Chapter 23

2.2K 39 2
                                    


Chapter 23

Are You Okay?

TAHIMIK lamang akong nakatitig sa lalaking mapayapang natutulog sa aking kusina. Ang kanyang isang kamay ay nakababa sa gilid habang ang isa naman ay nakadantay sa kitchen counter. Nakasalampak ang ulo habang marahang nakapikit ang mga mata.

Nang iikot ko ang aking paningin sa aking kapaligiran ay kita ko kung gaano kagulo ang aking condo. Turns out, nagwala pa ito at nagsisira ng gamit sa aking condo.

Nakabukas pa rin ang pintuan ng aking condo na agad ko namang sinarado. Sinimulan ko na ang paglilinis ng aking condo. Pinulot ang mga nabasag na gamit, sinusubukang hindi masugatan kahit nanlalabo na ang aking paningin.

Hindi ko na alam kung anong gagawin ko. Naninikip na lamang ang aking dibdib tuwing iniisip ang dapat kong gawin.

Napatitig na lamang ako sa aking kamay na unti-unti nang naglalabas ng dugo. Naka-squat ako sa sahig habang nakatingin sa malabong imahe sa aking harapan. Nalaman ko lamang na nagdudugo na ang aking daliri dahil naaninag ko ang kulay pulang dugo. My vision was so blurry.

Kahit na nasugatan ay para bang sobrang manhid na ng aking katawan at hindi ko manlang naramdaman ang hapdi noon.

Napakagat na lamang ako sa aking pang-ibabang labi habang patuloy ang pagtulo ng luha mula sa aking mga mata. Kasabay ng pag-agos ng aking mga luha ay ang pagpatak ng dugo mula sa aking kamay sa sahig.

Napaigtad na lamang ako nang biglaang makaramdam ng kamay sa aking balikat. Agad akong napatingin doon at nakita ang mapupungay na mata ni Jake na nakatingin sa akin, halatang kagigising lamang. Nakakunot ang noo at salubong ang kilay.

"Jade, bakit ka may sugat?" punong-puno ng pag-aalala ang kanyang boses.

Nag-squat din ito sa aking tabi at inabot ang aking sugatan na kamay. Nagpalinga-linga muna ito sa gilid, naghahanap ng panyo para ipangpunas doon.

Tulo pa rin nang tulo ang dugo sa aking daliri. Idinampi niya iyon sa aking sugat at mariing pinisil para pigilan ang pagdudugo.

"Aayusin ko ang lahat..." bulong ko sa kanya, hindi siya tinatapunan ng tingin. Pinawi ko ang luha sa aking mata gamit ang isa kong kamay. "I'll fix everything, Jake..." dagdag ko.

Tumayo ako mula sa sahig at kinuha ang walis. Hinayaan ako ni Jake na lumayo at agad din naman niyang binitiwan ang aking kamay. Nahulog ang panyo na may patak ng aking dugo sa sahig. Winalis ko ang natitirang bubog.

Tahimik lamang ang lalaking kasama ko na pinapanood ako. Maya-maya pa ay naramdaman ko na lamang ang kanyang presensya sa aking likuran hangga't sa ipalibot niya ang kanyang braso sa aking katawan.

"Mahal na mahal kita, Jade," rinig kong bulong nito at hinalikan pa ako sa pisngi.

Mariin kong pinikit ang aking mga mata at tumango. Gusto ko na lamang magpahinga.

Pagkatapos maglinis ay tuluyan na akong pumasok ng aking kuwarto at sinaraduhan ito ng pintuan. Isinandal ko ang aking likuran sa pintuan habang tahimik na nakatitig sa kawalan. Nagbabadya na naman ang mga luha sa aking mata.

Maya-maya pa ay narinig ko na ang pagbukas at sarado ng pintuan sa labas. Nakahinga ako nang maluwag at napadausdos na lamang pababa hanggang sa makaupo ako sa sahig.

Itinaas ko ang aking mga tuhod at niyakap iyon gamit ang aking mga braso. Isinandal ko ang aking noo sa taas ng tuhod at doon umiyak.

Ngunit kahit anong gawin kong iyak ay para bang hindi nabawasan ang bigat sa aking dibdib. Mas lalo lamang iyong sumikip. Na para bang pinagkakaitan na ako ng hangin na malalanghap.

Chained to the Past (Imperfect Girls Series #2)Where stories live. Discover now