AFLW 14: Lihim at Karamdaman

901 35 9
                                    

Humihingi ako ng paumanhin sa maling pagkakasulat ko sa pangalan ng Prinsipe. Lilinawin ko lang po sa lahat, Prinsipe Daiki ang tamang pangalan.

AFLW 14: Lihim at Karamdaman

***

Prinsipe Daiki POV

Nananatili akong nakaupo sa tabi ng nakahiga at nanghihinang Prinsesa. Hindi pa bumabalik si Pinunong Kizu na aking inutusan upang sunduin ang aking manggagamot. Hindi ko maintindihan subalit labis ang aking pag-aalala sa kanyang kalagayan.

Ilang sandali pa ang lumipas at naramdaman ko ang kanyang paggalaw. Marahan niyang inangat ang kanyang sarili at napatakip sa kanyang bibig. Nahulaan ko na nais na naman niyang sumuka. Mabilis kung inabot ang mangkok at itinapat sa kanya. Saglit akong natigilan ng aking makita ang likido na tumutulo sa kanyang kamay. Dugo. Napamaang ako habang nakatingin sa Prinsesa na sumusuka na ngayon ng dugo.

Ang manipis na telang nakatakip sa kanyang mukha ay may bahid na ng dugo. Walang alinlangan na ito ay aking hinablot upang malaya kung makita ang kanyang mukha sapagkat walang tigil ang pag-agos ng dugo sa kanyang labi.

Subalit hindi ko napaghandaan ang mukhang aking mabubungaran. Napatulala ako sa maganda at nakakabighaning mukha na tumambad sa akin. Ang mukhang unang nasilayan ng lahat at pinandidirihan ay hindi ko matagpuan. Walang bakas ng anumang nakakadiri o kahit pilat ang aking nakita.

Napatitig ako sa kanyang mukha at may kung anung alaala ang nagpupumilit na sumiksik sa aking isip. Ipinilig ko aking ulo upang maibalik ang aking huwisyo na saglit nawala. Isang imposibleng bagay ang aking naisip ngayon lang, napakalabong mangyari. Hinamig ko ang aking sarili upang matuon ang aking buong pansin sa kanyang kalagayan.

Maingat ko siyang inihiga ng tumigil na ang kanyang pagsusuka. Pinunasan ko ang bakas ng dugo sa gilid ng kanyang mga labi. Maging sa kanyang kamay ay nilinis ko ng mabuti. Hindi ko nais na matuklasan ng sino man ang pangyayaring ito. Nakagawa ng paraan ang aking Mahal na Ina upang mapanitili siya dito sa kabila ng napakaraming petisyon ang natanggap ng Emperador noong nakaraang tatlong buwan. At ang pangyayaring ito ay hindi palalagpasin ng kanyang katunggali upang tuluyan siyang mapaalis ng Palasyo.

Marahas akong napabaling sa pinto ng bigla itong bumukas. Nakahinga ako ng maluwag ng makita si Yoshie na pumasok dala ang pagkain na aking hiniling. Bakas ang gulat sa kanyang mukha at bahagya pang bumuway ang kanyang tayo ng makita na wala ng takip ang mukha ng Prinsesa.

"Pinangahasan kung tanggalin Yoshie." Pagbibigay alam ko. "Subalit hindi na mahalaga ang bagay na iyan. Walang makakaalam sa aking natuklasan at mananatili itong lihim. Tawagin mo si Pinunong Shuji, madali ka. At mag-iwan ka ng mensahe na agad papasukin dito ang manggagamot kapag dumating."

Agad tumalikod si Yoshie pagkakuha ko ng lagayan ng pagkain na hawak niya. Itinabi ko muna sa lugar na hindi magagalaw.

Nagtatakang pumasok si Pinunong Shuji sa silid. Bakas din ang gulat sa kanyang mukha ng masulyapan niya na walang takip ang mukha ng Prinsesa. Hindi ko binigyang pansin ang nagdududa niyang paningin sa halip kinuha ko ang mangkok at inabot sa kanya.

Parehong napasinghap ang dalawa ng makita nilang dugo ang laman nito. Nagtatanong ang kanilang mga mata na tumingin sa akin.

"May hinala ako sa nangyayari sa Prinsesa subalit nais ko na kumpirmahin ito ng aking manggagamot. Itapon mo ito Pinuno, mag-ingat ka na hindi ito matuklasan ng iba. Lihim kang magmatyag at mag-imbestiga sa paligid. Hulihin mo ang mga kahina-hinala. Wag mong hayaan na may makalapit sa Prinsesa maliban sa inyo ni Yoshie."

A Fairy Tale Like WorldWhere stories live. Discover now