Letter #24 - Mother's touch

619 44 16
                                    

Dear Big Daddy,

Isang taon matapos kong pinaampon si Baby, nakasalubong ko sa palengke sa Quiapo si Sister Gertrude, ang madreng nangalaga sa ating anak bago ito ibinigay sa mag-asawang umampon sa kanya. Mahigpit sanang pinagbilin ng orphanage na hindi i-reveal sa akin ang pagkakakilanlan ng pamilyang kumuha kay Baby Tanglaw, pero hindi rin ako natiis ni Sister nang naglumuhod ako't nagmakaawa. Sinabi niya sa akin kung saang village nakatira ang mag-asawa sa isang kondisyon. Huwag na huwag ko raw silang lapitan o gambalain pa. Never ko rin daw ipaalam kahit kanino ang impormasyong natanggap ko. Pinapirma pa niya ako ng isang kasulatan na hinding-hindi ako gagawa ng hakbang na malalagay ko sa alanganin ang bahay-ampunan. Pumayag agad ako, Dad. I was that desperate.

Sa unang pagkakataon, after like an eternity, nasilayan kong muli si Baby. Kalung-kalong siya ng yaya niya habang bumababa sila sa isang magarang kotse. Kabuntot nito ang adoptive parents niya. I was so happy, Dad. You just don't know how much joy seeing him again brought me that very day. Parang naabot ko ang langit. Gusto ko sana siyang lapitan para mahawakan at mayakap man lang, pero nanaig din ang binitawan kong salita sa madre. Ayaw ko rin siyang mapahamak dahil napag-alaman kong ang kumuha pala kay Baby ay ang pinagkakatiwalaang inhinyero ng pamilya ng isa sa mga malapit na kaibigan ng pangulo. Sabi nga ni Sister Gertrude, para na ring binangga ko ang presidente natin kung lalapastanganin ko ang mag-asawang ito.

Hindi nawala sa isipan ko ang araw na iyon, Dad. Nag-isip ako agad ng paraan. Inalam ko sa klinika na pinuntahan ng mag-asawa kung mayroon silang bakanteng posisyon. Wala silang naibigay ayon sa qualifications ko, pero naghahanap sila ng isang janitress no'n. Gulat na gulat sila, Dad, nang tinanggap ko iyon nang gano'n-gano'n lang. Pinatawag pa ako ng head doctor ng clinic para kausapin. Baka raw kasi nabibigla lang ako. Pinaliwanag ko naman sa kanila na pangdagdag-kita lang ang trabaho ko roon dahil mayroon na akong work sa factory. Tamang-tama lang, sabi ko, dahil panghapon hanggang alas nuebe ng gabi ang shift ko roon. Pinaniwalaan naman ako ni Doktora.

Alam mo, Dad, ang unang araw ko sa Jimenez's Pediatric Clinic ay sobrang blissful. Gaya ng nakagawian, dumating sina Baby. Yaya niya lang at adoptive mom ang nakita ko this time. Nakita kong tumingin sa akin ang bata saka ngumiti. Grabe, Dad. I was in cloud nine. Pinangiliran pa ako ng luha. Bago pa man ako pagdudahan ng mommy niya, tumalikod na muna ako. Pero maya't maya'y nagpalahaw siya. Hindi nila makontrol ang munti nating anghel. Nagpa-panic na ang yaya niya't ina dahil nangitim nang kaunti ang kanyang bibig sa kaiiyak. That was when I offered to soothe him. Sabi ko sa kanila eksperto ako sa pagpapatahan ng bata dahil mayroon din ako na kasing edad niya. His mom was very kind. Hindi niya ako minata kahit na halata sa uniporme kong tagalinis lang ako ng klinika. Matapos akong maghugas ng alcohol, pinakarga nila si Baby Tanglaw sa akin. I had to restrain myself kahit na gusto nang bumalon ng mga luha ko. Kunwari lang na minumuwestra ko sa mommy niya kung paano siya halik-halikan at hagud-hagurin sa likod para tumahan. Nakinig siya sa aking mabuti lalo pa't I was able to pacify our little one. Iba nga ang mother's touch. Pumalakpak naman ang mga nurses doon saka sinabihan nila ang mom ni Baby na I should know what to do daw with children his age kasi after all nagtapos ako ng Sikolohiya.

Kitang-kita ko kung paano nagulat ang babae, Dad. Parang napakurap-kurap siya habang nakatingin sa akin at sa uniporme ko. Pinanlamigan naman ako no'n. Pakiramdam ko, nabasa niya ang laman ng aking isipan. I felt guilty as hell. But then, I tried my best to just act cool.

Nakapunta pa sila roon ng mga apat na beses bago ko napag-alaman kay Doktora Jimenez na lumipat sila ng ibang klinika. Sinubukan ko sanang silipin din sila sa pinaglipatan nila, pero isang beses ko na lang nasilayan ang bata. A few months after, nabalitaan ko sa isa sa mga nurses ni Doktora na nangibang-bansa na pala ang mag-asawa.

Alam mo, Dad, may pakiramdam akong na-sense ng adoptive mom ni Baby kung sino ako. Palagay ko ay natakot siyang bawiin ko ang bata. Kung sa bagay, kahit sino naman siguro'y makikita ang pagkakahawig din namin ni Baby. Unang-una, kakulay ko siya, Dad. Although he had your eyes as far as I can remember him, he also had my thick, curly lashes. Ang adoptive mom naman niya'y maitim at hindi katangusan ang ilong. Ganoon din ang dad. Palagay ko'y magtatanong balang-araw ang ating anak. Hindi sa nanlalait ako, Dad, palagay ko'y may purpose rin si Lord kung bakit sa kanila binigay ang anak natin.

You might think I wept uncontrollably again after receiving this sad news about Baby Tanglaw migrating to the States. Tama ba ako, Dad? Haha! Hindi na gaanong emotional ang baby mo, Big Daddy. Tama nga si Mama. Makakasanayan ko rin ang pighati.

When I close my eyes, I could still see you---us at Sunken Garden, Dad. Nakikita ko pa rin tayong dalawa habang nakaupo sa damuhan. O di kaya iyong pag-unan mo sa kandungan ko habang nagkukunwa-kunwarian kang tulog para lamang makahipo sa legs ko. Haha! Yes, po, Mr. Santillan. Bistado ko ang modus mo. But I just kept quiet. Haha!

I will give up anything to be given a chance to have one more day with you at Sunken Garden, Dad.

Akala ko hindi na ako iiyak. Mali pala. Just the thought of our happy memories together could make me tear up still. Siguro ganito na ang kapalaran ko.

Ingat ka sa Oslo, Big Daddy, ha? I heard it started to snow already there. Magsuot ka ng thick winter jacket saka boots. H'wag matigas ang ulo.

Still your baby,

Isadora

DEAR BIG DADDY (COMPLETED - EPISTOLARY)On viuen les histories. Descobreix ara