Mga Kasinungalingan at Katotohanan

2.9K 197 86
                                    

"SAKLOLO!" sigaw ko habang patuloy ako sa pagyuyugyog at pagtatapik kay Gobernador Emilio na ngayon ay nakahandusay na sa sahig at balot na balot ng dugo. Dilat rin ang mga mata niya. Wala pang isang minuto ay narinig ko ang pag-ingit ng bisagra ng pintuan hudyat nang may nagbukas.

"A-anong ginawa mo sa kaniya, Loi?" gulantang na saad ni Maestra Alena na ngayon ay nasa tapat ng pintuan.

"M-maniwala po kayo sa akin. Wala akong ginawang masama. Hindi ko kayang gawin na pumatay ng tao. Maestra..." paghihinagpis ko sa kaniya at lumakad siya palapit sa akin at kinuha ang baril na hawak ni Gobernador Emilio.

"U-umatras ka," saad niya sa akin at tumayo na siya.

"P-po?" tanong ko at nanlaki ang mga mata ko ng tutukan niya ako ng baril!

"Atras!" sigaw pa niya kaya dali-dali akong napatayo at umatras.

"M-Maestra. H-huwag po ninyong gawin 'to!" pagmamakaawa ko pero nanatili lang na nakatutok ang baril sa akin. Hindi ko na rin maramdaman ang paligid dahil pakiramdam ko ay namamanhid ang buong katawan ko sa takot.

"MAMAMATAY-TAO!" sabay kaming napalingon sa pintuan nang marinig ang boses ng isang babae. Pagtingin ko sa kanila ay nakita ko sila na lahat ay gulat na nakatingin sa amin ni Maestra Alena.

"N-nagkakamali po kayo ng iniisip!" sigaw ko at at lahat sila ay nagsimula nang isumpa si Maestra. Agad namang tumakbo papunta sa akin si Maximilliano at niyakap ako tsaka iniharang ang sarili niya.

"Mamamatay-tao!"

"Dapat kang parusahan!"

"Salot sa lipunan!"

"Dak'pin ang salarin!" utos ni Maximilliano sa mga gwardiya na nakatayo sa pintuan at nanlaki ang mga mata ko nang mabilis nilang nilapitan si Maestra Alena at pinosasan gamit ang makapal na lubid. Deretsong nakatingin lamang sa akin si Maestra at hindi siya umaalma sa pag-aaresto sa kaniya.

"N-nagkakamali kayo ng iniisip," bulong ko kay Maximilliano at tumulo ang luha ko. Ayaw kong pagbayaran ni Maestra Alena ang bagay na hindi naman niya ginawa. Ayaw kong saluhin niya ang parusa na matatanggap ko kahit ang lahat ay planado ni Gobernador Emilio para madiin ako.

"S-sinaktan ka ba niya? Anong ginawa niya sa iyo?" sunud-sunod na tanong sa akin ni Maximilliano pero hindi ko siya matugunan dahil nagsimula na akong mapahagulgol ng iyak habang pinagmamasdan ang marahas na pagkaladkad ng mga gwardiya kay Maestra Alena palabas sa silid.

"N-nagpakamatay si Gobernador Emilio! Hindi siya pinatay ni Maestra Alena! Nagkakamali kayo ng iniisip!" paghihinagpis ko at niyakap ako nang mahigpit ni Maximilliano. "Naniniwala ka sa akin, hindi ba? Hindi niya 'yon magagawa. Mabait si Maestra Alena!" Hagulgol ko pa at parang dinudurog ang puso ko habang tinitingnan na sinusumpa ng mga tao si Maestra Alena. Iyon iba ay sinisipa pa kapag nadadaanan nila. Iyon ang dapat na sasapitin ko pero mas pinili niyang saluhin iyon para sa ikabubuti ko.

"U-umuwi na tayo. Batid kong marami ka nang inaalalang suliranin kaya ganiyan ang iyong naiisip," tugon ni Maximilliano at parang gumuho ang mundo ko na maski siya ay hindi naniniwala sa akin.

"M-Max..." Hagulgol ko at niyakap niya ako nang mahigpit. Napasubsob na lamang ang mukha ko sa dibdib niya at patuloy ako sa pagluha.

"M-Marikit, hindi ka ba sinaktan ni Maestra?" tanong ni Dulce kaya kumalas ako mula sa pagkakayakap kay Maximilliano at napatingin sa kanila Dulce at Amor. Umiling ako.

"Hindi na namin alam ang gagawin kung maging ikaw rin ay mawawala," saad ni Amor at sumunggab ng yakap sa akin. Maya-maya ay napatingin kami sa may pintuan nang pumasok mula roon ang mga gwardiya at may bitbit silang malapad na tabla na sa tingin ko ay paglalagyan ng bangkay ni Gobernador Emilio. Lumapit si Tinyente Villaruel sa amin at nagbigay-galang kay Maximilliano. Hindi man siya nakangiti ngayon pero batid kong masaya siya sa sinapit ng kaaway niyang si Gobernador Emilio.

Hunting the 19th Century Playboy (Formerly 'The Tomboy meets the Playboy of 1803Where stories live. Discover now