CHAPTER 173

4.1M 76.7K 152K
                                    

DEIB'S POV

NANG MAGISING ako ay agad na bumungad sa akin ang mukha ni Taguro na nakasiksik sa aking dibdib. Napangiti ako.

Hindi mo alam kung gaano kasarap 'to sa pakiramdam ko, Taguro. Binubuhay mo ang tulog na tulog na dugo ko. Napakaswerte ko dahil mahal na mahal mo rin ako, hahaha! Kaya ko siyang titigan kahit maghapon pa. Grabe, ang aga-aga, Deib! Tsk tsk!

Bahagya akong lumayo at patagilid siyang pinagmasdan. Ngayon lang ako nakakita ng taong natutulog nang magkakrus ang mga braso. Tinitigan ko siya nang deretso at gaya ng nakasanayan na wala na namang kwenta ang kaniyang hitsura.

Pantay na pantay ang pagkakalapat ng mga labi niya. Wala man lang bahid ng ngiti mula sa napakagandang sandali kagabi. Samantalang sa t'wing maaalala ko ang mga labi niyang nakalapat sa 'kin ay para akong lumilipad sa sobrang ganda ng pakiramdam.

'Sabagay, matu-turn-off ako kung nakangisi siya at bukas ang mga mata kung matulog. Tch!

Ang mga mata niya ay may mga perpektong pilik-mata. Na habang tumatagal ay lalong humahaba at gumaganda. Hindi ko malilimutan kung gaano kalalim at kadilim ang mga mata sa likod ng mga talukap niyon. Mga matang nakakalunod sa t'wing sa akin nakatuon. Pakiramdam ko ay noon ko lang uli napagmasdan ang may katangusan niyang ilong. Iyong ilong na animong bumubuga ng usok sa t'wing mauubusan siya ng pasensya. Hindi ko na naiwasang mangiti nang lumapat ang paningin ko sa mapupulang labi niya. Nakakaakit ang panunuyo ng mga iyon, parang kailangan kong basain gamit ang sarili kong labi.

Ngunit ang kapansin-pansin ay ang pagkakakunot ng kaniyang noo. Tch. Hanggang sa pagtulog ba ay may kaaway siya? Tch!

Gusto kong hawakan ang labi niya pero ayaw kong magising siya. Nakagat ko ang sarili kong labi nang maalala ko kung gaano kalambot ang mga iyon.

Marahan akong bumangon at dumeretso sa banyo upang maghilamos. Kinuha ko ang sepilyo at napangiti nang maalala kong ipinagamit ko sa kaniya iyon.

Hindi naman siguro masama kung iisipin kong asawa ko na siya, kahit hindi pa? Bwahahaha! Ang tali-talino ko talaga!

Bababa na sana ako nang matapos akong maghilamos. Pero naaakit talaga akong lumapit sa kaniya. Marahan muli akong nahiga sa tabi niya at tinitigan ang walang kwenta niyang hitsura.

Napakaganda... Tch! Mas maganda pa rin si Britney Spears sa kaniya pero...bwahahaha, ang mukhang 'yan lang gustong-gusto ko! Damn it! Ano ang ginagawa mo sa 'kin, ha, babae? Ano ang ginawa mo sa isang Deib Lohr Enrile?

Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay nangingiti ako kahit wala naman siyang ginagawa. Naiisip ko pa lang 'yong pagmamaktol niya dahil sa inis kagabi ay natatawa na ako. Pati ang pagnguso ko ay namamana niya na.

Hindi iyon ang Taguro na nakasanayan ko, pero mas minamahal ko siya nang dahil doon.

Bahagya siyang gumalaw kaya medyo napailag ako. Dahan-dahan siyang kumilos at agad na kumunot ang noo bagaman nakapikit pa rin. Pati sa paggising ay mukha siyang galit. Unti-unti niyang iminulat ang mga mata at tumingin sa 'kin. Marahan akong lumapit at dinampian siya ng halik sa noo at pisngi.

"Good morning, babe," malambing kong bati. Ako mismo ang kinikilig sa sinabi ko. Parang kinikiliti ang puso ko at nawawala sa pwesto. "I love you."

"Mm," tugon niya na tumango pa. Bumagsak ang mundo ko. Parang lalaking bumangon siya at nagtatatalon ng limang beses sa harapan ko habang nakatalikod sa 'kin. Saka siya dumeretso sa banyo.

Naglapat ang mga labi ko sa inis. Napakabastos, tsk tsk. Ano ba naman 'yong mag-good morning din siya? Siya lang ang babaeng nakaranas gumising nang mukha ko agad ang makikita! Tch, well, bukod kina mommy at Noona, siya lang talaga! Hindi niya man lang ba naa-appreciate kung gaano kahalaga 'yon? Tch! Napakaswerte niya! Taguro!

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon