Fontana Trinidad

5K 319 271
                                    

NAGISING ako nang maramdaman ko ang marahang pagtapik sa balikat ko. Dahan-dahan akong napamulat at bumangon mula sa pagkakasandal sa balikat ni Maximilliano. Hindi ko namalayan na nakatulog pala ako sa haba ng byahe namin mula sa Laguna hanggang dito.

"Nawa'y nasiyahan ka sa pag-unan sa aking matipunong bisig," wika ni Maximilliano kaya kunot-noo ko siyang tiningnan. Napalingon ako sa labas at tanaw ko na ang eskwela sa kalayuan. Hapon na ngayon at malapit na naming marating ang Escuela de las Hermanas. Nakasakay pa rin kami ni Maximilliano habang nakasakay naman sa kalesa sa unahan sina Clemente, Dulce, at Amor.

"Teka! Nalagpasan na natin ang Fort Santiago! Hindi ba't doon ka dapat bababa?" tanong ko kay Maximilliano pero umiling siya tsaka ngumiti.

"Ibig kong ihatid muna kita dito bago ako dumako sa aking paroroonan nang sa gayon ay masiguro kong ligtas kang makakarating rito," tugon niya at napangiti na lamang ako dahil sa concern niya.

Nang huminto na ang kalesa sa tapat ng Escuela de las Hermanas ay naunang bumaba si Maximilliano at inalalayan niya ako. Inilahad niya ang braso niya pero agad akong tumanggi na kumapit roon dahil nasa unahan lang namin si Maestra Alena'ng attitude na ampalayang bitter, baka sumpain na naman niya ako gaya kagabi.

Napangiti na lang nang simple si Maximilliano at napakamot sa batok dahil sa pagkadismaya kaya natawa na lang ako habang pinagmamasdan ang reaksyon niya.

Sinimulan na namin ni Maximilliano na sumunod doon nang pumasok na sila Amor pero hinarang kami ni Maestra Alena.

"Hanggang d'yan lamang ang panauhin," seryosong wika ni Maestra at tumango na lang si Maximilliano at inihatid sa tapat ng gate ang mga maleta ko.

"Heneral, salamat sa paghatid. Maaari ka nang makaalis," saad pa ni Maestra Alena at nagbigay-galang sa kaniya si Maximilliano. "Nawa'y gabayan ka ng maykapal sa iyong byahe," paalam ni Maestra Alena.

Sa huling pagkakataon ay napangiti ako kay Maximilliano na pasimpleng ngumiti sa akin at nanatili lang siyang nakatayo roon na parang wala pa ring balak na umalis. "Halika na, Marikit," saad ni Maestra Alena sa akin at sinimulan ko nang tumalikod kay Maximilliano at sandali ko siyang sinulyapan nang makapasok na ako sa loob ng eskwela. Hindi pa rin siya natitinag sa pwesto niya at nakangiti pa rin sa akin.

Nang makapasok na kami sa loob ay inutusan ni Maestra Alena ang isang tauhan niyang lalaki na kunin ang mga gamit ko at dalhin sa dormitory. Nakatayo sila Clemente, Dulce, at Amor sa may hagdan paitaas at mukhang inaantay kami.

Nang makalapit kami roon ay tiningnan ako ni Maestra Alena at sinenyasan na sumunod sa kanila Clemente. Agad naman akong nagbigay galang sa kaniya at lumakad na ako papalapit sa kanila at humiwalay ng landas kay Maestra Alena.

"Anong pakiramdam na maihatid ng kaniyang nobyo?" tanong ni Dulce at tiningnan naman nila akong tatlo para asarin.

"Siguro ay wala nang oras na hindi ka masaya, ano? Iyong titigan ninyong wagas ay hinding-hindi na matutumbasan. Grabe!" gatong ni Dulce.

"Abangan ninyo, kapag umakyat na ng ligaw sa akin si Ginoong Juliano, maiinggit rin kayo sa akin!" banta ni Amor sabay tapon ng tingin sa akin. "Siya nga pala, kumusta humawak sa bisig ni Heneral?" tanong niya sabay sundot sa tagiliran ko kaya napaiwas ako.

"Okay leng. Hmm... mesherep!" saad ko sabay dalagang pilipina pose at inunahan ko na silang umakyat sa dormitory.

Pagpasok namin sa kwarto namin ay agad kaming nag-ayos ng mga dala naming gamit. Nakapwesto ang kama ko sa may tabi ng bintana kaya minsan ay napapahinto ako sa ginagawa ko at tumatanaw sa langit.

Napangiti ako habang tinitingnan ang sunset at halos balutin na ng kulay orange ang buong kalangitan. Napahinga ako nang malalim at tinuon kong muli ang atensyon ko sa mga tinutupi kong baro't saya habang hindi pa rin nabubura ang ngiti sa labi ko.

Hunting the 19th Century Playboy (Formerly 'The Tomboy meets the Playboy of 1803Where stories live. Discover now