37 Break it

10.6K 359 34
                                    

Neri POV

"Eh papa gusto ko siyang maging mama! Sikat siya tsaka ang ganda ganda niya! Magkamukha nga kami oh, pareho kaming maganda. Siya na ang mama ko papa, sige na!" Rinig ko ang pagmamakaawa sa tinig ng bata na nagpalinaw ng diwa ko mula sa pagkakatulog.

"Shhh... Huwag kang maingay Mira, baka magising ang ate Neri mo. Diba sabi ko sa'yo, huwag ka ng maghanap ng maghanap ng magiging mama mo. Hindi pa ba ako sapat sa'yo?" Pabulong namang sagot ni Seth. Alam kong nag-uusap sila sa tabi ko habang nakahiga sa kama.

"Pero diba girlfriend mo siya, bakit hindi mo siya pakasalan para hindi na siya aalis?! Para may mama na talaga ako?!" Lihim akong napangiti sa pagkabibo ng pamangkin ni Seth. Gusto ko tuloy makita ang itsura nito habang sinasabi niya iyon. Malamang nakalabi siya at maiyak iyak na. She will definitely look cute.

"Hindi iyon ganon kadali, Mira. Hindi kami bagay. Iba ang mundo niya sa mundo natin. Basta, hindi mo pa maiintindihan iyon." Anas ni Seth na ikinapikit muli ng mata ko na dapat ay imumulat ko na. Hindi ko alam na ganito pala ang nasa isip ng lalaki. At gusto kong alamin pa ang iba pa niyang sasabihin.

"Bakit?! Taga ibang planeta ba si Ate Neri?! Sabi kasi ni Bikoy, yung mga taga ibang planeta, alien daw ang tawag. Ibig sabihin alien si Ate Neri?! Homay Shomai!" Bulalas ng bata na ikinayugyog ng kama. Halatang natawa si Seth sa sinabi ni Mira at rinig ko ang muffled na tawa nito na halatang tinakpan ng kamay ang bibig niya para hindi lumabas ang malakas niyang tawa.

"Papa! Ano ba! Ang gulo ninyo! Ano po bang nakakatawa?!" Rinig ko na ang pagtatampo sa boses ni Mira ng sabihin niya iyon.

"Hindi alien ang ate Neri mo, Mira. Isa siyang diwata sa talon." Sagot ni Seth na ikinasinghap ng bata.

"Talaga? Kaya pala ang ganda ganda niya eh! Pero bagay pa rin kayo Papa kasi kung siya ang diwata sa talon, Ikaw naman ang shokoy sa talon." Ani Mira na ikinagalaw muli ng kama.

"Ah ganon ha..." rinig kong mapaglaro ang tonong ani Seth at ang sumunod ay ang pagtawa ni Mira na sunod sunod.

Napabukas na ang mata ko at napangiti sa tagpo na hinahalikan pala ni Seth ang kilikili ni Mira. Ang sarap nilang tignan. Napatingin sa akin si Seth at ng makitang gising na ako ay binaba na niya ang kamay ni Mira na hawak niya paitaas.

"Hi Ate Neri!" Masayang bati ni Mira na nginitian ako.

"Pasensya na Neri, nagising ka ba namin?" Ani Seth habang mabilis na bumababa ng kama.

"Okay lang, mahaba na din naman ang pahinga ko." Aniko sabay ngiti kay Mira. Nasa gitna namin si Mira habang nasa gilid ng kama si Seth.

"Hi Mira!" Bati ko sa kanya na nginitian niya ng ubod tamis.

"Ate Neri, pwede ba kitang maging mama?" Nagpa-puppy eyes na ani ni Mira na mabilis na pinaswitan ni Seth. Sinasaway ito.

"Mira!" Striktong ani Seth na ikinalabi ni Mira at gaya ng nasa isip ko ay napaka-cute niyang tignan.

"Masakit pa ba ang likod mo?" Ani Seth kaya napalingon ako sa kanya.

"Okay na. Hindi na gaano kasakit. Umepekto na siguro iyong gamot." Sagot ko sa kanya.

"Ate Neri, diba girlfriend ka ni Papa? Kelan po kayo magpapakasal?" Ani Mira na ikinagulat ko. Nakita kong napatampal ng noo si Seth habang nakatunghay naman sa akin si Mira na animoy hinihintay ang sagot sa tanong niya.

"Mira! Pumunta ka muna kay ate Lisa mo, sabihin mo ihanda na ang pagkain." Matigas na utos ni Seth. Napalabi muli si Mira.

"Pero may tinatanong p..."

"Mira!" Pagalit ng ani ni Seth na ikinatalima na ni Mira kahit halatang ayaw niya. Bumaba na siya ng kama at dumeretso na sa labas. Pero bago pa siya makalabas ng pinto ay muling pumihit si Mira.

"Ate Neri, usap po tayo mamaya ha?" Anito sabay ngiti sa akin. Doon na ako natawa sa kanya. Tinaliman naman siya ng titig ni Seth kaya mabilis na tumalikod muli si Mira at tuluyan ng lumabas.

"Pasensya ka na kay Mira, masyadong makulit ang batang iyon." Ani Seth habang sinusuksok niya ang dalawang kamay niya sa pantalon niya. Halatang uncomfortable siya ngayon na kaming dalawa na lang muli ang naiwan.

"Seth..." tawag ko sa binata na ikinalingon nito sa akin.

"Iyong tungkol sa atin..." umpisa ko na mabilis namang pinutol ng binata.

"Wala na iyon. Hindi ko naman talaga sineryoso na magiging tayo. Napakalaki ng agwat ng estado natin sa buhay Neri at ayokong isiping pwede tayo pagkatapos ng nagawa ko sa'yo... hindi na dapat ako nagpapakita pa sa'yo kaya lang... ayokong mapahamak ka... Kailangan kitang iligtas hanggang sa abot ng makakaya ko kaya pasensya na kung nagpakita akong muli sa'yo.
Si Mira ah... ayaw niya kasing maniwala na hindi kita girlfriend ng makita niyang natutulog ako sa tabi mo a-at n-nakayakap sa'yo. Naidlip din kasi ako. Hayaan mo, ako ng bahalang magpaliwanag sa kanya." Derederetsong anito na ikinatulala ko sa kanya. Para niya akong nilatigo muli sa may dibdib ko sa sinabi niya. Mas masakit pa ang hagupit noon sa puso ko kesa sa likod.

"Talaga ba? Wala lang iyon?! Wala lang pala iyon! Hindi ka pala seryoso sa akin?" Mapang uyam na aniko sa binata. Napayuko siya sa sinabi ko.

"Hindi sa ganoon Neri. Minahal naman talaga kita." mahinang sagot nito.

"Minahal? Bakit past tense? Hindi mo na ba ako mahal ngayon?!" Tanong ko na ikinabuntong hininga ng binata pero hindi na mulis ito nagsalita.

Nakakadurog ng puso ang bawat lumalabas na salita sa bibig ng binata pero kailangan talaga naming magkalinawan. Dahil ako, pakiramdam ko ay akin pa din siya at sa kanya pa din ako.

"Kasi ako... mahal pa din kita! Kahit ano pang nagawa mo noon, wala akong pakielam sa lahat ng iyon. Mahal kita Seth!" Sigaw ko sa kanya. Pakiramdam ko sasabog na ang puso ko kapag hindi ko iyon nasabi sa binata. Sandaling natulala ang binata sa akin pero muli lang siyang napayuko. At alam ko, alam kong sa pagyuko niyang iyon ay hindi niya ako kayang ipaglaban. Na sa pagyuko niyang iyon ay para na rin niyang sinabing hanggang dito na lang talaga kami.

"Hindi tayo bagay Neri. Masamang tao ako." Tanging sagot nito.

"Takot ka, ganoon? Naduduwag ka dahil sa agwat na sinasabi mo?! Mahal kita Seth. Mahal kita at naiintindihan ko kung bakit ginawa mo ang nagawa mo dati. Alam kong gipit ka lang at kailangang kailangan ni Mira. Kung sinabi mo lang sa akin malamang tinulungan pa kita!" Hindi ko maiwasan ang pakla sa tono ko sa pagkasabi non. Pero alam kong malabo na, malabong ipaglaban niya ako, kasing labo ng nakikita ko dahil sa luhang patuloy na pagdaloy sa mata ko.

"Tigilan na natin ito Neri. Hindi pwedeng maging tayo! Bukas na bukas ay ibabalik na kita sa inyo. Kalimutan na lang natin ang mga nangyari at mamuhay ng tahimik." May pagkapinal sa boses ni Seth ng sabihin niya iyon. Mabilis siyang tumalikod at lumabas siya agad ng kwarto habang iniwan niya akong nakatulala sa paglabas niya.

Sinner Seth (COMPLETED)Wo Geschichten leben. Entdecke jetzt