Letter #36 - Puppy love

496 40 10
                                    

Dear Big Daddy,

Sabi ng ibang nanay noon ang OA ko raw. Kasi wala pa raw dose anyos ang anak kong si Rona no'n binigyan ko na ng kulay ang pakikipag-close niya sa kababata niyang si Caloy. Dad, naging bata rin ako noon. Alam ko na as early as four years old nagka-crush na ang mga bulinggit. Nasubaybayan ko simula't sapol kung paano kumikislap ang mga mata ng anghelita ko sa tuwing nakikita niya ang Caloy na iyon. There was even a time na nahuli ko pa siyang pulbo nang pulbo sa pisngi bago lumabas ng bahay dahil naghihintay na ang kababata niya sa labas. Kailan pa ako gagawa ng paraan na maputol ang ugnayan nila? Kung huli na ang lahat?

I was not being wicked when I tried to stop Rona from getting so attached with Caloy. Ang akin lang noon, ayaw ko siyang masaktan nang maaga. Nakita ko kasi sa kababata niya na may potensyal itong maging babaero paglaki niya. But then, on my first attempt, nang pagbawalan ko si Rona na makipaglaro sa kababata niya, labis niya iyong dinamdam. Natakot nga ako no'n dahil sobra niya iyong iniyakan. Aakalain mong naging magnobyo na sila. Ganoon talaga siguro ang puppy love.

Hay. Sa totoo lang, Dad, namroblema talaga ako sa attachment ng unica hija ko sa kanyang childhood sweetheart. Alam ko kasing bihira lang sa mga ito ang nagkakatuluyan sa bandang huli. Sabihin mo nang advance ako mag-isip no'n, pero saan pa ba patutungo ang closeness ng mga bata? Hindi ba't doon din naman? Nag-alala ako masyado dahil alam kong may pagka-sentimental ang baby ko. Hindi siya katulad ng mga batang babae sa kalye namin na okay lang kung mabigo. Nakakabangon agad sila. Nakaka-move on. Si Rona kasi'y parang ako. Malalim kung magmahal. Matagal makalimot. Tingnan mo na lang ang ginawa ng papa niya minsang binisita siya nito sa school. Hindi niya nakalimutan iyong nakita niyang paglalambing ng ama niya sa kanyang half-brother. Kapag nagagalit siya sa papa niya nauungkat pa rin iyon.

Masama na ba akong ina kung pigilan ko ang musmos niyang pag-ibig? Hindi ba ganoon naman ang ginagawa ng inang may pakialam sa kinabukasan ng kanilang anak? Alam kong tama noon ang ginawa ko, Dad, pero hindi rin ako napanatag. Sa tuwing sisinghot-singhot siya sa gabi habang tingin niya'y tulog na ako, hindi rin ako napakali. Nabalisa rin ako. Nadurog din ang puso ko knowing she was hurting. Bandang huli, wala rin akong nagawa. Ako rin ang kusang sumuko. Pinagdasal ko na lang na sana ay hindi siya mabigo sa kanyang first love.

Naisip nga kita, Dad, habang pinapangaralan ko siya noon tungkol sa pag-ibig. I wondered, paano kaya kung ikaw ang naging ama niya? How would you handle it? Pipigilan mo ba siya sa kanyang puppy love? Knowing you, tingin ko, matatawa ka lang. Pagtatawanan mo rin ang pag-aalala ko. Sasabihin mo pa sigurong, "Let our daughter experience the joy of falling in love because not everyone is lucky to be loved back..."

Not everyone is lucky to be loved back...

Alam mo, Dad, lagi kong naiisip iyon. Tandang-tanda ko nang binulong mo iyon sa akin noon sa Palma Hall. Sabi mo pa, dapat nating ipagpasalamat lagi sa Panginoon na mahal tayo ng taong mahal din natin nang labis.

Ah, to be young and in love. Haha! Pero hindi ko na-experience ang tinatawag nilang puppy love, Dad. I never considered ours as just puppy love. Kasi kung iyon lang iyon, disin sana'y matagal na kitang nalimutan. Pero hindi eh. Nandito ka pa rin sa puso ko. Dasal ko pa rin ang kaligtasan mo. Ikaw pa rin ang hinahanap-hanap ko.

Sige na nga. I will end it here. Baka iiyak na naman ako kung hindi ako titigil sa pagbabalik-tanaw sa ating nakaraan. Basta, ingatan mo ang sarili mo saan ka man naroroon. Just to know you are breathing somewhere in this world is enough for me...I love you.

Your baby forever,

Isadora

DEAR BIG DADDY (COMPLETED - EPISTOLARY)Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin