CHAPTER 36: MOTHER'S DAY

1.7K 38 2
                                    

Quebec's POV
"Ang dumi naman ng damit ni Lancelot." Sabi ni mommy habang nagbabanlaw kaming dalawa ng mga damit namin.

Nilapitan ko siya saka ko sinilip ang puting sando ni Lancelot na puno nga ng mantsa ng chocolate. May palatandaan kasi ako kung kaninong damit ang mga damit nila para hindi sila nagkakapalit-palit kahit mga kambal naman sila. Nilagyan ko ng una at huling letter ng pangalan nila ang mga label ng damit nila. Lahat ng damit nila. Lalo na kapag damit ni Landon at Lancelot kasi parehong panlalaki ang damit nila. Kapag damit ni Lancelot may nakalagay na LT, kapag kay Landon naman LN at kapag kay Lanaia, LA.

Itong hawak ni mommy na puting sando na kasalukuyan niyang nilalagyan ng bleach ay may initial sa label na LT kaya kay Lancelot ito. Napahinga ako ng malalim bago ako bumalik sa pagbabanlaw sa kabilang batya.

"Kaya pala bago kami matulog ni Xenon parang narinig ko pa si Lancelot na bumalik sa kwarto namin."

Narinig kong tumawa si mommy. "Bumalik nga. Pinagtatawanan nga namin ni Lanaia dahil nagdadahan-dahan pa si Landon at Lancelot sa paghakbang papunta sa kwarto niyo at sinisilip kung gising ka pa."

Napailing ako. "Ang kulit talaga ni Xenon. Ilang beses ko ng sinabi sa kanya na huwag nang pakainin ang mga bata ng chocolate kasi patulog na sila at sa halip na humimbing ang tulog ng mga 'yon, mauudlot pa ang antok nila."

Hindi na umimik si mommy at tinapos na namin ang labahin saka kami pumasok sa loob ng apartment. Pagpasok namin sa bahay pinagpahinga ko na si mommy dahil medyo sumakit daw ang balakang niya. Dala na rin ng edad niya kaya ganon. Ako naman, nagluto na ako ng tanghalian namin.

Dito sa apartment na pagmamay-ari ng isang chef ni Xenon kami nakatira sa ngayon. Dalawang buwan na rin kami rito. Kasama ang mga bata at maging si Xenon. Tuwing araw ng Sabado at Linggo nasa mga magulang ni Xenon ang mga bata. Kagaya ngayon, araw ng Sabado kaya naman kami lang ni mommy dito sa bahay. Tahimik at walang kalat kaya madali kaming nakapaglaba ng mga damit.

Ang mga bata, nandoon kila tita, madalas hindi na ako sumasama kapag nandoon ang triplets para magkaroon talaga sila ng quality time ng lolo at lola nila roon. Ayoko nang makiagaw pa ng atensyon dahil sa limang araw naman sa isang linggo nasa akin sila. Saka dito naman sila natutulog kahit doon sila kila tita buong araw. Mamaya pa ang uwi ng mga bulilit ko na 'yon. Pag-uwi ng mga 'yon, nakakain na sila ng hapunan kaya knockdown na sila pag-uwi nila galing doon. Lagi namang ganon.

Nang makaluto ako ng tanghalian namin ni mommy ay sabay na kaming kumain tapos naligo na ako saka nagpahinga ng tuluyan. Nakaidlip ako sandali sa kwarto namin ni Xenon saka ako naglinis ng bahay na malinis naman maghapon dahil wala ang mga makukulit.

Dito na talaga tumira si Xenon kasama namin. Basta 'yon ang gusto niya at hinayaan ko lang siya dahil siya naman ang nagbabayad nitong renta ng bahay at isa pa ay nandito sa akin ang mga bata. Sabi ni mommy, kahit saang anggulo raw tignan, live-in na raw ang tawag doon dahil nakabukod na kami kahit kasama namin si mommy sa iisang bubong.

Pero kahit kasama namin siya rito, madalas hindi siya nakikialam sa sitwasyon namin ni Xenon at pati sa paraan ng pagpapalaki namin sa mga bata. Sa bahay na 'to, siya ang kasangga ng mga bata. Kapag napapagalitan namin ni Xenon ang mga bata, siya ang takbuhan ng mga ito. Siya ang nagpapatahan, nagpapaliwanag at umaaliw sa mga bata kapag napagsasabihan sila.

Minsan ko na rin siyang sinita na huwag sanayin ang mga bata para matuto sila, pero sabi ni mommy hayaan ko na lang daw siya dahil ang mga bata ngayon ang nagpapasaya sa kanya dahil nakikita niya sa kanila si Qeena at Queenie. Sabi rin niya sa akin na mainam din daw na kahit papaano ay may kakampi ang mga bata sa bahay para maramdaman nila na may kakampi pa rin sila. Sabi pa niya na iba raw malungkot at magdamdam ang mga bata dahil sa murang edad ng mga ito, ang alam nila kapag pinagsasabihan sila, hindi na namin sila mahal. Na sinangayunan ko naman kaya hinahayaan ko na lang siya na maging kasangga ng mga bata.

I'm Just A Babysitter (COMPLETED)Where stories live. Discover now