Letter #38 - Sleepless nights

405 38 5
                                    

Dear Big Daddy,

Tinantiya ko ang damdamin ng aking unica hija noong mga panahong nami-miss ko nang todo ang ating panganay, Dad. Gusto ko kasi sanang sabihan siya tungkol sa kanyang kuya para hindi na ako nagsisinungaling kung ano ang ikinalulungkot ko sa tuwina. Noong mga panahong iyon kasi'y nawalan ako ng balita kay Baby Tanglaw. Sinubukan ko sanang magtanung-tanong sa dati niyang mga guro, pero pinagdudahan lang nila ako. Isinumbong pa ako sa school administration. Hayun, inakala nilang ako'y isang sugo ng kidnap for ransom group at minamanmanan ko raw ang susunod naming bibiktimahin. Ang ending no'n, pinagbawalan na akong magtinda sa harap ng eskwelahang iyon. Tuloy ay balik-sari-sari store na naman ako.

Gaya ng inaasahan ko, hindi naging positibo ang reaksiyon ni Rona sa posibilidad na mayroon siyang kapatid sa akin. Ilang beses pa akong sinabihang mangako raw ako sa kanya na siya lang ang aking anak at magiging anak kailanman. Nanlata ako, Dad. Hindi ko na alam kung paano ipaliwanag sa kanya na mayroon siyang kapatid. Ayaw ko rin kasi siyang masaktan. Sobra-sobra na kasi ang pasakit ng papa niya sa kanya sa tuwina. Natatakot din ako sa maaari niyang gawin kapag isiniwalat ko ang totoo lalung-lalo na ngayong tila nagiging sobra siyang attached kay Caloy. Ang ikinababahala ko'y baka bigla na lang siyang makipagtanan sa kababata kapag iginiit ko ang gusto ko. Wala akong nagawa kundi magsabi na naman ng kasinungalingan.

Hay naku, Dad. Ang hirap magpalaki ng isang tinedyer. Binalikan ko nga ang aking nakaraan noong ako'y kaedad niya. Tingin ko, hindi niya nakuha sa akin ang pagiging rebellious. Tahimik lang siya, pero may kakaiba sa kanya. Hindi ako ganoon noon. Siguro dahil hindi kami naging close ni Mama nang ako'y kaedad niya kung kaya wala akong sinandalan. Dahil doon lagi kong sinisikap na maging isang huwarang anak para mapalapit sa ermat ko at para mahalin din niya ako. Pero siya kasi'y iba. Alam niyang mahal na mahal ko siya. Kahit buhay ko'y handa kong ialay para sa kanya. Gusto ko kasing mapunan ang mga pagkukulang ng kanyang ama sa kanya at hindi niya maramdaman na iisa lamang ang magulang niyang todo-malasakit sa kanya. Marahil iyon ang dahilan kung bakit kahit na mukhang mabait siya on the outside, mayroon siyang tinatagong kulo.

I hope you did not misunderstand me, Dad. Hindi ko pinalaking spoiled ang unica hija ko. Pinadama ko lamang sa kanya ang kung anong hindi ko naranasan sa sarili kong ina nang ako'y nagdadalaga pa. Gusto ko lang kasing maibsan ang hinanakit ng anak ko sa mundo.

Hindi ko pala naikuwento sa iyo, Dad. Noong siguro'y magsisiyam na taong gulang ang baby ko, pinangakuan siya ng kanyang papa na ite-treat sa Jollibee for her birthday. Pero dumating ang mag-ina nito nang wala sa oras kung kaya napauwi nang maaga ang anak ko. Nagsinungaling pa siya noon sa akin. Sinabing hindi niya nagustuhan ang chicken joy kasi mas gusto ang luto ko. Later ko na lang napag-alaman na nagkaila siya para hindi ko awayin ang kanyang ama. Sweet din na bata ang Rona ko, Dad. Minana niya iyon sa akin. I think you would agree with me on that. Haha!

Hay naku, Dad. How I wish you were here with me. Siguro'y may mas maganda kang approach para sa pinoproblema ko kay Rona. It has caused me a lot of sleepless nights already. Buti na lang mayroon akong matatamis nating kahapon na nagbabalanse sa mga inaalala ko sa gabi. Kung hindi dahil doon matagal na akong sumuko sa buhay.

I hope you still think about me, too, Big Daddy. Kahit minsan lang...

Your baby forever,

Isadora

DEAR BIG DADDY (COMPLETED - EPISTOLARY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon