Capitulo Siete

85 13 1
                                    

Chapter 7

NATAPOS nang isuot ni Marina ang payneta na regalo pa ng kaniyang ama nitong nakaraang kaarawan niya nitong Hunyo. Mula pa ito sa Inglatera(England) sapagkat napagawi roon ang kaniyang ama noong Mayo. Kulay ginto ito na pinalamutian ng mga pulang bato na hugis rosas. Bagay na paborito niyang disenyo at kulay.

Nakangiti siyang lumabas sa kaniyang malawak na silid suot ang pulang baro at itim na saya. Nais niya ang kulay noon at mukhang eleganteng tignan. Nababagay sa kaniyang abaniko na kulay pula rin.

Hindi mapawi ang kaniyang mga ngiti habang binabagtas ang kanilang ginto at pulang hagdan. Ang dahilan noon ay ang ideyang siya ang napupusuan ni Heneral Carlos na natagpuan nito sa kanilang tahanan. Halos dalawang linggo na itong sumasagi sa kaniyang isipan.

"Anak, saan ka papanaog? Mukhang bihis na bihis ka?" puna ni Donya Josefa nang masilayan ang kaniyang anak na bumababa sa hagdan. Kasalukuyan siyang nagmamando sa kanilang mga kasambahay na naglilinis ng kanilang tahanan. Tinuturuan niya rin ang baguhang serbidora na pumalit kay Kristina nang masibak ito sa trabaho.

Wala ang kanilang Mayor doma at kasama ito ng kaniyang asawa upang maipalinis ang kaniyang opisina sa Hospital y Clinica en Monte Calisto na kanilang pagmamay-ari.

"Ako po'y mamimili lamang ng mga sangkap na aking lulutuin para sa hapunan" ngiti ni Marina. Bukod doo'y umaasa rin siya na masalubong si Carlos kung kaya't bihis na bihis siya.

"Iyon lamang ba ang iyong isasadya?" usisa ni Donya Josefa na ngayon ay nahihiwagaan sa mga ngiti ng kaniyang anak. Hindi niya maiwasang isipin na ito'y nahihibang na.

"Iyon lang po, nais ko lang po sanang handugan si ama ng masarap na putaheng luto ko" wika ni Marina. Bukod doo'y nais niya ring makumbinsi ang ama na siya rin ay mapagkasundong ikasal sa isang Claemente, kay Carlos.

Tumango na lang si Donya Josefa at kunot-noong kinilatis ang anak. Bago para sa kaniya ang mga ngiting iyon. Kadalasan tahimik ito at hilig lang manatili sa kanilang silid-aklatan upang magbasa. Isa ring hiwaga sa kaniya ang biglaang paglabas nito sa kanilang Mansion.

"Aking kakausapin ang kutsero anak, s-siguradong sasaya ang iyong ama" ngiti ni Donya Josefa, nagdadalawang isip siyang hawakan ang anak sa takot na magbago ang kaanyuan nito at maging isang halimaw. Natawa naman si Marina sa kaniya.

"Ina, wala pong masamang espirito ang sumapi sa akin, masaya lang po talagang makisalamuha sa iba" natatawang singit na wika ni Marina. Wala na siyang nagawa, iyon talaga ang iniisip ng kaniyang ina.

"Akin pong kakausapin muna si Lydia upang ako po'y samahan" dagdag ni Marina sabay tawag kay Lydia. Tumango na lang si Donya Josefa at nakahinga ng maluwag. Hindi niya akalain na mahuhulaan ng kaniyang anak ang tumatakbo sa isipan niya, kung kaya't lalo siyang humanga sa taglay na katalinuhan ng anak.

"Lydia, iyong dal'hin ang bakol(malaking basket). Tayo'y mamimili sa palengke"


HALOS walang kurap na tumitig si Carlos sa nakaka-akit na mga mata ni Marcela. Ang pilantik ng mga pilik mata at ang tyokolateng kulay nito ay nakakadagdag sa nakakahalina nitong mga titig.

Walang nais na lumayo at umiwas sa pagkakalapit nilang iyon. Tila huminto ang oras at animo'y hinahayaan sila nitong sulitin ang sandaling iyon.

"Susmaryosep, mapusok ang ating Heneral"

Narinig nilang wika ng isang dalaga na dumaan malapit sa kinaroroonan nila. Natauhan silang dalawa at agad na napa-iktad. Kumalas na si Carlos mula sa pagkakahawak sa likod ni Marcela. Umayos sila ng tayo at napayuko tulad nang ginawa nila noong nakaraang araw mula nang yakapin ni Carlos ang lumuluhang si Marcela.

Diferente Caras de AmorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon