Selos

4K 267 95
                                    

NAKAAKBAY sa likuran ko si Maximilliano habang parehas kaming nakamasid sa bukang-liwayway. Nahimasmasan na rin ako sa pagluha kanina at ngayon ay hindi na mabura-bura ang ngiti sa labi ko. Marahang humahaplos ang kamay ni Maximilliano sa balikat ko kaya nakakaramdam ako ng kiliti at pagkakomportable.

Nang tuluyan nang balutin ng liwanag ng araw ang paligid ay nauna nang kumalas sa pag-akbay si Maximilliano. Tumikhim siya saka isinuksok ang magkabilang kamay sa bulsa niya. "Dito ka muna, sasaglit lamang ako kay Mang Ruel," paalam ni Maximilliano at tinanguan ko siya habang hindi ko pa rin inaalis ang tingin ko sa lawa.

Ilang minuto rin ang tinagal niya at nagbalik na rin siya agad. "Hindi pa ba tayo pupunta sa bahay-panuluyan?" tanong ko habang nakatalikod sa kaniya.

"Ipinagpaalam kita na tanghali na lamang natin lisanin itong Laguna," saad niya kaya ipinihit ko ang katawan ko paharap sa kaniya. Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong may hila-hila siyang bangka!

"Maganda ang sikat ng araw at masarap pumalaot," ngiti niya sa akin. Napalunok ako nang mariin dahil hindi ako sanay sumakay sa bangka.

Tinulak na niya ang bangka papunta sa pampang ng lawa ngunit nanatili lang akong nakatayo sa pwesto ko dahil kinakabahan ako. Hindi ko alam kung bakit takot na takot ako sa malalalim na bahagi ng tubig kahit wala naman akong traumatic experience.

Napalingon si Maximilliano sa akin at napansin ata niyang hindi ako natitinag sa pwesto ko. Nakangiti siyang lumakad palapit sa akin . "Ikaw ba'y natatakot?" tanong niya sa akin pero hindi ko siya inimik at ibinaling ko lang ang paningin ko sa lawa.

"Huwag kang matakot, hangga't katabi mo ako. Sisikapin kong mapanatiling ligtas ka," wika niya at dahan-dahan ko siyang nilingon nang hawiin niya ang buhok na lumadlad sa pisngi ko at inipit niya iyon sa likuran ng tainga ko.

Sa hindi malaman na dahilan ay napangiti na rin ako sa kaniya. Alam kong natatakot ako pero mas gusto kong masubukang harapin ang takot ko kasama ang taong nagpapanatag ng kalooban ko.

Nauna na siyang sumampa sa bangka at naka-indian sit siya sa gitna para mabalanse at hindi tumaob. Napalunok ako nang mariin at humawak sa palad niya, ang kabilang kamay ko naman ay nakakapit sa saya ko.

Nanginginig ang katawan ko habang inihahakbang ko ang isang paa ko pasampa sa bangka. Napapikit ako nang mariin para hindi ko makita ang paligid nang sa gayon ay medyo mabawasan ang kaba na nararamdaman ko.

Gumewang ang bangka kaya naistatwa ako sa pwesto ko. Napapikit ako nang mariin at napakapit nang mahigpit sa saya ko at sa kamay ni Maximilliano. Maya-maya ay napakunot-noo ako nang marinig ko ang mahinang pagtawa niya at kahit nakapikit ako ay naiimagine ko pa rin ang mukha niyang nakakaloko at tuwang-tuwa sa sitwasyon ko.

"Bangka lamang pala ang iyong kinatatakutan," wika niya at tumawa uli kaya dahan-dahan akong dumilat at tiningnan ko siya nang matalim. Ngumisi siya sa akin at sumenyas na igegewang daw niya ang bangka kaya napairap ako.

"Subukan mo! Hindi ka na sisikatan ng araw!" banta ko. Sana naman ay matakot ang mokong na'to dahil gumamit ako ng pangmalakasang linya ng dekada sitenta. Imbis na tantanan niya ako sa pag-uugoy niya ng bangka ay nilakasan niya iyon dahilan para mapadausdos ako at tuluyang mawalan ng balanse!

Napamulat ako nang maramdaman ko na nakalapat ang pisng ko sa maskuladong bagay. Nakatapat roon ang tainga ko kaya rinig na rinig ko ang tibok ng puso ni Maximilliano at sa 'di malaman na dahilan ay sabay na tumitibok nang mabilis ang mga puso namin.

Dahan-dahan ko siyang nilingon at nakangisi siya sa akin ngayon. Na-realize kong nakakapit pala ang kaliwang kamay ko sa kanang kamay niya habang ang kaliwang kamay ko naman ay nakalapat sa dibdib niya. Nanlaki ang mata ko nang mapagtanto kong magkapatong kaming dalawa!

Hunting the 19th Century Playboy (Formerly 'The Tomboy meets the Playboy of 1803Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon