Capitulo Nueve

69 10 4
                                    

Chapter 9

TAIMTIM na nakatitig lang si Marcela sa bulwagan ng hukuman. Naka-upo siya at inaalala ang mga sinabi kanina ni Kristina bago sila pumasok sa silid na iyon. Wala pa ang punong hukom at tanging mga hukom lang at mag-aaral nito ang nasa paligid. May dalawang hukom na naka-upo sa magkabilang panig.

"Komportable ka na ba sa iyong posisyon?" biglang tanong ni Carlos na ngayon ay nakatayo sa gilid niya dahilan upang mapalingon siya dito. Maliwanag ang buong silid na pagdarausan ng paglilitis kung kaya't malinaw na nakikita niya ang mga ngiti ngayon ni Carlos.

"Mabuti naman, s-salamat Ginoo" iyon na lang ang sinabi ni Marcela sabay baling muli sa unahan ng silid. Napansin naman ng Carlos ang malalim na pagbuntong hininga nito.

"Sa ikatlong pagkakataon, nasaksihan kong muli ang iyong tulirong mga mata" wika ni Carlos. "Maaari mo naman akong sabihan kung ano iyon, handa akong makinig" dagdag pa niya.

Dahan dahan na napatingin sa kaniya si Marcela at muling nagbuntong-hininga. Tumango siya bilang tugon. "Binabagabag pa rin ako ng mga salitang binitawan ni Kristina kanina" panimula nito sabay tingin sa kay Kristina na ngayon ay tahimik na nakatulala lang sa kawalan, animo'y nilulubayan na ng pag-asang mabuhay.

"Hindi ko na alam kung ano ang dapat paniwalaan" dagdag pa ni Marcela sabay yuko upang laruin ang kaniyang mga daliri. Nakatingin lang sa kaniya si Carlos.

"Kagabi, nahuli si Kriselda sapagkat tinangka niyang manloob sa aming tahanan" wika naman ni Carlos na parang hindi pinansin ang mga sinabi ni Marcela. Ngunit sa kabilang banda, nais niyang maliwanagan sa mga bagay-bagay ang dalaga.

"Muntik ka nang mapaslang ni Mang Baldo at nilooban pa ni Kristina ang aming tahanan dahilan ng labis na galit ni Ama,"

"Ngayon, mapapakinggan mo ang ipinaglalaban ng dalawang panig,"

"Sana'y piliin mo ang tama, at pagnilayan ang mga bagay na sa tingin mo'y magpapatunay kung sino ang nagkasala"

Natigilan si Marcela, tama ang mga sinabi ni Carlos. Tamang pakinggan ang dalawang panig upang maayos ang gusot na nagdudulot ng pagkalito. Alamin kung sino ang tama at kung sino ang nagsasabi ng mali. Dapat na maging pantay ang hustisya para sa lahat.

Napa-upo si Carlos sa tabi niya. Napatingin siya rito dahil sa gulat. Nang ngumiti sa kaniya si Carlos at tumugon ng tingin ay agad siyang umiwas. Umagwat na lang siya ng kaunti upang matakasan ang pagkailang ngunit nais niyang dam'hin ang presensya ng binata.

"Ngayong naguguluhan ka nais kong naandito ako upang magbigay ng liwanag,"

"Nais kong nasa tabi mo upang samahan ka sa bawat hakbang na magpapabago ng hinaharap,"

"Ako'y magiging karamay mo sa lahat ng oras."

Sandaling napatulala si Marcela. Ang mga salitang iyon ni Carlos ay tila nagdudulot sa kaniya ng kakaibang pakiramdam. Naliwanagan ang kaniyang isipan ngunit ang kaniyang puso ay mas lalong naguguluhan kung tunay nga bang ipagpatuloy pa ang kaniyang pagtingin sa ginoong kaharap.



TUMAHIMIK na ang buong silid. Wala na ang bulungan ng ilang mga panauhin na magiging saksi sa paglilitis. Napalingon si Marcela sa punong hukom na magpapataw sa karampatang parusa. Umupo ito sa gitna ng entablado. Naka-upo siya sa ikalawang helera ng upuan kasama si Carlos at ng ilang mga Alta.

Napabaling siya sa paligid at nakita niya sa ika-apat na helera ang pamilya Placida; si  Alkalde Dencio ang kaniyang asawa na hindi pamilyar sa kaniya na sinundan naman ni Lila.

Sa unang helera naman ang pamilya ni Carlos, ang nga Clemente; si Gobernador Arkimedez. Katabi nito ang kanilang abogado na si Hukom Filimon Billando na sinundan naman ni Vicente na kanina pa sumusulyap sa kanila kung kaya't lalo siyang nailang.

Diferente Caras de Amorحيث تعيش القصص. اكتشف الآن