SCENE 5

5.6K 140 1
                                    


SHEYE pursed her painted lips in front of the mirror and touched her curled hair. Pagkatapos makontento sa nakitang repleksiyon sa salamin ay huminga siya nang malalim at nag-umpisa nang magligpit ng mga ginamit sa pagme-makeup. Napasulyap pa siya sa orasang nakasabit sa dingding ng dressing room ng mga Eves. Siya na lang ang nandoon dahil kanina pa nasa labas ang mga ito at nagtatrabaho na. Kanina ay pumuslit lang siya papasok doon at nagmadali sa pag-aayos.

Kate-text pa lang ni Liz para sabihing kaaalis pa lang ni Xander at ng pinsan nito. At sa kalkula nito ay twenty minutes lang ang biyahe mula sa pagmumulan ng mga ito hanggang sa club. Sa hindi malamang dahilan ni Sheye ay alam pa ni Liz ang oras ng pagpunta ng nobyo nito sa club. Naisip niyang marahil ay pasekretong nagmamatyag ang kaibigan na parang isang detective. Kahit siguro siya ay ganoon ang gagawin kung may ganoon siya kaguwapong fiancé. Baka nga itali pa niya ito sa garter ng panty niya o kaya ay iposas ito sa kanya para hindi na makawala.

Nang matapos siyang magligpit ng mga gamit sa tokador ay muli niyang sinipat ang kabuuan sa salamin. She was wearing a costume, not an evening gown. It was a black ensemble of a strapless corset with a hemline accentuating the bare upper portion of her breasts and a boyleg. Black meshed stockings wrapped around her legs. On her feet was a pair of black four-inch high-heeled pumps. At ang pinaka-main attraction ay ang mahaba niyang buntot na nakakabit sa puwitan ng boyleg at ang headband na may dalawang nakatayong sungay na kapwa may kombinasyong kulay na pula at itim.

At siyempre pa ay itinerno niya sa costume ang makeup niya—devilish but sweet. Imposibleng hindi siya mapansin ni Xander. Siya ang magiging Eve of the night.

Mabuti na lang at wala si Mudra. Kasalukuyan itong nasa Paris kaya malaya siyang maging Eve for a night. Ang problema na lang niya ay ang assistant manager ni Mudra. Alam niyang sa oras na makita siya nito ay magtataka iyon kung sino siya. Hindi naman niya puwedeng kakutsabahin ang manager dahil alam niyang hindi ito papayag na gawin niyang location sa shooting ang club.

Napalingon si Sheye nang may marinig na malakas na pagsinghap mula sa likuran niya. Nakita niya sa salamin si Queenie na napatutop sa bibig. Napangiti siya sa naging reaksiyon nito.

"Oh, my God, Sheye? Is that really you, bru?"

"Sshh! Baka may makarinig sa 'yo. I'm Debbie, the sizzling she-devil, the freshest, the hottest, the 'horniest' Eve of the night," she said in an unrecognizable, sultry voice while touching her horns.

Humagalpak ng tawa si Queenie. "Kung hindi ko lang alam na nandito ka, hindi ko malalaman na ikaw si Sh—"

"She-devil Debbie. Nandiyan na kaya ang guwapong kaluluwa sa labas na nakatakda kong dalhin sa heaven ngayon—este, sa hell pala?"

Sabay pa silang humagikgik. "Loka, baka pagkaguluhan ka sa labas at mawalan kami ng customers sa 'yo sa pinaggagagawa mong 'yan. At sa tingin mo ba, sa suot mong 'yan, hindi ka mapapansin ni Sister Dick?" ani Queenie na ang tinutukoy ay ang baklang assistant manager.

"Ako na ang bahalang lumusot." Biglang may naalala si Sheye nang matitigan ang mga matang may fake eyelashes. "Naku, ang gray contact lenses ko nga pala. Wala rito sa bag. Nakalimutan ko yata sa bahay. Mayroon ka bang baon diyan?"

"Naku, wala. Nasa bahay rin. Hindi ako nag-contact lenses ngayon. Saka sa tingin ko naman, hindi mo na kailangan pang lagyan ng disguise ang mga mata mo. Walang makakakilala sa 'yo sa hitsura mo, promise."

"'You sure?" pangungumpirma pa niya habang pumipilantik ang mabigat na pilik-mata.

"Sureness. Hay, naku. Alis na nga ako at baka madamay pa 'ko sa drama mo. Wala akong balak maging extra sa hot-as-hell flick mo. Good luck na lang at sana, maging 'box office queen' ka uli," sabi ni Queenie bago siya iniwan sa silid. Tiyempong tumunog ang cell phone niya nang lumabas ito.

"Sheye, nandito na sila sa labas," ani Liz sa kabilang linya.

"Nandiyan ka rin sa labas?"

"Don't worry, hindi nila alam na sinundan ko sila. 'Ayan, ipina-park na nila ang kotse. Mag-ready ka na. You should be the first one he sees, otherwise baka mapunta pa siya sa ibang Eve. Basta, gawin mo ang plano natin. Susundan ko kayo towards the motel. Sa parking lot lang ako mag-i-stay ngayon. Call me up as soon as he falls asleep. All right?" Pinutol na ni Liz ang linya.

Nagmamadaling itinago ni Sheye ang cell phone sa bag na itinago niya sa locker ni Queenie at humangos sa paglabas. Pero nang bubuksan na niya ang pinto ay kusang bumukas iyon para sa kanya. Bumungad sa kanya si Dick na nanlaki ang mga mata nang makita siya.

"Ay, Diyos ko! Ba't may demoñita rito? Sino ka?" Napahawak ito sa dibdib. "Kinukuha mo na ba ako? Ay, huwag muna ngayon. Marami pa akong papang gustong matikman!"

"Don't worry, hindi pa ngayon ang oras mo." Nginitian niya ito. "By the way, I'm Debbie, bagong Eve. Kinuha ako ni Mudra last week pa but then medyo nag-hesitate ako kaya ngayon lang ako nakarating."

"Bakit hindi ka nabanggit sa akin ni Mudra?" nagtatakang tanong ni Dick habang pinapasadahan ng tingin ang kabuuan niya. Tumatango-tango ito na parang nagugustuhan ang nakikita.

"Hindi ba? But I came here a few days ago with Mudra. Kaya nga ako pinapasok ng guard, eh, kasi ipinakilala na ako ni Mudra sa kanya."

"Pero bakit hindi mo agad ako hinanap at balak mo na palang magsimula nang walang abiso sa akin?"

"I thought you already know na anytime ay puwede akong magsimula. That's what Mudra told me."

Umikot ang mga mata ni Dick. "Ay, siya, siya. Go! And burn the starving souls outside. I like your hellish outfit by the way."

"Thanks!" Nagmamadali si Sheye na lumabas ng dressing room pero tinawag uli siya nito.

"Come here, devilina." Maarteng sumenyas pa ito sa pamamagitan ng mga daliri. Napilitan siyang lumapit.

Pilit na itinago niya ang pagkayamot dito. Kailangan na niyang magmadali dahil malamang ay papasok na sa club si Xander. "What, sister?"

"I have an idea. Since bago ka, I think you need a little introduction to the crowd. Come on, let's get up on stage."

Nalaglag ang mga panga ni Sheye sa sinabi nito. 

Love Is Only In The Movies [COMPLETED] (Xander Avila-Drop-dead Playboys Book #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon