AFLW 36: Lihim na Tagpuan

752 29 2
                                    

AFLW 36: Lihim na Tagpuan

***

Prinsesa Yuki POV

Matagal ng nakaalis ang aking dalawang panauhin subalit hindi pa rin ako nakakilos sa aking kinauupuan. Tumayo ako at tinungo ang aking silid bitbit ang kautusan mula sa Kamahalan sa aking nanginginig na mga kamay. Inilagak ko ang kautusan sa pinakatagong bahagi ng aking silid. Hindi ko nais na may makatuklas dito ng hindi ko sinasadya kahit wala akong pinapahintulutang pumasok sa aking silid liban sa iilan na aking pinagkakatiwalaan.

"Binabati kita, Mahal na Prinsesa, sa iyong nalalapit na tagumpay." Pagbati ni Yoshie ng ipatawag ko sila ni Shuji upang sabayan ako sa aking hapunan. Ayaw ko munang mapag-isa, sapagkat ayaw kung mag-isip. Hindi ko dapat pinaasa ang aking sarili gaano man iyon kaliit upang kahit paano ay hindi sana ako nakaramdam ng kabiguan. Inaasahan ko dapat ang ganitong bagay sapagkat batid ko na hindi ipagkakatiwala ng Mahal na Emperador at Mahal na Emperatris ang ganoong tungkulin sa hindi nila kapanalig.

"Hindi pa tayo maaaring magsaya Yoshie, marami pa ang maaaring mangyari bago makamit ang tunay na tagumpay. Sa ngayon ay hindi pa batid ng lahat na isang huwad lamang ang paghirang kay Binibining Reina." Pormal na sagot ni Shuji sa tinuran ni Yoshie.

"Huwag na muna ninyong isipin ang bagay na iyan. Ang nais kung matiyak ngayon ay ang kalagayan ng mga lihim na tauhan. Ano na ang balita sa kanila, Shuji?" Pagitan ko sa dalawa.

"Nag-iwan na ako ang mga lihim na pananda upang makipagkita sa kanila, Mahal na Prinsesa. Mamaya, kapag malalim na ang gabi ay muli akong lalabas upang alamin kung may sagot na." Pag-uulat ni Shuji.

"Aasahan ko ang magandang balita na iyong hatid bukas, Shuji. Kailangan ko na silang mapulong upang makapaghanda." Uminom muna ako ng tubig bago nagpatuloy. "May balita na ba kung sino ang nagsalakay sa lihim na tagpuan? At paano si Himiko?"

"Pinag-aralan ko ang salaysay ng mga saksi hinggil sa mga lalaking dumukot kay Himiko. At sa aking pag-iimbestiga ay natuklasan ko na maaaring isa sa mga maharlikang angkan ang nag-utos na siya ay dukutin. Subalit hindi ko matiyak kung aling angkan. Paumanhin, Mahal na Prinsesa."

"Wala kang dapat ihingi ng paumanhin, Shuji. Tiyak ko na ginagawa mo ang lahat upang matuklasan ang mga nangyari. Sa iyong palagay ba ay iisa lamang ang nasa likod ng pagdukot kay Himiko at pagsalakay sa lihim na tagpuan?" Napapaisip na aking tanong. Hindi malayong totoo ang aking naisip. Lalo pa at naunang dukutin si Himiko bago nangyari ang pagsalakay. Maaaring nagtapat si Himiko ng kanyang nalalaman. Kung gayon, maaaring batid na ng kaaway ang tungkol sa mga taong may pananda. Mabuti na lamang at walang alam si Himiko tungkol sa akin, kay Shuji at Yoshie.

"Maaaring tama ang iyong hinala na galing lamang sa isang pangkat ang may gawa, Prinsesa Yuki. Sa mga pangyayari ay nararapat lamang na tiyak ang ating bawat galaw."

"Prinsesa Yuki," agaw ni Yoshie sa aming pansin. "Hindi sinasadyang narinig ko ang pakikipag-usap ni Binibining Miyako sa isa niyang pinagkakatiwalaang bantay. Pinasusundan niya ang iyong bawat kilos, Mahal na Prinsesa."

"Kung nagbigay ng utos ang Binibini na matyagan ako, tiyak na maging kayong dalawa ay ganoon din. Batid ng lahat na kayo lang ang higit na aking pinagkakatiwalaan. Lahat ng aking balak ay alam ninyo at sa kanyang palagay ay may matutuklasan sila kung pati kayo ay mamatyagan. Mag-iingat kayo. Sa inyong bawat lakad ay tiyak na may sumusunod at nagmamasid."

"Huwag kayong mabahala, Mahal na Prinsesa. Titiyakin ko na walang makakaalam sa aking ginagawa." Wika ni Shuji.

"Patuloy din akong magmamasid sa kanila, Mahal na Prinsesa." Wika naman ni Yoshie.

A Fairy Tale Like WorldWo Geschichten leben. Entdecke jetzt