SCENE 14

5.5K 131 1
                                    


"HA?" HINDI makapaniwalang bulalas ni Sheye. Tama ba ang narinig niya? Isang milyong piso at higit pa? A multimillion-peso acting job? Pinagtatapik niya ang dalawang tainga sa pag-aakalang nagkamali lang siya ng dinig sa sinabi ng mayamang babaeng nagpapunta sa kanya sa isang hotel room para alukin siya ng isang trabaho.

Doña Alejandra ang pangalan ng babaeng nahihinuha niyang nasa mahigit singkuwenta na ang edad. Mukha itong kagalang-galang at mabait. Si Queenie ang nagsabi sa kanya na gusto raw siyang makausap ng doña para may ipagawang trabaho.

Isang milyon at higit pa? Maipapagamot na niya ang lola niya, mababawi pa niya ang maliit na lupain nilang nakasanla at nakatakdang mailit sa loob na lang ng ilang buwan. Alam nilang wala nang paraan para matubos ang titulo niyon sa pagkakasanla kung kaya hinihintay na lang nila ang pagkailit niyon kahit pa lahat sila ay nanghihinayang na mawala ang kaisa-isang pinagkukunan ng kabuhayan ng pamilya niya sa probinsiya. At ngayon ay hinahainan siya ng ganoon kalaking halaga para masolusyunan ang kahirapan ng buhay ng pamilya niya?

Ngumiti si Doña Alejandra pagkatapos ibaba ang tasa ng kape sa tea table sa tabi ng glass wall kung saan overlooking ang tanawin sa labas. "Oo, hija. Isang milyon o higit pa ang ibabayad ko sa 'yo kung tatanggapin mo ang trabahong gusto kong ipagawa sa 'yo. Sinabi ng taong nagrekomenda sa 'yo sa akin na magaling ka raw umarte at magpanggap. Gusto kong hingin ang tulong mo sa problema ko sa kapatid ko."

"Kapatid n'yo? A-ano ho bang trabaho ang gusto n'yong ipagawa?" nalilitong tanong ni Sheye.

Malungkot na bumuntong-hininga muna ang doña bago sumagot. "Naaawa na ako sa kapatid ko. May sakit siya at lalong nagpapahirap sa kanya ang—"

"Teka po. Huwag n'yong sabihing pagpapanggapin n'yo akong caregiver?" putol niya sa sinasabi nito.

Bahagyang natawa ang doña. "Hindi, hija. Gaya nga ng sabi ko, may sakit siya at lalong nagpapahirap sa kanya ang dinaramdam niyang problema sa dibdib sa napakahabang panahon. Gusto kong alisin ang bigat ng dinaramdam niya. Gusto ko siyang tulungan. At kahit pa magsinungaling ako sa kanya ay gagawin ko, mapasaya ko lang siya sa siguro mga huling sandali ng buhay niya." Muli ay nakita niya ang pag-uulap ng mga mata nito.

Bigla ay hinaplos ang puso ni Sheye sa lungkot na lumatay sa mukha nito. "Ano po ba'ng sakit niya?"

"Mayroon siyang malalang kaso ng Type One diabetes. Ilang beses na rin siyang muntik nang mamatay. Isang beses pa nga ay na-coma siya pero sa awa ng Diyos ay nakaligtas siya. He's the only brother I have and I love him so much. Ayokong mawala siya sa mundo na hindi pa niya natutupad ang matagal na niyang pinapangarap."

Sinundan ng mga mata niya ang pumatak na luha sa pisngi ni Doña Alejandra. Nakaramdam siya ng awa rito at sa kapatid na tinutukoy nito. "A-ano po ba'ng pangarap niya?"

"Ang makita at makasama ang nawawala niyang anak. Ang anak na hindi pa niya nakikita kahit kailan..."

Kumunot ang noo niya sa sinabi nito. And suddenly, an idea hit her.

HIwakan nito ang kamay niya. "Gusto kong magpanggap ka bilang nawawala niyang anak." Nasa mga mata ng doña ang pagsusumamo habang nakatitig sa namimilog niyang mga mata.

Matagal na hindi nakakibo si Sheye. Wala siyang maapuhap na sasabihin.

"Isang taon na naming ipinapahanap ang anak niya pero hanggang ngayon ay wala pang resulta. Parang nawawalan na rin kami ng pag-asang makikita pa namin siya. Kaya naisip ko ang ideyang ito—ang kumuha ng taong magpapanggap bilang anak niya. Ang magkunwaring nakita na namin ang matagal na naming hinahanap. Kumbaga, kapit na sa patalim. Gusto ko lang mapaligaya ang kapatid ko at maibsan ang paghihirap ng kalooban niya."

Kaya pala isang milyon ang iniaalok ng doña na kabayaran sa trabahong ibinibigay sa kanya. Hindi lang pala isang araw, o ilang linggo lang ang durasyon ng pagtatrabaho niya para dito. "Sinasabi n'yo bang gusto n'yo akong magpanggap bilang anak niya nang ilang taon hanggang sa... mawala siya?"

Bumuntong-hininga ang doña. "Hanggang sa makita namin ang totoo niyang anak."

"At kailan n'yo makikita ang tunay niyang anak?"

"Hindi ko alam. Isang taon na namin siyang hinahanap pero—"

"Imposible po ang sinasabi n'yo. Hindi ko kayang magpanggap nang ganoon katagal."

"Handa akong magbayad kahit gaano kalaki, hija."

"Sinasabi n'yo bang kaya n'yo akong bayaran nang tatlong milyon para sa trabahong ito?"

Sandaling natigilan si Doña Alejandra at napatitig sa kanya. Mayamaya ay dahan-dahan itong tumango. "Kung 'yan ang gusto mo."

Napanganga si Sheye, hindi makapaniwala. Umiling-iling siya pagkatapos. "Hindi ko kayang manloko ng taong may sakit at nang ganoon katagal kahit pa bayaran n'yo ako ng ganoon kalaking halaga. Iba na lang ho ang kunin n'yo." Akmang tatayo siya mula sa kinauupuang silya nang pigilin siya nito sa kamay. Nabigla pa siya sa ngiting sumilay sa mga labi nito.

"Natutuwa ako sa ipinakita mo, hija. Mabuti kang tao." Hinawakan ng doña ang mga kamay niya.

Kumunot ang noo ni Sheye.

"Lalo kong napatunayan na puwede kong ipagkatiwala sa 'yo ang kapatid ko. Magiging mabuti kang anak sa kanya."

"Pero hindi ko po tinatanggap ang trabahong iniaalok n'yo. Kaya ko pong magsinungaling at magpanggap but only to a minimum degree and the shortest possible length of time. Napakaimposible at napakahirap ng ipinapagawa n'yo. I'm sorry pero hindi ko ho kaya ang trabahong iyon."

"Ikaw lang ang posibleng makatulong sa kapatid ko para labanan niya ang sakit. Para muli siyang sumaya. Alam kong malungkot siya kahit pinipilit niyang huwag ipakita sa amin. Parati siyang nakangiti at tumatawa pero alam kong ginagawa lang niya iyon para huwag kaming mag-alala. The last time, muntik na namang malagay sa panganib ang buhay niya dahil sinadya niyang patayin ang insulin pump na nakakabit sa katawan niya. Mabuti na lang at nakita ng private nurse niya. Hindi niya inaming siya ang gumawa niyon. At kung napaniwala niya ang iba, ako, hindi. Alam kong sinadya talaga niya iyon para... para kitlin ang buhay niya.

"Kung tutuusin, nakakakilos naman siya nang normal na parang walang sakit dahil kompleto siya sa pangangalaga, sa gamot at sa lahat-lahat ng pangangailangan niya bilang isang diabetic. Pero kaunting palya lang sa mga medication procedures niya, puwede siyang mamatay kaagad. Kaya natatakot ako dahil baka maisipan uli niyang sumuway sa procedures na iyon. Mahirap ang mabuhay nang may ganoong sakit. Pero alam kong mas dinaramdam niya ang paghihirap ng loob niya dahil sa anak niya. Malaki kasi ang kasalanan at pagkukulang niya sa batang iyon. At iyon ang mismong nagpapabigat sa dibdib niya.

"Kaya nga muntik na siyang mamatay more than a year ago nang ma-coma. Nalaman niya kasi na patay na raw ang anak niya tulad ng ina nito. Sa awa ng Diyos ay nakaligtas siya sa panganib pero masamang-masama ang loob niya sa nabalitaan. Malaki ang naging impact ng balitang iyon sa kanya. Hiniling na niyang mamatay na lang siya. Pero nang may dumating na bagong impormasyon tungkol sa anak niya na nagsasabing buhay pa ito, nagkaroon uli siya ng pag-asa. Pero isang taon na ang nakalipas, wala pa ring balita tungkol sa anak niya. And as days go by, alam ko na nawawalan na rin siya ng pag-asang makikita pa niya ang anak niya.

"Every time we talk, hindi ko sinasabi sa kanya na alam ko ang mga iniisip niya. He would go on pretending to me he's all right. But I know he's not. Pinapalakas ko na lang ang pag-asa niya sa pagsasabing isa sa mga araw na ito ay makikita rin niya ang anak at gagawin ko ang lahat para tulungan siya. Alam kong iyon lang ang nagbibigay sa kanya ng lakas para mabuhay. Umaasa siyang makikita pa rin niya ang anak bago siya mawala sa mundo."

Napalunok si Sheye. Lumambot ang puso niya sa kuwento ni Doña Alejandra. Parang isang madramang pelikula ang ikinuwento nito at hindi niya maiwasang maawa sa kapatid nito.

"Hija, ikaw na lang ang pag-asa niya. Parang awa mo na. Tulungan mo 'kong matulungan ang kapatid ko. Maawa ka sa kanya," mamasa-masa ang mga matang pakiusap nito.

Napayuko si Sheye at napakagat-labi. 

Love Is Only In The Movies [COMPLETED] (Xander Avila-Drop-dead Playboys Book #1)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant