SCENE 16

4.8K 115 5
                                    


PILIT ang ngiting iginanti ni Sheye sa nasisiyahang ngiting ibinigay ni Doña Alejandra pagkatapos niyang pirmahan ang kontrata ng kasunduan nila.

Pumayag na siya sa movie offer ng doña. Tinanggap na niya ang role bilang isang long-lost daughter ng isang fifty-five-year-old diabetic na nagngangalang "Don Manuel Olivar" kapalit ng talent fee na nagkakahalaga ng tatlong milyong piso. Si Doña Alejandra ang producer at siya ring direktor ng produksiyong iyon. Ang unang draft ng script ay mula rin dito pero nasa kamay niya ang pagpapatuloy sa pagsulat ng script pero kinakailangan pa rin ng supervision nito.

Nang magkapirmahan na ay sinimulan na nilang pag-usapan ang mga detalye sa gagawin niyang pag-arte. First off, ang tungkol sa personalidad niya. Hustong-husto ang tunay niyang edad na beinte-tres. Hindi na niya kailangang maglagay ng false mole o magkabit ng wig. Hindi praktikal ang mag-disguise pa siya ng hitsura dahil makakasama ang "papa" niya araw-araw. Pinili na lang din ng doña na gamitin niya ang tunay na pangalan niya para maging makatotohanan ang pagpapanggap niya. Inisip kasi nito ang posibilidad na baka may makasalubong siyang kakilala habang kasama niya ang "ama" at mabuking pa sila.

At dahil doon ay kinuha na lang din nila ang halos buong background niya para wala nang maging masyadong problema at banta sa pagpapanggap niya. Ang tungkol sa pag-aaral niya ng HRM na hindi natapos dahil namatay ang lolo niyang nagpapaaral sa kanya. Ang pagtatrabaho niya sa Eve's Apple bilang isang lady bartender. Ang tunay na ugali at pagkilos niya para kahit paano ay mabawasan niya ang pagpapanggap.

Kahit paano ay may ikinatugma rin ang buhay ng tunay na anak ng don sa kanya kaya marahil ay hindi na siya mahihirapan pa sa internalization. Ayon sa doña, more than a year ago ay nalaman nilang patay na si Ana, ang dating nobya ni Don Manuel na inabandona nito mahigit dalawampung taon na ang nakalilipas. Namatay sa panganganak si Ana at may isang taong nakapagpatunay na si Don Manuel ang ama ng batang iyon.

kaya lumaking walang mga magulang ang bata na siya ring istorya ng buhay ni Sheye. Hahanguin nila mula sa tunay niyang buhay ang tungkol sa pagpapalaki ng mga abuelo niya sa kanya. At kahit daw hindi niya nakasama ang ama sa paglaki ay hindi siya nagtanim ng sama ng loob dito at umaasa talaga siyang makikita pa rin niya ang tunay na ama.

Lumalabas na parang naghahanapan sila ni Don Manuel. At sa oras na magkita sila ay kinakailangan niya ang isang madibdibang acting sa pag-iyak. Patatawarin niya ang don sa kabila ng pag-aabandona nito sa kanya sa napakahabang panahon. At kapag nasa mansiyon na siya ay magiging mabuti siyang anak at gagawin niya ang lahat para mapasaya ito parati.

"Maraming-maraming salamat, hija. Hindi mo alam kung gaano mo ako napasaya sa pagpayag mo," sabi ni Doña Alejandra.

Umiling si Sheye. "Ako po ang dapat na magpasalamat sa inyo. Kung hindi dahil sa inyo, hindi ako magkakaroon ng ganito kalaking halaga," aniyang ang tinutukoy ay ang mga tsekeng hawak niya. Naglalaman ang mga iyon ng halagang kakailanganin niya para sa bypass surgery ng lola niya. Iyon ang paunang bayad sa magiging trabaho niya. Buwan-buwan ay makakatanggap siya ng pera ayon sa napag-usapan nila.

Hinawakan ng doña ang kamay niya. "Ipinapangako ko sa 'yo na gagawin ko ang lahat para mapabilis ang paghahanap sa nawawalang anak ng kapatid ko para mapadali ang pagtatapos ng trabaho mo. Sana, maging maayos ang operasyon ng lola mo. Balitaan mo ako sa mangyayari sa kanya. Hihintayin kita sa susunod na linggo para maumpisahan na natin ang trabaho mo. Sa ngayon, i-encash mo na ang mga tsekeng iyan at puntahan mo na ang lola mo. Kapag kailangan mo pa ng pera, tawagan mo lang ako."

Ngumiti si Sheye nang bahagya sa nakikitang sinseridad sa mga mata ng matanda. "Salamat po, Doña—"

"Auntie."

"Ho?"

"'Auntie' ang itawag mo sa akin kapag nasa bahay ka na."

Tumango siya at nagpaalam na. Lumabas siya ng hotel room na iyon na may pag-aalinlangan pa rin sa ginawang pagpayag sa bagong trabaho. Inisip na lang niya ang kaligtasan ng lola niya at ang magandang idudulot ng pagpapanggap niya para kay Don Manuel at para sa lahat.

Love Is Only In The Movies [COMPLETED] (Xander Avila-Drop-dead Playboys Book #1)Where stories live. Discover now