Tampuhan

2.8K 171 52
                                    

DECEMBER na at ilang linggo na ang nakalipas matapos ng nangyaring kaguluhan sa birthday party ni Marikit. Ilang linggo na rin kaming hindi nakakapag-usap ni Maximilliano pagtapos ng gabing iyon.

Hindi ko alam pero parang hindi ko pa kayang harapin siya. Hindi ko alam kung dapat ba naming palalimin pa itong nararamdaman namin. Ilang buwan na lamang ang bibilangin at magbabalik na ako sa tunay na panahon ko.

Nitong mga nagdaang araw, matapos ng gabing iyon ay palaging nagpapadala ng mga bulaklak at liham si Maximilliano pero hindi ko iyon tinatanggap at pinapatapon ko lamang kay Lydia.

Ayoko munang makakita ng mga gamit na galing sa kaniya, ayaw ko muna siyang makita. Hindi pa kasi ako handa kung sakaling mapalalim pa namin ang mga damdamin namin. Hindi pa ako handang harapin ang sakit pagtapos nito.

Napahinga ako nang malalim tsaka lumakad papunta sa balkonahe. Umaga ngayon at alas-otso pa lamang. Malamig ang panahon kaya nakabalot sa balabal ang balikat ko para kahit papaano ay maibsan ang lamig.

Napalingon ako sa may kalsada at namataan ko roon ang pamilyar na kalesa na kasalukuyang tumatakbo patungo rito sa Hacienda Lacsamana. Nakita kong lulan niyon si Maximilliano.

Hindi kilig ang naramdaman ko nang mamataan ko siyang nakalingon sa akin. Kundi kirot at sakit. Nasasaktan ako dahil matapos niyang sabihin sa akin ang tunay niyang nararamdaman ay parang binalewala ko siya.

Tumalikod na ako sa balkonahe at naglakad patungo sa kama, muli akong humiga. Habang nakatingin ako sa kisame ng silid ay sandali kong inalala ang nangyari sa amin noong gabi nang huli kaming mag-usap...


"Handa akong sagasaan ang lahat ng nais humadlang sa akin na mapasaakin ka. Dahil mahal kita," wika sa akin ni Maximilliano at mas hinigpitan pa niya ang pagkakayakap sa akin.

Dahan-dahan ko siyang itinutulak palayo sa akin kahit nanghihina ako. Kahit nanlalata ako. Kahit wala akong lakas dahil pagtapos niyang sabihin ang mga salitang iyon, pagtapos kong makita ang luha sa mga mata niya nang sabihin niya ang mga salitang iyon ay nawalan ako ng lakas.

"Hindi ito ang tamang oras para riyan," tugon ko at dahan-dahan siyang napabitaw sa akin at humakbang nang dalawang beses paatras kaya nagkaroon kami ng sapat na distansya sa isa't isa.

Sandali kaming muling binalot ng katahimikan at tanging paghikbi at pag-iyak lamang namin ang tanging naririnig namin. Napahinga ako nang malalim tsaka tumingala sa kalangitan na kakaunti lamang ang nagniningning na bituin. Hindi rin maaininag ang buwan dahil sa kapal ng ulap na tumatakip roon.

"Maaari mo akong paalisin kung iyan ang iyong ibig," saad niya sa akin at napatikhim siya.

"Huwag mo muna akong malapitan. Bigyan mo ako ng distansya at oras para mapag-isipan ang lahat," sagot ko at napalunok ako nang mariin tsaka lumingon sa kaniya.

"Kung iyan ang iyong ibig, sige. Hindi kita pipilitin," wika niya at tumunghay siya sa akin kaya nagtama ang mga paningin namin na parehas na balot ng luha.

"Mauuna na ako," paalam ko at sinimulan ko nang humakbang palayo sa kaniya ngunit napahinto ako nang magsalita siyang muli.

"Ngunit hindi ko magagawang pigilan ang nararamdaman ko sa iyo. Kahit gaano katagal bago mo masuklian ang pagmamahal ko sa iyo at aantayin ko iyon. Kahit araw-araw mo akong itulak palayo ay lalapit at lalapit pa rin ako sa iyo. Kahit ilang beses mong sabihin na tumigil ako, patawad, hindi ko magagawa iyon," pahabol pa niya at napakagat ako sa ibabang labi ko dahil nagbabadya na naman ang luha ko sa pagtulo. Naninikip ang dibdib ko kaya napakapit ako rito.

Hunting the 19th Century Playboy (Formerly 'The Tomboy meets the Playboy of 1803Where stories live. Discover now