SCENE 3

6.4K 167 4
                                    


HINAWAKAN ni Liz ang kamay ni Sheye. Walang tigil ang pagtulo ng luha mula sa mga mata ni Liz. Kanina lang ay pinaghahampas nito ang mesa—dahil sa galit—sa restaurant na kinaroroonan nila habang nagkukuwento tungkol sa problema nito.

"Tulungan mo 'ko, Sheye, please?"

Nilukuban ng awa ang puso ni Sheye para dito. Iyon ang weakness niya—ang may umiyak sa kanya at magmakaawa. Napilitan tuloy siyang isantabi ang balak na pagtutol sa movie offer nito dahil hindi talaga niya gusto ang role niya bilang isang high-class hostess. Nasaling nito ang damdamin niya at nagkaroon siya ng malakas na pakiramdam na kailangan niyang tulungan si Liz dahil sa tingin niya ay maloloka ang babae sa oras na tanggihan niya ito.

Pinagpapanggap siya ni Liz na isang Eve para mahuli sa akto ng pambababae ang fiancé nito. Nakita kasi nito ang membership card ng fiancé nito sa Eve's Apple at napag-alaman nitong bagong miyembro pa lang ang nobyo sa club at hindi iyon matanggap ni Liz dahil malapit nang ikasal ang mga ito.

Ang script, si Sheye ang magho-host sa lalaki at yayayain agad niya ito sa isang motel kung saan bibigyan niya ito ng alak na hahaluan niya ng pampatulog. Kapag nakatulog na ang lalaki ay tatawagan niya si Liz para pumunta roon at pagkatapos ay iiwan na niya ang dalawa at bahala na raw si Liz sa mangyayari pagkatapos.

Hindi talaga niya gusto ang storyline ng movie offer ni Liz. Masyadong sexy at revealing ang magiging role niya. Kung tutuusin ay kayang-kaya naman talaga niya iyon. Versatile actress yata siya. Mapadrama, comedy, musical o pa-sexy roles katulad ng naging role niya bilang si Soraya ay kayang-kaya niyang gampanan. Action, suspense, thriller, at bold pa lang ang hindi pa niya nagagawa na mukhang lahat ay kalakip yata ng iniaalok na trabaho ni Liz.

Paano kung maging crime-suspense ang tema at ma-rape siya nang di-oras? Paano kung hipuan siya kung saan-saan dahil sa titulo niya bilang isang Eve? Baka biglang maging action ang tema at mabuntal niya ang fiancé nito.

Pero nawala lahat ang alalahanin ni Sheye nang makita ang hitsura ni Liz na parang pinagbagsakan ng langit sa sama ng loob. Pasalamat ito at kapapanood lang niya ng heavy drama movie kanina at sariwa pa sa dibdib niya ang sentimyentong idinulot ng pelikulang iyon sa kanya kaya nadala siya sa drama nito.

"Please, Sheye. Mahal na mahal ko si Xander. Hindi ko kakayanin 'pag nawala siya sa 'kin. Mababaliw ako..." Humagulhol na si Liz. Nabahala tuloy siya dahil pinagtitinginan na sila ng ibang tao sa restaurant.

Actually, mukhang baliw ka na nga yata, eh... bulong ng isip niya. "Sshh," pagpapatahan niya rito.

"I'll raise your TF to twenty-five," biglang sabi ni Liz na nakapagpanganga sa kanya. Ganoon ito kadesperada? Lalo tuloy niyang nakalimutan ang mga alalahanin. Tamang-tama ang perang iyon para may maipadala pa siya sa probinsiya para sa lola niya.

"Deal," bigla niyang sabi.

Biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Liz. Parang nanalo sa lotto. "Oh, my God! Thank you, Sheye!" Pinaghahalikan pa ang kamay niyang hawak nito sa sobrang tuwa.

Napangiwi si Sheye at pilit binawi ang mga kamay mula rito. Pinilit niyang ngumiti kahit pa talagang nawiweirdan siya sa ikinikilos ng babae. Dali-dali itong naglabas ng pera sa wallet na kinuha nito mula sa original na Louis Vuitton bag. Nanginginig pa ang mga kamay nito habang iniaabot sa kanya ang tig-iisang libong papel.

"'Ayan, thirteen thousand. Deposit."

Nag-aalangang tinanggap niya ang pera. Ganoon nga talaga ito kadesperada para magbayad agad gayong hindi pa buo ang plano nila. "Kailan ang shooting?"

Love Is Only In The Movies [COMPLETED] (Xander Avila-Drop-dead Playboys Book #1)Where stories live. Discover now