Letter #35 - Entrepreneur

459 45 11
                                    

Dear Big Daddy,

Napaalis ako sa pinagtatrabahuhan kong kompanya nang mapag-alaman nilang mayroon akong TB. Hindi na ako nagulat. Pagkain ang hina-handle namin, eh. Mahalaga ring masiguro ang kaligtasan ng nakararami. Pinagpasalamat ko na lang na binigyan nila ako ng pagkakataong maging bahagi ng kanilang organisasyon sa loob ng mahigit isang dekada. H'wag kang mag-alala, Dad. Mayroon naman akong ipon kahit papaano.

Noong college, if you remember, I was against the sari-sari store mentality. Sabi ko kasi noon, tayong mga Pinoy ay hindi resourceful. Pagsa-sari-sari store na lang ang alam gawin kung walang job opportunities. Ang dami kong sinabi against it, kakainin ko rin pala pagdating ng panahon. Haha! Yes, Big Daddy. Naging 'entrepreneur' din ako sa wakas! Haha!

Ang hirap nga pala maging tindera ng isang 'mini-grocery' lalung-lalo na kapag nasa iskwater ka nakatira na salat ang pera. Lahat na lang ay gustong mangutang. Kapag hindi pautangin ay sila pa ang galit. Hindi ko alam kung hanggang saan ko kakayanin ang ganitong sistema, Dad. Minsan, pati anak ko ay napapasama dahil sa mga presko at mangungutang naming kapitbahay. Buti na lang may isang Aling Loleng na para na ring pangalawang ina ni Rona. Ito lang ang hindi nangungutang sa tindahan namin. Sa halip, ito pa ang nagpapautang sa amin kapag kinakapos kami.

Hindi ko naikukwento sa iyo. Si Aling Loleng ay ina ni Caloy, ang kababata ng anghelita ko. Sa tuwing umaalis ako ng bahay para mamili ng aking paninda, sa kanya ko iniiwan ang aking anak. May tiwala naman ako dahil isa siyang responsableng babae at ina sa tatlo niyang anak. Siya lamang sa aming barangay ang tingin ko tapat sa asawang OFW. Lahat kasi rito ay may number one, number two, at number three pa! Naku, Dad. Kung nakikita mo ang mga kapitbahay ko rito, magugulat ka kung paano nila nagagawa sa kani-kanilang mga asawa ang pangangaliwa. Mababae o malalaki, parehong may mga reservists! Hindi mo rin maisip kung paano may nakatiis. Palagay ko nga ang iba sa kanila ay hindi pa nagsasabon ng safeguard. At hindi nahuhugasan ang mga ano nila! God forbid (sign of the cross)! Pasensya na sa mga pinagsasabi ko rito, Dad. Alam kong hindi mo ako maiintindihan dahil hindi ito bahagi ng reality mo. Siyempre, sa inyong mga mayayaman kaya ninyo kasing papuntahin ang mga asawa ninyo sa OB-Gyne. Dinig ko mayroong espesyal na sabon na para sa ari ng isang babae na available sa mga klinika ng obstetricians at gynecologists, ang Lactacyd. Don't laugh, Dad. Yes, there is. Nabasa ko ito noong nakaraan. Pero kahit wala ako nito noon, it was never an issue for me, right? Haha! Okay, Dad. Will stop the discussion here.

Okay naman ang naging kita ko noong mga first few months ng pagsa-sari store ko. Subalit, nang medyo tumagal-tagal na, lagi na lang akong may kaaway na kapitbahay. Ayaw ko kasing pautangin kaya naghuhuramentado sa harapan ng bahay ko. Minsan dahil sa takot na baka may gawin sila sa aming mag-ina napapahinuhod na lang ako. Dahil dito, napag-isipan ko na gumawa ng ibang paraan para kumita. May nakapagsabi sa akin na okay magtinda sa harapan ng mga schools. Hindi naman daw kasi naninita ang mga admin ng eskwelahan basta ang tinda ay hindi junk food. Naisip kong magbenta ng banana cue. At iyon nga, Dad. I did it!

Grabe ang kaba ko noon nang una akong sumubok sa tapat ng private school ng ating panganay. To say that I was having palpitations seemed not enough. Matindi ang naging anxiety ko na may kasamang excitement dahil mahigit isang dekadang hindi ko nasilayan ang aking Baby Tanglaw. Naisip ko, makikilala ko pa kaya siya? Wala akong ibang pagkakakilanlan sa kanya liban sa aking alaala. Ang tanda ko, kamukha mo siya. He had your eyes, your lips...Pero sa pagkakaalala ko rin, mayroon din siyang hawig sa akin.

Pumunta sana ako kay Sister Gertrude, iyong madreng natoka noon sa baby ko kung mayroon siyang recent picture man lang ni Baby Tanglaw. Wala raw. Palagay ko, meron, Dad. Ayaw niya lang magbigay. Ewan ko ba sa madreng iyon. Duda rin siguro sa akin. Well, dapat nga siyang mag-atubili kasi gumawa talaga ako ng paraan para makita kong muli ang baby ko. Haha!

Anyways, you wouldn't believe my luck, Dad. Sa unang araw ng pagtitinda ko sa tapat ng isang private school sa Manila, may batang mestisuhin na lumapit sa akin through the grills of their fenced-school. Napatanga ako pagkakita sa kanya. Walang nagsabi sa akin na siya na nga ang hinahanap-hanap ko. But when I looked straight in his eyes, it was as if I was taken back in time---doon sa Sunken Garden habang nakaunan ka sa kandungan ko. Habang pinagmamasdan kita. Ganoon ang nakita ko sa kanyang mga mata. Kamukha mo nga siya, Dad! At parang ako rin siya! Haha!

Bibili sana siya ng paninda ko. Nag-abot na siya ng pera, pero may matabang babaeng humabol sa kanya. Yaya pala niya. At bigla nitong tinabig ang kamay kong nag-aabot ng banana cue sa bata. Dirty daw iyon. Nasaktan ako. Ganoon pa man, naibsan ang sakit na naramdaman ko nang lumingon siya with a sad look in his eyes and said, "I'm so sorry po, ale. I do not think your banana cue is dirty. I want to eat it someday. I'm sorry po."

Na-touch ako sa kung paano siya nagpakumbaba. His parents did a good job raising him. Wala akong kasing saya. At habang inuulit-ulit ko ang kanyang pangalan sa aking isipan, napapangiti ako.

Binigyan pala siya ng bagong pangalan ng kanyang mga magulang, Dad. Ricardo na pala siya ngayon. Ang sarap pakinggan. How insanely coincidental! Kasi Ricardo ang pangalan ng lolo kong ama ni Mama. Ricardo Ramirez.

Sana balang-araw hanapin mo si Ricardo, Big Daddy. You wouldn't miss him. Siguro kapag nakita mo siya sasabihin mong nakikita mo ako! Haha! Yes, Dad. He has both our features. Sa unang tingin makikita mo ang sarili mo sa kanya. But the more you look at him, the more you will see me.

May buti rin palang naidulot ang pagiging 'entrepreneur' ko, Dad. Hindi ko sukat-akalain na ito lang pala ang magiging daan para matupad ko ang isa sa mga pangarap ko sa buhay. Ang masilayang muli ang ating panganay.

Your original baby,

Isadora

DEAR BIG DADDY (COMPLETED - EPISTOLARY)Where stories live. Discover now