AFLW 2: Pangungulila

1.5K 55 23
                                    

AFLW 2: Pangungulila

***

Princess Yuki POV

Agad akong pumasok sa aking silid. Ng maisara ang pinto at nag-iisa na lang ako sa loob ng aking silid ay pinakatitigan ko ang bagay na binigay ng Mahal na Prinsipe. Isang buntung-hininga ang aking pinakawalan, hindi ko mapigilan ang mapalakad ng pabalik-balik.

Lumapit ako sa lagayan ng aking gamit sa isang bahagi ng aking silid, inilabas ko ang isang katamtamang laki ng kahon. Inilagay ko doon ang bagay na yun kasama ang mga pinaka mahalagang gamit na nadala ko galing sa labas. Palihim kung ipinasok sa palasyo ang mga bagay na nasa loob ng kahon. Mahigpit na ipagbabawal sa loob ng palasyo ang mga bagay na may kaugnayan sa modernong panahon. Subalit hindi ko magawang iwan ang mga bagay na makapag-alala ng aking naging buhay sa labas.

Hindi sinasadyang may nakapa akong malamig na bagay. Itinaas ko ito at sinuri. Isang kuwintas na may hugis puso, kapares ng kuwintas na aking iniwan sa lalaking pinakakamamahal ko. Ang lalaking tanging nagmamay-ari ng aking puso. Nawala ang kaninang pangamba na aking naramdaman at napalitan ng lungkot. Nabalot ng kalungkutan ang aking puso at naramdaman ko nalang ang pagkabasa ng aking pisngi ng luha habang nakatitig sa kuwintas. Itinapat ko ito sa aking puso at bahagyang niyakap sa pag-asang maibsan ang matinding pangungulila ko sa kanya. Sa mga yakap niya at halik, sa pag-aalaga niya, sa walang sawa niyang pagpapadama at pagsasabi ng kanyang pagmamahal. Lalo na sa kanyang presensiya, na palagi siyang nasa aking tabi.

Pinunasan ko ang aking luha gamit ang likod ng aking kamay. Isinuot ko sa aking leeg ang kuwintas at itinago sa aking kasuotan. Ipinagbabawal ang ganitong gamit subalit kailangan ko ito ngayon. Na sa ganitong paraan maramdaman ko man lang siya at may paghuhugutan ako ng lakas ng loob para gawin ang aking tungkulin. Ito nalang ang sandalan ko sa ganitong pagkakataon, sa panahon na puno ako ng pangamba.

Pagkatapos iligpit ang nasa loob ng kahon ibinalik ko ang takip saka ito kinipkip. Matagal akong nakatayo sa harap ng tabing sa likod ng aking higaan bago tuluyang inurong ito. Tumambad sa aking harapan ang isang lihim na pinto ng lihim na silid sa loob ng aking silid tulugan. Ibinalik ko ang tabing sa tama nitong kalagyan upang walang ibang makakita ng silid. May pumasok man sa aking silid tulugan habang nasa loob ako ng lihim na silid walang makakatuklas nito. Maliban kina Shuji at Yoshie wala ng nakaka-alam pa tungkol dito kahit pa ang aking kapatid. Dahil ang dalawa ang naging katulong ko upang lihim na mailagak sa lihim na silid ang mga mahalagang gamit na naroon.

Inilibot ko ang aking paningin sa loob ng lihim na silid bago tuluyang pumasok sa loob. Marahan kung isinara ang pinto. Inilagak ko ang kahon sa isang aparador na nasa dulong bahagi ng silid. Tumayo ako sa pinakagitnang bahagi ng silid at inilibot ang aking paningin. Isa-isa kung pinakatitigan ang lahat ng gamit na naroon. Parang may humaplos sa puso ko ng masilayan ko ang mga bagay na nagbibigay sa'kin ng masayang alaala. Alaalang babaunin ko hanggang sa aking pagtanda. Alaalang aalagaan ko sa aking puso at pagkukunan ko ng lakas kapag  puno ako ng pangamba at alinlangan.

Isa-isa kung nilapitan ang at hinawakan lahat ng gamit na naroon. Aking kinuha ang isang damit na at marahan itong hinaplos. Niyakap ko ng mahigpit ang damit at pakiramdam ko yakap ko na rin siya. Boung ingat ko itong ibinalik sa pagkakasabit saka pinagtuunan ko ng pansin ang iba pang bagay na pag-aari niya. Maaaring isipin ng iba na ako'y nababaliw na kung madatnan nila ako sa ganitong sitwasyon. Subalit masisisi ba nila ako kung makaramdam ako ng matinding pangungulila sa lalaking pinakamamahal ko? Lalo na kung puno ako ng pangamba? Siya ang laging nagpapakalma sa akin dati kung puno ako ng pangamba o kahit na nagagalit ako. Siya lang ang taong labis na nakakasakit sa damdamin ko subalit siya rin ang pumapawi sa lahat ng sakit na nararamdaman. Kahit sino o ano pa ang dahilan kung  bakit ako nasasaktan. Siya ang pinakamaganda at pinakamasayang pangyayari sa buhay ko, sa maikling kalayaan na naranasan ko.

A Fairy Tale Like WorldWhere stories live. Discover now