Roof Deck

1.1K 13 1
                                    

“Bakit kinatatakutan ang ROOF DECK?”

Linggo lang ang pahinga ko sa aking trabaho. Sa araw na ito ko ginagawa ang lahat ng puwede kong gawin sa inuupahan kong kuwarto sa isang tatlong palapag na Apartelle: paglilinis, pag-aayos ng mga gamit, paglalabada at pamamalantsa.

Sa edad na beinte otso ay independiyente na ako. May maayos na trabaho sa isang travelling agency sa Kyusi. Kalilipat ko lang sa Apartelle na iyon at ang pagkuha ng maid ay pinag-iisipan ko pa. Kung tutuusin kasi’y kaya ko naman ang mga gawain sa bahay. Medyo magulo nga lang ang kuwarto kapag weekdays pero okey lang dahil wala namang pumapasok doon kundi ako.

Mga unang araw ng paninirahan ko sa Apartelle ay nakakasalamuha ko na ang ibang mga kapit-kuwarto. Isa sa mga nakilala ko ay si Leoning, isang housewife na may dalawang anak na nasa elementarya pa. Super-madaldal, gifted sa pagkukuwento ng mga kakatwang bagay kaya hindi ko rin maitaboy. Minsan ngang nagkasabay kami sa pagsasampay sa roof deck ay may sinabi sa akin tungkol sa Apartelle.

“Wala ka bang nararamdamang kakaiba sa gusaling ito?” tanong niya.

“Wala naman ho? Bakit ho…?” Sa himig pa lang ng pananalita ay alam ko nang supernatural ang pinag-uusapan namin.

“Kasi marami nang gabi na may naririnig kaming umiiyak. Tapos iyong panganay ko, may nakita raw sa roof deck na white lady.”

Medyo kinilabutan ako sa kuwento ni Leoning dahil kahit kailan ay hindi pa ako nakakakita o nakakaranas ng multo. At ngayong mag-isa ako sa aking kuwarto ay huwag naman sanang ipadanas sa akin ito. Mahina ang puso ko sa takutan.

Pinagsisihan ko ang araw ng Linggo na iyon na nakasabay ko si Leoning sa roof deck. Naging exaggerated kasi ang senses ko mula noon. Pakiramdam ko, may nakatingin sa akin tuwing natutulog ako sa kama, pakiramdam ko may naamoy akong kandila, pakiramdam ko may naririnig akong iyak kahit wala naman.

Pero sabi nga, minsan sa buhay ng isang tao, dumarating daw talaga ang pagkakataon na makakaranas ka ng mga kababalaghan. Linggo noon, isinampay ko ang aking mga damit sa roofdeck, at pagkatapos gawin ang ibang gawaing bahay ay nagpasya akong magliwaliw grande sa mall. Kumain ako sa restawran, nanood ng sine, namili ng ilang blouse at kung anu-anong klase pa ng self-pampering.

Pagdating ko sa Apartelle ay madilim na. Naalala ko ang mga sinampay ko kaya pagkahatid ng aking pinamili sa kuwarto ay umakyat ako agad sa roof deck para kunin ang aking mga sinampay.

Matatapos ko nang kunin ang aking mga damit nang mapalingon ako sa may tangke ng tubig. Ewan ko sa sarili ko pero parang gustong i-prove ng isip ko na eksaherasyon lang ang nakita ko kaninang hugis-tao sa tabi ng tangke ng tubig. At sa kinatatayuan ko, na mas malapit sa tangke, ay madali kong mapapatunayan kung totoo ang aking nakita.

Pero pinagsisihan ko ang paglingon na iyon dahil ang hugis-taong nakita ko noong una ay talagang hugis-tao pero nakalutang. Isang babaeng nakasuot ng blouse at pantalong maong. Nakatingin sa akin na para bang isa akong malaking puzzle. Sa takot ko ay hindi ko na nakuha ang ilan ko pang damit. Dali-dali na akong tumakbo pababa ng gusali. Halos masubsob ako sa hagdan at nang mapansin ako ng aking mga kapit-kuwarto ay agad akong inusisa. Namumutla raw kasi ako. Inabutan ako ng isang basong tubig at pagkalipas ng ilang minuto ay nahimasmasan naman ako. Naiyak ako. At pagkatapos ay ikinuwento ko sa kanila ang nakita ko sa roof deck at natawa lang sila. Doon na nabuksan ang kuwento tungkol sa isang dalagang umuukupa dati sa Apartelle. Tumalon daw ang babae mula sa roof-deck dahil iniwan ng nobyo. Hindi ko alam kung paniniwalaan kong may babaeng magpapatiwakal dahil iniwan lang ng nobyo pero naniniwala akong may nagpatiwakal talaga. Dahil kung wala, sino ang multong ‘yon. Madalas daw talaga iyong nakikita sa roofdeck at matagal nang isina-suggest ng mga umuukupa sa may-ari na pabasbasan ang gusali pero wala pa ring aksiyon. Mabuti raw at hindi naman nananakit ang babae kaya hindi na nila gaanong iniintindi.

Tinawagan ko ang may-ari ng Apartelle pagkatapos niyon. Hiniling ko at ipinakiusap na pabasbasan ang buong lugar. Para namang ako lang ang hinintay na humiling, kinabukasan ay heto na ang pari, dinadasalan at binabasbasan ang buong gusali, maging ang bawat kuwarto. Naghalf-day pa ako sa trabaho ko dahil lang doon.

Mula noon, awa ng Diyos, wala nang nararanasang kakaiba ang mga umuukupa sa Apartelle. Maging ako’y panatag na rin ang loob. Pero buhat noon, kahit anong mangyari hindi na ako nagpapaabut-abot ng dilim. sa roof deck.

Wakas!

Nilalangحيث تعيش القصص. اكتشف الآن