Chapter Thirty-Three

2.7K 137 11
                                    

SHANELLE

Tama nga ako sa destinasyon ko. Nakapunta ako sa Batangas, kung saan kami nag-outing ilang taon na ang nakalilipas. Dito nila ako inilibing, at dito ko babalikan ang nakaraan.

Umuulan noon kaya hindi ko masyadong nakita ang buong kabukiran. Pero ngayong lumulubog na ang araw ay nakikita ko ang mga magagandang bulaklak sa paligid. May mga taong nagtanim dito at pinagandahan talaga nang husto.

Ang mga lubak-lubak na daan noon ay sementado na, kaya kung umulan man ay hindi na maputik. Nakita ko rin ang isang signpost na, 'resthouse ahead'.

Wala namang masama kung dito ako ng mga ilang araw, 'di ba? Wala naman sigurong nakakakilala sa 'kin dito kasi mga bagong tao ang makakaharap ko. Isa pa, dalawang oras ang biyahe rito mula sa Maynila kaya napakaimposible.

"Magandang hapon, hija."

Napalingon ako sa isang matandang may dalang basket ng mga bulaklak sa daan. Maputi na ang mga buhok niya at kulubot na ang balat. 

"Mukhang dayo ka. Saan ka ba nanggaling?" tanong niya.

"Magandang hapon po. Taga-Maynila po ako." Ngumiti ako sa kanya. "Takipsilim na po, ha? Bakit nasa labas pa po kayo? Delikado na sa labas, Lola."

"Kay bait mo naman, pero ayos lang ako. Kailangan ko lang ng pera ngayon kasi may bayaran ang apo ko sa eskwelahan," kuwento niya at pasimpleng inaayos ang mga bulaklak sa kanyang basket.

Medyo naawa ako sa matanda. Nagkagat-labi na lang ako. Kumakayod siya para matulungan ang apo niya. Sana may lola rin akong gan'yan, pero hindi ko na nga lang naabutan ang mama ni Mommy dahil sa pagkamatay niya bago pa ako ipinanganak.

"Sige, hija. Maglilibot na muna ako. Baka may mga bagong bisita sa resthouse at bumili sa akin."

Nagsimula siyang maglakad. Nakita ko kung paano iyon kahina. Nakokonsensya ako dahil talagang dumidilim na. Baka mapahamak pa siya sa daan. Wala namang masama kung bumili ako.

"Lola!" 

Napalingon siya sa akin. Ngumiti naman ako. 

"Bibilhin ko na po iyan lahat."

Kumuha ako ng isang libo sa wallet at ibinigay sa kanya. Nanlaki ang mga instik na mata ni Lola. Ibinigay niya ulit sa akin ang pera.

"Pero, hija, kung bibilhin mo lahat ay three hundred pesos lang. Wala akong pangsukli."

Ibinalik ko ulit sa palad niya ang pera. "Ayos lang po. Mas gusto ko pong makauwi muna kayo para makapagpahinga. Kung sobra naman po ang pera ay ibili niyo na lang po ng makakain."

Napaiyak siya sa sinabi ko at tiningnan ang pera. "Salamat, hija. Sobra-sobra na ito," sabi niya. 

Ibinigay niya sa akin ang basket na may iba't ibang klase ng mga bulaklak. Tinanggap ko ito nang malugod. 

"Pagpalain ka sana."

"Salamat po. Sige na po. Malapit nang magdilim. Taga-saan po ba kayo at ihahatid ko na po kayo," ngiting offer ko pero umiling lang siya.

"Malapit lang ang sa amin dito, kaya huwag ka nang mag-abala pa. Dumiretso ka na sa resthouse dahil malapit nang maggabi. Baka hindi mo na makita ang daan."

Napatango ako. Nagpasalamat pa ulit si Lola sa akin. 

"Sige po. Mag-iingat po kayo," huling paalam ko.

Ngumiti siya saka tumalikod. Tiningnan ko muna ang matanda na lumiliko sa isang eskinita. Pumasok na rin ako mayamaya sa kotse para sundin ang daan papuntang resthouse.

Ilang minuto lang ay nakita ko na rin ito. Hindi na ito kagaya noon na mukhang luma. Renovated na at mas pinalaki pa ang kabuuan. Maraming tao ang nadatnan ko, pero hindi naman sila masyadong nag-iingay. Nakita ko ang mga nakaparkeng kotse sa isang lote, kaya doon din ako nagparke.

The Mask Behind the Past (RVS#1)Kde žijí příběhy. Začni objevovat