Letter #33 - Balang-araw

499 56 18
                                    

A/N:  Paramdam po kayo. Hehehe!

**********

Dear Big Daddy,

Nabalitaan ko sa isang madre sa bahay-ampunan na nagbalikbayan na raw ang mga umampon noon sa ating panganay. But she made me promise not to show up in their doorstep. Baka raw malagay sila sa alanganin. Noon daw kasi ay natunugan ng mag-asawa na ako ang mama ni Baby Tanglaw. Iyon daw ang dahilan kung bakit ora-orada silang lumipat ng pedia clinic. Nang dahil daw sa pangyayaring iyon ay nagpunta pa ang mag-asawa sa mga madre. Isinumbong ako. Nagbabala pa raw ang mga ito na ihahabla ako kung hindi ako tumigil sa kakabuntot sa kanila. Nasaktan ako, Dad. Pero sa isang banda, naisip ko ring may katwiran din ang mga magulang ng ating anak. Ayaw lang siguro nilang malito ang bata balang-araw. Gayunman, ang sakit pa rin, Dad. Dugo mo't laman pero hindi mo man lang mayakap at mahagkan. Ewan ko, Dad. Parang hindi ko kayang panindigan ang pangako ko sa mga madre lalo pa't may nakapagbulong sa akin kung saang private school nag-aaral ang bata.

Sa totoo lang, Dad, I was tempted several times to tell you about our eldest. Alam kong kapag nalaman mong nagkaanak tayo noon ay sisikapin mong mabawi ito sa mga umampon sa kanya. Naisip ko ang maaaring mangyari. Sapilitian mo itong kukunin sa kinagisnan nitong magulang. Masasaktan ang bata. Hihingi ng tulong ang papa nito sa pangulo natin. Malakas din daw ang asawa nito kay First Lady, eh. Tapos, maghahablahan kayo. Damay pati ako. Lalung-lalo na ako. Baka sa bandang huli'y kamuhian ako ni Baby Tanglaw.

Kaya kong tiisin ang lahat, huwag lang ang galit ng aking anak, Dad. Siguro'y hindi ko matatanggap iyon kapag nagkataon. Baka ikamatay ko pa. Siguro saka na. Saka ko na sasabihin sa iyo nang personal na mayroong isang munting tanglaw na nabuo sa minsan nating pagkakamali. Pagdating ng araw na iyon ay may sapat na sigurong pang-unawa ang ating panganay para lubos niyang maintindihan kung bakit kinailangan siyang ipaampon ng kanyang mama.

Sa totoo lang, Dad, ilang gabi akong hindi pinatulog ng balitang nasa paligid lamang ang ating anak. Palagay ko ay hindi ako matatahimik hangga't hindi ko siya mayakap man lang kahit minsan. Parang nagtataka na tuloy ang aking anghelita. Bakit daw lagi akong tuliro? Malayo ang tingin? Balisa? Paano ko ba sasabihin sa munti kong anghel na mayroon siyang kapatid sa ina? Ang alam niya siya ang aking panganay at ang kaisa-isa kong anak.

Kung sana kasi'y pinahintulutan ako ng iyong mga magulang na masabi ko ang aking kalagayan sa iyo noon. Sana iba ang naging takbo ng buhay ng ating panganay. Malakas ang pananalig kong kinupkop mo sana kami't hindi pinabayaan.

Sana Dad, kung balang-araw ay malasin ako't hindi ko na masabi sa iyo nang harap-harapan ang tungkol sa ating panganay, sana ay sa pamamagitan ng mga sulat kong ito ay maipabatid ko sa iyo na mayroon tayong anak. Sana hanapin mo siya para sa akin. At kapag iyong natagpuan ay sana mayakap mo't mahagkan alang-alang sa akin. Mahal na mahal ko kayong dalawa.

Baby mo ngayon at magpawalang hanggan,

Isadora

DEAR BIG DADDY (COMPLETED - EPISTOLARY)Where stories live. Discover now