataas na hagdan na nasa harap ng bahay. Nang makarating siya sa pinakahulingbaitang niyon ay nakita niyang puno ng tao ang malaking sala at lahat ay nakatunghay sa ataul.

May tatlong lalaking nakatayo sa harap ng puting ataul na napapalibutan ng iba’t ibang klase ng bulaklak at ilaw na tumatanglaw sa maluwang na sala. Nakatalikod sa kanya ang tatlong lalaki na sa pakiwari niya ay may kung anong sinusuri habang nakasilip sa salamin ng ataul. Kapagkuwan ay itinaas nang dahan-dahan ng isa sa mga ito ang takip na salamin. Sumingaw ang amoy ng formalin na ginamit sa pag-eembalsamo kay Aling Ester. Nadaig niyon ang ibinibigay na mabangong amoy ng sampaguita na nakasabit sa palibot ng ataul.

Umalis ang pinakamaliit sa tatlong lalaki. Sinundan niya ito ng tingin at noon lamang niya napansin ang isa pang puting ataul na nasa isang gilid ng sala. Di-hamak na mas maganda at mamahalin ang materyales niyon kaysa sa kasalukuyang pinaglalagyan kay Aling Ester.

Diyata’t papalitan ang ataul nito?

Ibinalik niya ang tingin sa harap niya. Sinisimulan nang buhatin ng dalawang lalaki kapwa may suot na guwantes ang mga ito mula sa kinahihimlayan niyon ang bangkay ni Aling Ester. Waring bigat na bigat ang mga ito habang hawak ang matigas nang bangkay. Natambad din sa kanya ang puting saya ni Aling Ester. Pero hindi niya makita ang mukha nito dahil natatabingan iyon ng malapad na likod ng isa sa dalawang lalaki.

Hustong ililipat na sa bagong ataul ang bangkay nang biglang namatay ang ilaw sa buong kabahayan. Nilamon ng dilim ang buong paligid. Nawala ang atensiyon niya sa ataul. Maging siya ay hindi napigilang mapasigaw gaya ng ibang mga naroroon. Napalundag siya sa magkahalong takot at kilabot lalo na nang may narinig siyang kung anong bagay na bumagsak sa sahig. At kasabay niyon ay may biglang humawak sa kamay niya na nakahawak sa barandilya ng hagdan.

Akmang tatalikod na siya para bumaba ng hagdan nang biglang lumiwanag ang paligid. Nakahinga siya nang maluwag nang bumalik ang kuryente. Kaharap na rin niya si Maricris. Tumingin siya sa ataul. Bago pa man tuluyang maihimlay ang katawan ni Aling Ester sa bagong ataul nito ay kitang-kita niyang tila nangitim ang puting saya nito na animo nakulapulan ng dumi. At ganoon na lamang ang kilabot na nadama niya nang mahagip ng tingin niya ang krusipihong pabaligtad na nahulog sa sahig.

Lumapit kay Maricris ang tiyahin nito na si Aling Belen. Nag-antanda pa ito bago nagsalita.

“May kasabihan ang matatanda na dapat ay binabantayang mabuti ang bangkay ng isang namayapa para hindi maagaw o mapasukan ng ibang kaluluwa ang katawan nito. Hindi raw dapat hinihiwalayan ng tingin ito para hindi masalisihan ng demonyo o ma-possess ang bangkay. Kailangan ding tutukan ng tingin ng sinumang tao ang bangkay bilang proteksiyon sa sarili niya. Para hindi rin siya buligligin at habulin ng iba pang kaluluwang pa gala-gala.”

NilalangWhere stories live. Discover now