39

9 4 0
                                    

Nagising ako ng alas otso ng gabi. Kahit medyo antok pa ako, tumayo na ako para tingnan ang cellphone ko. Nagbabakasakali ako kung naalala niya ba akong tawagan o itext man lang pero wala, wala talaga.

Ang mas ikinagulat ko pa, pag-online ko, hindi ko siya machat. Hindi ko alam kung nakablock ba ako o nag-deactivate siya.

Doon na ako mas lalong kinabahan kaya dala ng sobrang pag-iisip, umiiyak na naman ako.

Narinig ko pa ngang kinakatok ako ni Mama para yayaing kumain pero sinabi kong busog ako. Hindi niya naman ako kinulit at sinabi na lang na bumaba na lang raw ako kapag nagutom.

Ang bigat ng loob ko.

Mag-iisang araw ng wala siyang paramdam at hindi ko gusto na ganito kami. Sa mga oras na 'to, kung ano-ano na naman ang pumapasok sa isip ko.

Kaya niya ba sinabing hindi na kami maghihiwalay noʼn kasi naawa siya saʼkin?

Paano kung totoong may iba nga at talagang ayaw niya na akong makausap?

Paano kung akala ko kami pa pero pinagkakalat niya na sa lahat na wala na kami?

Paano na ako?

Hindi ko kayang wala siyang paramdam. Kailangan kong gumawa ng paraan para makausap siya ulit. Hindi naman pwedeng umiyak lang ako ng umiyak dito sa kwarto dahil wala namang mangyayari.

Pupuntahan ko siya sa kanila bukas kapag hindi niya pa talaga ako tinawagan ngayong gabi. Hindi ko talaga kasi kaya ng ganitong set-up na walang paramdaman. Parang hindi niya ako girlfriend at ang bigat sa loob isipin.

Siguro sa buong gabi na gising ako, puro lang ako iyak kaya naman nakatulog ako ulit. Alas nwebe na ako nagising kinabukasan. Nang tingnan ko ang mata ko sa salamin, nakita kong magang-maga ito. Parang kinagat ng bubuyog.

Napabuntong-hininga na lang ako at binalewala na lang ang maga kong mata. Kahit tinatamad akong bumangon ay ginawa pa rin. Bumaba pa rin ako dahil kagabi pa akong walang kain. Gutom na ako.

“Nasaan si Mama?” tanong ko kay Sirene ng tanging siya lang ang naabutan ko sa sala.

Mukhang kakagising niya lang rin dahil pupungas-pungas pa siya ng mata.

“Umalis yata. Hindi ko alam, kakagising ko lang,” wala sa sarili niyang sagot saka siya naglakad papuntang kusina.

Dumiretso na rin ako ng kusina para magmumog. Laking pasasalamat ko na lang talaga at hindi napansin ni Sirene ang mata ko. Kapag nagkataon kasi, magtatanong na naman ang babaeng 'yon.

“Baʼt nga pala magang-maga ang mata mo, ate? Umiyak ka ba?” tanong niya pagkatapos niyang magmumog.

Napabuga na lang ako ng hangin. Kakasabi ko pa nga lang, nahalata niya na agad.

“Hindi pa rin kayo okay ni Gian?” muli niyang tanong.

“Tumigil ka na nga sa katatanong, napakachismosa mo,” inis kong sabi at pagkatapos ay kumuha ako ng plato para sana kumain.

Ramdam kong pinagmamasdan niya ang kilos ko. Alam kong ang dami niya na namang sasabihin saʼkin at ayoko ng pag-usapan pa 'yon.

“Baka naman kasi iniisip mong kayo pa kahit break na talaga kayo,” napatingin ako sa kanya dahil sa sinabi niya.

Sinamaan ko siya ng tingin pero tiningnan niya ako na para bang hindi niya alam kung anong nasabi niya.

“O, nagsasabi lang naman ako. Syempre kasi, napahiya 'yon at kung ako sa sitwasyon niya, maybe, hihiwalayan kita. Ayoko kaya ng girlfriend na eskandalosa,” kaswal niya lang iyong sinabi at pagkatapos ay kumuha siya ng plato para kumain na.

24th of DecemberWhere stories live. Discover now