AFLW 39: Pagsiklab ng Digmaan

695 25 2
                                    

AFLW 39: Pagsiklab ng Digmaan

***

Prinsesa Yuki POV

Tumayo ako at inikot ang aking paningin sa buong bulwagan. Nagkalat ang mga katawan na wala ng buhay, mula sa aming panig at sa panig ng kalaban. Karamihan sa mga kawal ng Angkan ng Fukuri ay bumagsak. Natuon ang pansin ko sa kahulihulihang namumuno sa mga kawal na bumagsak sa espada ni Prinsipe Daisuke.

Hindi ko maiwasang mapatingin muli sa katawan ng Binibini na walang buhay sa aking paanan. Sa pagbagsak ng huling Pinuno ay ang tuluyang pagbagsak din ng kanilang angkan. Isang buntong-hininga ang aking pinakawalan bago tinungo ang kinaroroonan ng dalawang Prinsipe.

"Prinsesa Yuki, hindi ka ba nasaktan?" Magkasabay na tanong ng dalawang Prinsipe ng makalapit ako sa kanila.

Tipid akong ngumiti bago sumagot. "Huwag ninyo akong alalahanin mga Mahal na Prinsipe, ayos lamang ako."

Umupo ako sa upuan na nasa gilid ng bulwagan at malapit sa kinatatayuan ng dalawang Prinsipe. Nagbibigay na lamang sila ng utos sa mga kawal na ipunin ang mga katawan ng napaslang na kanilang kasamahan. Upang mabigyan ito ng maayos na libing at parangal.

"Shuji," tawag ni Prinsipe Daisuke sa aking bantay. "Ihatid mo na si Prinsesa Yuki sa kanyang tirahan upang makapagpahinga. Kami na ang bahala rito."

"Subalit nais ko pang ---" hindi ko naituloy ang aking balak sabihin sapagkat pinutol lamang niya ito.

"Tapos na ang laban ngayong gabi, Mahal na Prinsesa. At sa susunod na mga araw ay maaaring mapasabak uli tayo sa isang labanan kaya nararapat lamang na magpahinga ka. Ilaan mo ang iyong lakas para sa darating na araw. Tiyak na kakailanganin namin ang iyong tulong." Wika na hinarap ako at hinawakan ng mahigpit sa balikat.

Napatingin ako kay Prinsipe Daiki upang lihim na humingi ng tulong upang hayaan akong manatili. Nais ko munang makatiyak na ang wala ng kahit anong panganib.

"Tama si Prinsipe Daisuke, Prinsesa Yuki, dapat ka ng magpahinga. Kaya na namin ang ito." Sang-ayon ng Mahal na Prinsipe sa kanyang nakakabatang kapatid.

Napabuntung-hininga na lamang ako at dahan-dahang tumango. Walang nagawa sapagkat silang dalawa na ang may nais na bumalik ako sa aking tirahan at magpahinga.

"Ipatawag ninyo agad ako kung sakaling may panganib. Pakiusap, Kamahalan, nais ko lamang makatulong at tiyakin na walang makakaagaw sa trono at Imperyo."

"Asahan mong ipapaalam namin sa'yo, Prinsesa Yuki, kung sakali mang may bagong panganib." Nakangiting wika ng Mahal na Prinsipe Daiki at marahan akong tinapik sa balikat. "Sige na Shuji, ihatid mo na ang Prinsesa." Baling sa nag-aantay lamang na aking bantay.

"Ngayon din, Kamahalan." Kinuha ni Shuji ang espada na aking hawak at ibinalik sa lalagyan saka ako iginiya pabalik ng aking tirahan. Tahimik naming tinunton ang daan patungo sa aking tinutuluyan.

"Wala pa bang balita mula sa labas, Shuji?" Basag ko sa katahimikan. Nananatiling mabagal ang aking mga hakbang subalit malapit na kami. Ngayon ko naramdaman ang pagal ng aking katawan sa isipang pagdating sa aking tirahan ay magpapahinga na lamang ako.

"Wala pa akong natatanggap, Prinsesa Yuki. Baka hindi pa kumikilos ang Samahan ng Yakuza." Sagot ni Shuji.

"Hindi tayo maaaring magpabaya. Batid ko na matutuklasan din nila na tayo ang may pakana sa pagkawala ni Binibining Reina. Lalo pa at bumagsak na ang angkan ng Fukuri na itinuturing ng angkan ng Wakamoto na mahigpit na kaaway. Kapag umabot sa kanila ang balita ay mapagtanto nila na wala tayong balak makipagkasundo sa kanila. Na kahit kailan ay hindi susuko sa kanilang uri ang Mahal na Emperador." Ang aking pahayag.

A Fairy Tale Like WorldTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon