Simula

11.6K 615 198
                                    

Mabilis ang pag-usad ng bawat segundo, araw, at buwan sa buhay ni Marikit. Parang kailan lamang noong tanawin niya sa may kalayuan ang kaniyang sinisinta at pangarapin ito gabi-gabi bago ang kaniyang pagtulog. Ngunit ngayon, minuto na lamang ang kaniyang bibilangin upang matupad iyon.

Ang liwanag na nagmumula sa gintong araw ay tumatagos sa maninipis na kurtina ng kaniyang bintana. Tila mga kristal ang ningning na naibibigay ng mga diyamanteng nakapalamuti sa kaniyang suot traje de boda, na sa sobrang puti ay maaari mo na itong maihalintulad sa perlas.

Nakangiti lamang si Marikit habang nakatanaw sa bintana ng kaniyang silid, ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Mercedes naman ay nasa kaniyang likuran, abala ito sa pag-aayos ng kaniyang buhok dahil nalalapit na ang kanilang kasal ng ginoo ng kaniyang buhay.

Hindi na niya mabilang pa kung ilang beses na ba siyang nagpakawala ng malalim na buntong-hininga sa pag-asang mapakalma ang pusong nagwawala sa tuwa. Hindi rin niya batid kung paano siya nakatulog kagabi gayong hindi mawaglit-waglit sa kaniyang puso't isipan ang pagkasabik.

Alas-otso pa lamang ng umaga at nakahanda na siya, suot ang kaniyang napakagandang traje de boda, nakalapat sa mukha niya ang manipis na kolorete upang mas mapaunlad pa ang kaniyang kagandahan. Kung tutuusin ay hindi na dapat siya maglagay niyon dahil natural ang kaniyang angking kagandahan na kinahuhumalingan ng lahat ng kabinataan sa kanilang pueblo, lalo na ang kaniyang hinhin na nagiging batayan pa ng iba upang matawag na ganap na binibini.

"Hindi na matawaran pa ang iyong ngiti, kapatid ko. Napaghahalataan ka tuloy na nasasabik nang labis," biro ni Mercedes nang matapos na siya sa pag-aayos ng buhok ng kapatid. Hinarap siya ni Marikit.

"Sino ba naman ang hindi masasabik, e, napakatagal kong hinintay ang araw na ito," tugon niya sabay ngiti. Inayos ni Mercedes ang iilang hibla ng kaniyang buhok tsaka humawak sa kaniyang magkabilang kamay.

"Masaya ako sa iyo, kapatid ko. Nahanap mo na ang tunay na magmamahal sa iyo," wika ni Mercedes sabay yakap sa kaniya.

"Alam ko sa aking sarili na mahal na mahal ako ni Maximilliano. Hinding-hindi niya ako sasaktan," tugon ni Marikit at hindi mabawas-bawasan ang ngiti sa kaniyang labi.

Sabay silang napalingon sa may gawi ng pintuan nang maulinigan nila ang pagkatok mula roon. "Mga señorita, nakahanda na raw po ang sasakyan ni Señorita Marikit patungong simbahan," wika ng kasambahay na nasa labas ng silid.

Muling nagkatinginan ang magkapatid at parehas na ngumiti sa isa't isa. "Halika na," Aya ni Mercedes at yumakap siyang muli kay Marikit.

Hindi matawaran ang ngiti ni Marikit habang nakasakay sa loob ng kalesa na ngayon ay tumatakbo at binabaybay ang daan patungo sa simbahan ng Don Felipe. Ang lahat ng nadaraanan ay hindi maiwasang mapatingin at mapatulala sa disenyo ng kaniyang sinasakyan na tugmang-tugma sa okasyon.

Muling nagpakawala ng malalim na buntong-hininga si Marikit nang mamataan na papalapit na sila sa simbahan at habang mas lumalapit ay mas nadaragdagan ang kaniyang kaba na tila ayaw na talagang magpaawat.

Nang marating na nila ang tapat ng simbahan ay nagsimula nang mangilid ang mga luha ni Marikit dulot ng pinaghalong kaba, pagkasabik, at kagalakan, lalo na nang makita niya ang napakagandang disenyo ng simbahan.

Nasa labas din niyon ang kaniyang ama at ina na nakasunod ang tingin sa kaniya at parehas na naluluha rin sa tuwa. Tumingin si Marikit sa kumpol ng rosas na nakakalong sa kaniya tsaka sandaling pumikit upang ipasalamat ang umagang ito.

"Binibini, halika na po," napamulat siya nang marinig ang tinig na iyon. Nasa labas ng kaniyang sinasakyan ang isang guwardiya at nakalahad ang braso nito sa kaniya.

Maingat siyang kumapit doon at bumaba na. Kabado siya nang lapitan ang mga magulang na nag-aabang sa kaniya sa may veranda ng simbahan.

"Ina! Ama!" Masayang salubong niya sabay yakap sa dalawang magulang. Ang kaniyang ama ay tipid lamang na nakangiti, samantalang ang kaniyang ina naman ay humahagulgol ng iyak.

"Ina, labis naman ho ata ang inyong paghagulgol," biro niya nang kumalas na siya sa pagkakayakap dito. Inabot niya ang pisngi ng ina at pinunasan. "Batid kong nangangamba kayo sa akin, sa kakaharapin kong buhay may-asawa, ngunit huwag kayong mag-alala, alam naman nating lahat na mahal na mahal ako ni Maximilliano," ngiti ni Marikit sa kaniyang ina.

"A-anak, sana h-huwag kang mabigla, ha," wika ng kaniyang ina dahilan upang makaramdam siya ng pagtataka.

"B-bakit po? M-may surpresa ho ba kayo?" tanong niya at pinilit na itago ang kabang nararamdaman. Nagkatinginan nang panandalian ang kaniyang mga magulang bago ibalik ang tingin sa kaniya.

"A-anak, h-hindi na matutuloy ang kasal..." panimula ng ina kaya napahinto si Marikit. Nagsimula nang kumabog nang mabilis ang kaniyang puso at napailing-iling siya.

"H-hindi po magandang biro iyan, ina..." wika niya sabay tanaw sa may loob ng simbahan. Isang luha ang pumatak mula sa kaniyang mata nang mamataang wala pa nga roon ang kaniyang magiging kabiyak.

"M-Marikit, t-tinakasan ka niya..." Hinagpis ng kaniyang ina pero hindi pa rin siya maniniwala. Alam niyang mahal siya ni Maximilliano, oo nga't marami itong babae noon ngunit nabago na niya ito, hindi nito magagawang takasan siya sa araw ng kasal nila.

"H-hindi niya po iyon magagawa," paninindigan pa ni Marikit at pinilit niya ang sarili na hindi maluha.

Maya-maya ay napukaw ang kanilang atensyon ng isang guwardiyang lumapit sa kanila at may dala-dala itong bayong na inabot sa ama ni Marikit.

"Ano ito?" takang tanong ng Don.

"Nakita po namin iyan sa daan kung nasaan dumaan si Heneral Maximilliano kasama ng kaniyang kinakasama," tugon ng guwardiya na ipinagtaka ni Marikit.

"A-anong sabi mo?" sabat niya. "M-may kinakasama siya?"

"Tumakas ho si Heneral Maximilliano kasama ng kaniyang kerida. Dahil ayaw po nilang magpahuli sa amin nang habulin namin sila ay wala na kaming nagawa pa kundi paputukan sila ng baril," tugon ng gwardiya at nanlaki ang mata ni Marikit sa pagkabigla sa balita. Nagsimula nang balutin ng lamig ang kaniyang buong katawan sa narinig.

Napatingin siya sa bayong na hawak ng kaniyang ama at tuluyan nang bumuhos ang kaniyang luha nang makitang ilabas nito ang isang unipormeng pang-heneral na balot na balot na ng dugo. Kung binabangunot man siya ay nais na niyang magising, hindi siya makapaniwalang nagawa siyang iwan sa ere ng lalaking nangako sa kaniya. At ngayong wala na ito, ano pang silbi niya upang mabuhay pa?

Hunting the 19th Century Playboy (Formerly 'The Tomboy meets the Playboy of 1803Where stories live. Discover now