Eloisa

3.4K 180 299
                                    

NAPANGITI si Eloisa nang makita ang tindahan ng aklat ni Fabian Abueva. Kamamatay lamang ng kaniyang ama dahil sa sakit na hindi maipaliwanag kaya ngayon ay ulilang lubos na siya. Ini-rekomenda ng isa niyang kaibigan ang tindahan na ito dahil kulang sila sa tauhan, malaki ang maitutulong sa kaniya ng salaping kaniyang suswelduhin mula sa pagtatrabaho dito na magagamit niya sa pang-araw-araw. Tubong Bulakan si Eloisa at dinayo pa niya itong Don Felipe upang humanap lamang ng trabaho.

Sinimulan na niyang lumakad papasok sa tindahan at bumungad sa kaniya ang kaedad na dalaga. Bagaman nakatalikod ito sa kaniya ay batid niyang mayaman ito at mula sa alta-sociedad. Nakaramdam siya ng awa sa kaniyang sarili dahil kumpara sa kasuotan ng babae sa harap niya na magarbo, ang suot niya ngayon ay kupas na at gula-gulanit pa. Marami na ring tagpi at kailangan nang maikumpuni.

Kahit galing sa maralitang pamilya si Eloisa ay hindi maitatanggi ang kaniyang kagandahan na tila'y isang anak ng Don, iyon lamang, hindi kaputian ang kaniyang kutis dahil sa pagbibilad sa palayan upang makisaka.

Nang humarap na ang dalaga sa pintuan ay agad na nagtago si Eloisa sa likuran ng estante dahil sa hiya na makita siya nito. Namangha siya sa angking ganda ng dalaga. Mula sa maputing balat nito, medyo may kakapalan na labi, mapupungay na mata at magandang mahabang buhok. Lingid sa kaniyang kaalaman, ang babaeng nasa harap niya ngayon ay si Maria Marikit Lacsamana na tanyag sa buong bayan nang dahil sa angking ganda nito.

Nang tuluyan nang makalabas si Marikit ay nagtungo na si Eloisa sa kahera kung nasaan nakatayo si Fabian. Hindi niya maikubli sa kaniyang sarili na sadyang nakakahalina ang kaguapuhan ng binata lalo na ang makisig nitong katawan at tindig. "Anong maipaglilingkod ko, binibini?" tanong ni Fabian at napatikhim muna si Eloisa bago tumugon.

"Mamamasukan po sana ako bilang trabahante ninyo. Kailangan na kailangan ko na po ka-" Hindi na natapos pa ni Eloisa ang kaniyang sasabihin nang kumalansing ang mga chimes sa may pintuan, hudyat nang may pumasok sa loob ng tindahan.

"Insan! Kumusta!" napalingon si Fabian at Eloisa sa may pintuan nang maulinigan nila ang boses ng isang lalaki. Bumungad sa kanila ang matangkad na binata na may buhok na olandes (blonde) at nakasuot ng unipormeng pang-heneral.

Tila'y may kung anong enerhiya ang nagtutulak kay Eloisa na titigan ang nakakaakit na kulay kayumanggi na mata ng binata. "Nariyan na ba ang pinadala kong labing-anim na pluma para sa labing-anim na Binibining aking sinisinta?" tanong ng binata sa kaniyang pinsan kaya napailing-iling na lamang si Fabian dahil sa kaniyang kapilyuhan.

"Narito na. Ako'y iyong hintayin na lamang," tugon ni Fabian tsaka nagtungo sa imbentaryo ng kaniyang tindahan. Naglakad na ang binata patungo sa kahera at napatingin siya kay Eloisa na ilang metro ang layo mula sa kaniya. Nakayuko lamang si Eloisa dahil sa hiya at pagkailang na nararamdaman sa gwapong binata na nasa harapan niya.

"Ako nga pala si Maximilliano, Señorita," pakilala ni Maximilliano sabay lahad ng palad niya sa harapan ni Eloisa. Nanlaki ang mga mata ni Eloisa dahil sa paraan ng pagpapakilala ng binata sa estrangherong tulad niya at tinawag pa siyang Señorita na tanging sa mayayaman lamang itinatawag.

Dahan-dahang tumunghay si Eloisa kay Maximilliano at nakita niya itong nakangisi sa kaniya. "Ikaw ang kauna-unahang Binibining pinag-antay ang kamay ko," preskong wika ni Maximilliano sabay kindat at ngisi kaya tila'y uminit ang ulo ni Eloisa sa aksyon niya na hindi paggalang sa babae.

Akmang hahawakan na sana ni Maximilliano ang kamay ni Eloisa ngunit mabilis na kinuha ni Eloisa ang pulso niya tsaka pinilipit. Hindi naman mapigilan ni Maximilliano na mapahiyaw sa sakit dahilan upang magkanda-tapon-tapon ang inaayos ni Fabian sa loob ng imbentaryo dahil sa gulat nang maulinigan ang pagdaing ng pinsan.

Hunting the 19th Century Playboy (Formerly 'The Tomboy meets the Playboy of 1803Where stories live. Discover now