SCENE 2

7.2K 173 0
                                    



"HOY BRUHA, tigilan mo na 'yang kakanood mo ng telenovela. Isalang mo na lang itong DVD na binili ko sa Quiapo. Dali at nang matesting!" excited na bungad ni Sheye kay Queenie sa maliit na apartment na pinagsasaluhan nila.

"Ayoko nga! Gumaganda na ang eksena rito. Mamaya na 'yan," maktol nito habang pina-pile ang mga kuko sa kamay.

"Sira na naman ang electric curler?" naisip niyang itanong nang mapansin ang mano-manong curlers na nakakabit sa ulo ni Queenie.

"Ayaw na namang uminit," sagot ni Queenie nang hindi tumitingin sa kanya, parang ayaw maabala sa panonood. Mayamaya lang ay papasok na rin ito sa trabaho at siya na lang ang maiiwan sa bahay kaya pinagbigyan na lang niya ito. Simula kasi nang career-in niya ang "pag-aartista" ay hindi na araw-araw ang pagba-bartender niya. Apat na araw na lang ang inilalaan niya sa pagtatrabaho sa club at sa araw na iyon ay free day niya.

"Kung bakit kasi kailangan mo pang magkulot dito, kompleto naman kayo ng gamit sa Eve's. Doon ka na lang dapat magkulot," ani Sheye at binuksan ang isa sa isang supot ng junk foods na bitbit niya kasama ng mga DVDs.

"Sister, may date ako mamaya. Wala akong pasok ngayon. Nakipagpalit ako ng sched."

Napatitig siya kay Queenie. Nabitin sa ere ang pagsasalaksak niya ng sandakot na potato chips sa nakabuka niyang bibig. "Date?"

Saka lang ito tumingin sa kanya nang may ngiti sa mga labi. "Yes. Date."

Sheye rolled her eyes. "Ah, so naghahanap ka ng bagong Roy, huh? Wait, ang tagal na rin ng pelikulang iyon, ano? Gusto mo bang magkaroon ng 'Avenging Beauty part two'? Okay lang sa 'kin. But remember na may TF na ako ngayon," biro niya at itinuloy na ang pagsubo ng sitsirya.

Humalakhak si Quennie. "Hindi na, 'no? Alam mong nadala na ako sa ganyan. Ayoko na sa mga guwapong mayayaman na walang alam gawin kundi ang paglaruan ang mga kawawang babaeng katulad ko. Iba na ang misyon ko ngayon, bru. Naghahanap na ako ng mayamang single na handa akong pakasalan kahit hindi guwapo at hindi ko mahal."

Napatitig si Sheye sa kaibigan. Katulad niya, ambisyon din kasi nitong yumaman. Kapwa sila nangangarap na balang-araw ay makakatagpo rin sila ng mayamang lalaking magsasalba sa kanila sa kahirapan at kalupitan ng buhay. Ang kaibahan nga lang nila, kahit sinong mayamang mag-alok sa kaibigan ng kasal ay susunggaban na raw nito. Samantalang siya ay naniniwala pa rin sa true love.

Minsan nang may mayamang nag-alok kay Sheye ng kasal pero tinanggihan niya ito. Wala kasi siyang nararamdaman para dito. Isa pa, hindi niya kayang halikan ang makinis nitong bumbunan at maging future caregiver nito makalipas lang ng ilang taon.

"Seryoso ka ba diyan?" paniniguro pa ni Sheye. Hindi niya gusto ang ideya ng sinabi ni Quennie. Hindi siya naniniwalang wala nang lalaking magmamahal pa rito. Sa pagkakaalam niya ay disenteng Eve ang kaibigan. Hindi ito nagpapalabas sa customers. Tinanggap lang nito ang titulong Eve dahil malaki talaga ang pera sa trabahong iyon. Isa lang si Queenie sa mga babaeng biktima ng kahirapan ng buhay pero ang kahanga-hanga rito ay hindi nito ipinagbibili ang sarili sa kung sino-sinong lalaki. Alam niyang mabuting tao ang kaibigan.

"Oo," sagot nito habang nakatunganga na uli sa telebisyon. "Career na 'to, bru. Ayoko nang maging Eve. Gusto ko nang yumaman."

"As in todo na ba talaga 'yan? Hindi ka na mapipigilan?"

"Hindi kahit ng isang batalyon pang papables."

"Kahit si Brad Pitt na shirtless with an open fly?"

Bumuntong-hininga si Queenie. "Well, I guess kailangan ko nang tanggapin ang katotohanang hindi ko na siya matitikman kahit kailan."

Napahagikgik si Sheye. "Well, good luck sa pangha-hunting ng DOM," nagkibit-balikat na lang na sabi niya. "Kapag yumaman ka, huwag mo 'kong kalimutan, ha? Bahaginan mo ako ng yaman mo. Kahit isang house and lot sa Forbes Park saka BMW na kotse lang, solved na 'ko. Oh, and wait, samahan mo na rin ng round-trip ticket to Europe, okay?"

Tumawa si Queenie nang malakas. "Ikaw kaya? Kailan ka kaya uli magkaka-boyfriend? Kailan ka ba may sasagutin sa mga nanliligaw sa 'yo? Nasa college ka pa noong huli kang nagka-boyfriend, 'di ba?"

"Huwag kang mainip, okay? One of these days, mami-meet ko rin ang Prince Charming ko. At isa siyang mayaman, guwapo, matangkad, may six-pack abs at higit sa lahat, may buhok!"

Nagtaas ng isang kilay si Queenie. "May nakalimutan ka pa."

"Ha? Ano?" Napaisip pa tuloy siya sa kung anong kulang sa deskripsiyon niya ng kanyang dream guy.

"May fiancée rin siya, may asawa o kaya hindi siya husband material."

Napasinghap siya at napatutop sa bibig. "OMG! No! Huwag mong kontrahin ang good vibes ko, okay?" Tumayo na tuloy siya para magpalit ng damit.

"Teka, bru!" tawag ni Queenie na nakapagpatigil sa kanya sa paghakbang.

Napalingon siya. "Huh?"

"Muntik ko nang makalimutan. May bago ka palang acting job."

"Really? Ano? Sino'ng kliyente?"

"Kaibigan ng kaibigan ko na namomroblema sa fiancé."

"Hindi na pala bago. Entrapment operation na naman. So, ano'ng role ko? Ano'ng storyline?" tanong ni Sheye habang ngumunguya ng chips.

"Medyo komplikado ang ipapagawa niya sa 'yo. Kaya kayo na lang ang mag-usap. Pero naipagkasundo na kita ng presyo. Twenty thousand."

Napasinghap siya. Dumulas sa kamay niya ang hawak na supot ng potato chips. Pati ang ilang piraso ng chips mula sa bibig ay nahulog din sa sahig. "Twenty thousand?"

"Yes," maluwang ang ngiting sabi ni Quennie.

"Ang laki, bru! Masyado na ba akong sikat at tumaas na ang TF ko?" excited niyang tanong.

"Hindi. Medyo risky lang 'tong role mo sa next movie mo."

Napakunot-noo si Sheye. "Wait, action ba 'to? At may possibility na mabalian ako ng buto?"

Humalakhak ito. "Hindi ito action movie, kundi..."

Hinintay niya ang sagot ng kaibigan para lang malaglag ang mga panga niya sa mga sunod nitong sinabi.

"Sexy flick. R-eighteen. At ang role mo... isang kaakit-akit na Eve."

Love Is Only In The Movies [COMPLETED] (Xander Avila-Drop-dead Playboys Book #1)Where stories live. Discover now