SCENE 20

4.9K 127 1
                                    


HABANG hinihintay ni Sheye ang "ama" sa pagbaba mula sa silid nito ay naglibot-libot muna siya sa loob ng mansiyon. Pupunta raw sila sa mall at ipagsha-shopping daw siya ng mga damit, sapatos, at iba pang mga pangangailangan niya. Sinalakay na naman ng guilt ang puso niya sa gusto nitong mangyari pero sinuportahan ni Doña Alejandra ang ideya ng don at wala na siyang nagawa kundi ang pumayag na pagkagastusan nito ng pera.

Napakaganda ng mansiyon. Namamangha si Sheye sa bawat makitang mga mamahaling kasangkapan na sa telebisyon lang niya nakikita. Ganito pala mamuhay ang mga mayayaman. Pa-shopping-shopping at pa-cruise-cruise na lang.

Napatingin siya sa malaking framed family picture na nakasabit sa isang bahagi ng sala. Nahinuha niyang luma na ang portrait na iyon. May dalawang matanda roon na parehong nakaupo. Ang mga iyon marahil ang namatay nang mga magulang nina Don Manuel at Doña Alejandra. Sa likuran ng mga ito ay nandoon ang magkapatid na bata-bata pa. May bitbit pa si Doña Alejandra na isang batang lalaking mukhang dalawang taong gulang pa lang. May anak pala ito. Kung ganoon ay mayroon din pala siyang fake cousin. Pero nasaan ang asawa ng doña?

Nagkibit-balikat na lang si Sheye. Umalis siya sa lugar na iyon at lumapit sa mahabang wall table kung saan nakahilera ang mga picture frame.

Pinagmasdan niya ang mga lumang picture ng fake lolo at lola, false papa at bogus auntie niya. Parang nakita niya ang paglaki ng magkapatid sa hilera ng mga picture frame. Mukhang close talaga ang magkapatid dahil maraming mga picture na magkasama ang dalawa mula pagkabata hanggang sa nagkaedad na.

Naagaw ang atensiyon niya ng picture ng don na may kasamang isang magandang babae. Ito marahil ang nabanggit sa kanya ng doña na asawa ng kapatid nito na nasawi sa isang plane crash sampung taon na ang nakararaan. Ang ipinagtataka niya ay kung bakit hindi nagkaanak ang mga ito.

Nagpatuloy sa paglalakbay ang mga mata ni Sheye hanggang sa makita ang picture ng doña na kasama ang batang nasa malaking wall portrait. Sinundan niya ang bawat kuwadro hanggang sa solong picture ng guwapong lalaking palaki nang palaki sa bawat kuwadro. Nagsalubong ang mga kilay niya nang mapagtuunan ng tingin ang sa hinuha niya ay pinakabagong picture ng pekeng pinsan niya. Dinampot niya ang frame para pakatitigan at napamulagat siya nang ma-check ang mukha nito.

Mayamaya ay napangiti siya. Tingnan mo nga naman ang pagkakataon... Kahawig pa ni Xander ang pekeng pinsan niya pero mas guwapo pa rin si Xander. Na-excite tuloy siya na makilala ang anak ng doña. Wala sa loob na nahaplos pa niya ang picture ng anak ng doña. Nasaan na kaya ito at kailan niya makikilala?

Walang ano-ano ay naramdaman ni Sheye na parang may nakamasid sa kanya. Inalis niya ang tingin sa picture at nag-angat ng tingin sa taong nakatayo isang dipa ang layo mula sa kanya.

"Who are you?" nakakunot ang noong tanong nito.

Isang singhap ang lumabas sa bibig niya bago naramdaman ang pagdulas ng picture mula sa mga kamay niya. Nabasag ang salamin ng picture frame sa sahig. Niyuko niya iyon, abot-abot ang kaba sa dibdib. Yes, she was a best actress, an expert liar—but how she wished she knew what to do in such a shocking situation. Pinili na lang niyang pulutin sa sahig ang nabasag na kuwadro kaysa muling tumingin sa tanawing nakapagpagimbal sa kanya.

"Who are you, Miss?" narinig niyang muling tanong ng baritonong tinig. That voice was suffocatingly familiar!

"Naku, Señorita, ako na ang magliligpit niyan," narinig niyang sabi ng isa sa mga katulong na ipinakilala sa kanya ng don. Tinulungan siya nito sa pagpulot sa nabasag na frame.

"Señorita?" pag-ulit ng lalaki na halatang nagtataka.

Sa puntong iyon ay naglakas-loob na si Sheye na tingnan ito. Bakit nga ba siya natatakot? Hindi siya si Debbie nang mga sandaling iyon. Imposibleng mahalata nito sa hitsura niyang siya ang Eve na iyon. Hinding-hindi puwedeng mangyaring makilala siya nito. At kung patuloy siyang iiwas ng tingin at sa mga tanong nito ay baka maweirdan na ito sa kanya. Nakita niya ang malalim na kunot sa noo nito.

Tumayo siya mula sa pagkakaluhod sa sahig at bahagyang ngumiti. "Hi." Itinaas niya ang isang kamay at sumenyas ng "hello" rito. "Ako si—"

"Hijo!"

Pareho silang napasulyap sa biglang pumasok sa eksena. Kahit paano, nakahinga si Sheye nang maluwag nang makita ang don. May gagawa na ng pagpapakilala sa kanya sa lalaki at hindi na sa kanya mismo manggagaling ang kasinungalingang siya ang nawawalang anak ng don.

"Uncle," anang lalaki na sandali lang tinapunan ng tingin ang tiyuhin dahil ibinalik nito ang tingin sa kanya. Pinanatili lang ni Sheye ang matipid na ngiti sa mga labi.

"Mabuti't napadaan ka," nakangiting sabi ng don nang tuluyang makalapit sa pamangkin. Nakita nito ang katulong na may pinupulot sa sahig. "Ano'ng nangyari diyan, Lory?" tanong ng don sa unipormadong katulong.

"N-nabasag ko ho. Pasensiya na." Siya na ang sumagot sa tanong ng don.

"Okay lang 'yon, hija. Anyway, have you two met?" Pinaglipat-lipat ng don ang tingin sa kanya at sa lalaki.

"Sino siya?" tanong ng lalaki sa tiyuhin pero sa kanya nakatingin.

"She's Sheye, my long-lost daughter. Sa wakas ay nakita ko na rin siya sa tulong ng mama mo," masayang sagot ng don. Nakita niya ang pagsasalubong ng mga kilay ng lalaki. "Come, my princess, meet my one and only nephew Alexander, your aunt's son."

Sa kabila ng lubos na pagkumpirma sa pagkatao ng lalaki ay hindi pa rin niya inalis ang ngiti habang lumalapit sa mga ito.

Alexander... Xander. Oh, God. What a freaking twist of fate.

Pakiramdam tuloy ni Sheye ay nasa isang totoong pelikula siya na tipong minanipula ng scriptwriter ang istorya. How she wished she were just in a real movie, dahil mukhang sa kauna-unahang pagkakataon ay papalpak siya sa acting niya. Why, the man who was hunting her would be her cousin for the next months to come.

"My cousin?" may pagdududa sa tinig na pangungumpirma pa ni Xander.

"Yes, hijo. Aren't you happy you have a cousin now?"

Mukhang napilitan lang si Xander sa pagngiti. "Of course, I'm happy." Nang balingan siya ni Xander ay ikinagulat niya ang ginawa nito. He grabbed her inside his arms in a non-consanguineous hug.

Love Is Only In The Movies [COMPLETED] (Xander Avila-Drop-dead Playboys Book #1)Opowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz