SCENE 24

5K 123 4
                                    


ESPESYAL daw ang araw na iyon sa mansiyon dahil sa pagdating ni Sheye kaya nagpaluto si Don Manuel sa resident cook nito ng maraming putahe para sa espesyal na hapunang iyon na parang private welcome party para sa kanya. Pagpasok pa lang niya sa malawak na dining room ay nalula na siya sa napakaraming putaheng nakahain sa hapag-kainan. Pero sandali lang ang pagkamangha niya sa mga pagkain dahil mas namangha siya nang maabutan din si Xander sa hapag. Nakaupo ito sa tabi ng ina nito sa kanang panig ng mesa. Sa kabisera nakaupo ang don.

Nasalubong ni Sheye ang matalim na tingin ni Xander sa kanya. Bago niya mamalayan ay kusa nang umawang ang mga labi niya at bahagyang namilog ang mga mata. She swallowed hard and felt her heart palpitate.

Bago siya lumabas ng silid ay pinag-aralan muna niya ang ekspresyon ng mukhang ihaharap kay Xander. Demure na ngiti. Naïve na mga mata. Walang trace ng pagkakakilala niya rito. Walang clue sa kung paano ito humalik. Hindi niya ito kilala. Iyon ang pangalawa nilang pagkikita at hindi ang pangatlo.

Pero ganoon yata kapag kinabahan ang isang artista, nagugulo ang internalization at nagkakamali sa pagbigkas ng dialogue. Kung sana puwede niyang sabihin na "Cut muna, Direk!" ay gagawin niya pero walang take two sa reality movie.

Kung bakit naman kasi hindi niya maiwasang kabahan dahil kay Xander. Bukod kasi sa lihim niyang atraso sa binata ay alam niya ang pagdududa nito sa katauhan niya bilang nawawalang anak ng tiyuhin nito. Dahil doon ay mas kailangan niyang galingan ang pag-arte para mawala ang pagdududa nito sa kanya. Pero parang napakahirap iyong gawin.

Kung tutuusin, napakadali lang umarte para kay Sheye at ilang beses na niyang napatunayang isa nga siyang magaling na artista. Pero iba ang sitwasyon nang mga sandaling iyon. Kung wala lang si Xander ay makakakilos at makakaarte siya nang maayos. She hated the way he could make her feel nervous and distracted. Lalo pa't parang may laman ang pagkakatitig nito. Tinging parang may pang-uusig at galit na parang ba alam nito na siya si Debbie.

Imposible. Hindi puwedeng makilala siya ni Xander. Kung si Dick nga na talagang kilala siya ay hindi siya namukhaan, ito pa kaya na isang gabi lang siyang nakita at nakasama? Contact lenses lang ang nagkulang sa disguise niya pero sigurado siyang natakpan ng eyeliner, eye shadow at fake eyelashes ang tunay na hugis ng mga mata niya.

Marahil, ang parang galit sa titig ni Xander ay dala ng pagdududa sa katauhan niya kung kaya hindi na dapat siya ma-paranoid sa pag-iisip ng bagay na magbibigay lang sa kanya ng takot.

Inayos ni Sheye ang sarili at ginawa ang pinraktis kahit hindi pa rin nawawala ang kabang binuhay ni Xander sa dibdib niya. Marahang nginitian niya ang mga nadatnan sa dining room. "Good evening! Hi, Papa. Hi, Auntie... Hi, cousin!"

"Napakaganda talaga ng anak ko," nasisiyahang papuri ni Don Manuel nang mapagmasdan ang ayos niya. "Bagay na bagay sa 'yo 'yang damit na pinili ko para sa 'yo."

Isang peach na thin-strapped dress na youthful ang style ang isinuot niya. Tinernuhan niya iyon ng headband at flip-flops na may kaparehong kulay na mula rin sa mga pinamili nila ng don.

"Salamat po, Papa." Pakiramdam ni Sheye ay nag-blush siya sa papuri nito. Umupo na siya sa kaliwang panel ng mesa na malapit sa don.

"Oo nga, hija. You look so pretty. Mukha kang sixteen lang sa dress na iyan," segunda ni Doña Alejandra. "Do you agree, Xander?" baling nito sa anak.

Napilitan tuloy siyang muling tingnan ang binata. There was an underlying mockery in his stare. "Yeah. She looked so demure and innocent. Malayong-malayo no'ng unang beses ko siyang nakilala."

Love Is Only In The Movies [COMPLETED] (Xander Avila-Drop-dead Playboys Book #1)Where stories live. Discover now