Letter #26 - Sinag

605 45 4
                                    

Was it destiny? Or just mere coincidence?

Iyan lagi ang tumatakbo sa isipan ko sa tuwing naalala ko ang araw na iyon. Dapat sana ay tinatamad akong mamalengke noon. Pero sabi ko ay gusto kong sorpresahin si Damian sa pag-uwi nito buhat sa isang out-of-town work. Tinuruan ako ni Cherry kung paano magluto ng kare-kare, ang paborito niya. Nang iabot ng tindera ng peanut butter ang nabili ko, napansin ko agad ang nakasulat sa malalaking titik sa dyaryong pinambalot roon. Isang artikulo tungkol sa iyo! Nasa Pilipinas ka na raw para sa isang family project!

Tandang-tanda ko kung paano dumagundong ang puso ko no'n. Nag-init ang pisngi ko sa excitement at iningatan ko ang pinilas na papel na iyon. Hindi ako nakaluto ng kare-kare nang gabing iyon dahil sa iba ang iniisip ko. Buti na lang hindi nauwi nang gabing iyon si Damian. Na-extend ang sinu-supervise niyang work sa Laguna at kinailangan niyang manatili pa roon ng isa pang linggo ayon sa telegrama na pinadala niya sa akin.

Sabi ko sana magkukunwari na lang akong hindi ko nabasa ang artikulong iyon tungkol sa iyo. But the more I think about shrugging it off, the more it strengthened my resolve to come see you for one last time. Iyong pagdaan ko sa lobby ng hotel na iyon noon ay hindi coincidence, Dad. Talagang planado iyon. Gusto ko lang malaman kung hindi mo pa rin ako nakalimutan. Laking tuwa ko nang mapag-alaman na sa kabila ng mga pagbabago sa hitsura ko'y naalala mo pa rin ako. Sobra akong flattered. Siyempre, sino ba naman ang hindi mapa-flatter na mabigyan-atensyon ng isang unti-unti nang nakikilala sa larangan ng business sa Pilipinas? Naalala ko pa, ang dami ngang napa-double-take nang ang isang kapita-pitagang negosyante na nakasuot ng isang mamahaling suit ay mag-aabalang makipag-usap sa isang panauhin ng hotel na mukha namang tsimay! Haha!

Sa totoo lang, Dad, alam ko namang maganda pa rin ako, pero tingin ko sa sarili nang mga oras na iyon ay sobrang liit. Paano kasi'y naka-step-in sandals lang ako samantalang ang mga nandoong mga kababaihan ay nangagkasuot ng mga signature shoes from Paris and Milan. Kung ang damit ko'y mula lang sa Divisoria, ang kanila nama'y mula sa fashion houses sa Europe. Pero, ako pa rin ang wagi. Kasi ako lamang ang nilapitan mo't kinausap nang matagal. Hindi ka nga nahiya na yakapin ako nang mahigpit at matagal sa harapan ng iyong mga business partners and associates. Grabe ang feeling ko nang mga sandaling iyon, Big Daddy. You really know how to make a woman feel special!

Naalala ko pa, walang pag-aatubli akong sumama sa iyo nang mga sandaling iyon at naganap na naman ang dapat ay hindi ko na ipinagkaloob sa iyo dahil mayroon nang Damian sa buhay ko. Pero wala akong nagawa, Dad. Naging marupok na naman ako.

Nang niyaya mo akong sumama na lang sa iyo nang mga panahong iyon, I gave you a resounding 'yes'. Sa totoo lang, bahagya lang sumagi sa isipan ko si Damian o ang asawa mo. Ang pokus ko noon, gusto kong ibahin ang takbo ng love story natin. Subalit...

Marahil nagalit ka sa akin nang hindi ako sumipot sa sinasabi mong paghihintayan mo sa akin noon. I have to be honest, Dad, I was already all set to go and meet you. Kaso nga lang, on my way to our meeting place, nag-overtake ang sinasakyang kotse ng wife mo sa dyip na kinalululanan ko. Ang lapit-lapit ko na sana sa iyo noon. I thought then that it was just a mere accident but when I saw a beautiful Norwegian woman coming out of the car, nahulaan ko nang ako nga ang sadya ng babae. Para maiwasan ko ang eskandalo, sumama ako sa kanya.

Ang first impression ko sa kanya noon nang makita siya sa campus na kumakaway sa iyo ay isa siyang cold-hearted woman. Isang babae na walang pakialam sa damdamin ng iba. Pero habang kausap ko siya nang mga sandaling iyon sa coffee shop na pinagdalhan niya sa akin ay nabago in an instant ang tingin ko sa kanya. Ang saglit lang sanang confrontation ay naging tatlong oras na kuwentuhan hanggang sa napag-isip-isip ko na marami nang masasaktan kung ipagpupumilit nating madugtungan ang ating nakaraan.

Iyong pag-uwi ko sa bahay nang gabing iyon ang isa sa mga pinakamalungkot na sandali ng buhay ko. But then, I was never prouder of myself...Napatunayan ko kasi sa sarili na kaya ko pa ring maging reasonable at empathetic sa kabila ng lahat.

Nang gabing iyon umuwi sa amin si Damian mula sa out-of-town work niya. Napansin ko agad na balisa siya at mukhang hindi mapakali. I thought then that he found out about our plan! Sabi ko dapat maging matapat ako sa kanya. I have to tell him the truth. Nang akmang sasabihin ko na sa kanya ang totoo, pinatigil niya ako at nagtapat siya ng matagal na raw niyang panloloko sa akin. Iyong out-of-town work niya ay hindi raw totoo. Kasama raw niya ang babae niya!

Sa totoo lang, pagkarinig ko niyon imbes na magalit at kasuklaman ko siya dahil ang tagal na pala niya akong niloloko, kaagad ko siyang naunawaan. Sabi ko sa kanya, h'wag siyang magugulat at may sasabihin din ako sa kanya. Naging night of revelation ang gabing iyon.

Hindi na namin nagawang sumiping sa isa't isa matapos ang pagtatapat hanggang sa mapag-alaman kong nabuntis na naman ako. Naiyak kami pareho ni Damian. Tanggap daw niya ang pangangaliwa ko dahil ang laki rin ng kasalanan niya sa akin, pero baka---baka hindi raw niya matanggap ang anak natin. Labis na ikinasama iyon ng loob ko.

Nagsimulang magbago ng pakikitungo niya sa akin si Damian. Labis ko iyong dinamdam hanggang sa nagulat na lang ako na dinugo ako nang todo. Sinugod pa sana ako ng mga kapitbahay sa ospital, pero hindi na nasagip si Baby.

Alam mo ba na labis-labis ang paninisi ko sa sarili no'n? Nang dahil sa selfishness ko ay may isang anghel na nagsakripisyo. Pero sa isang banda ay sinisi ko rin si Damian. Kung bakit hindi niya natanggap ang lahat gayong napatawad ko siya nang buong-buo?

When I think about our 'bunso', it makes me feel so sad. Inisip ko na lang na everything has a reason. Siguro kong nabuhay siya, hindi na ako makapapayag na hindi mo siya kilalanin. Palagay ko, baka---knowing you, higit pa sa kilalanin siya ang ibibigay mo sa kanya. Masisira ang pamilyang matagal mo nang iniingatan---ang pangarap ng pamilya mo para sa iyo. On the other hand, kapag hindi mo siya kinilala nang dahil sa galit mo sa akin sa hindi pagsipot sa meeting place natin noon, baka ikamamatay ko naman. Whatever the reason was, I trusted God that it was for the best.

But I still wonder about out little one sometimes. Our bunso...

Kahit hindi siya nabuhay, binigyan ko pa rin siya ng pangalan. Tinawag ko siyang Sinag.

Your baby,

Isadora

DEAR BIG DADDY (COMPLETED - EPISTOLARY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon