Capitulo Diecisiete

69 7 8
                                    

Chapter 17

NAKA NGITI, tila lumulutang sa ere ang kaniyang diwa ngayong gabi. Hindi batid ni Marcela kung ano ang mga sumunod na mga nangyari. Hindi niya rin namalayan na wala nang dumi ang hapag kainan na kanina niya pang pinupunasan mula sa iisang parte lang ng lamesa. Napansin iyon ni Lydia kaya hindi niya mapigilang matawa sa itsura ni Marcela na ngayon ay tila nagpapantasya.

"Marcela, ayos ka lamang ba? Wala nang dumi ang iyong pinupunasan, tila mauupod pa sa iyong ginagawa" natatawang puna ni Lydia matapos niyang magpunas ng kamay sa pulang saya. Kakatapos niya lamang sa paghuhugas ng plato.

Bumalik sa ulirat si Marcela. Napatingin siya sa ginagawa kung kaya't nagulat siya sapagkat tama ang nga sinabi ni Lydia. Sobrang linis na nito at tama na ang kintab ng lamesang gawa sa matibay na kahoy. Lumipat siya ng ibang bahagi ng lamesa na maruming ginamit kanina para sa hapunan.

"P-paumanhin po, Ate Lydia. Hindi ko napansin" wika ni Marcela sabay punas ng lamesa. Hindi siya makatingin kay Lydia sapagkat nararamdaman niyang namumula na ang kaniyang pisngi sa hiya. Napa-ngiti muli siya sa sarili.

"Pakiramdam ko'y mayroong ginoo na nagpapapula ngayon ng iyong pisngi" wika ni Lydia nang malapitan hapag ng mga Dela Cruz kung nasaan ang kausap. Hindi alam ni Marcela ang gagawin, magkukubli ba siya sa telang pamunas ng lamesa sa kaniyang mukha o tatalikod upang maitago ang kaniyang pamumula.

"Wala po, m-marahil dala lamang po ito ng pagod" dahilan ni Marcela. Pilit pa rin siyang umiiwas sa mapanuring mga mata ni Lydia na ngayon ay nararamdaman niyang ngumingisi habang pinagmamasdan siya.

"Nanligaw na ba ang aking kapatid?"

Sa hindi malamang dahilan ay natigilan si Marcela. Nawala ang kaniyang mga saya at napalitan ng kung anong hindi malaman na emosyon. Sa wakas ay nagawa na niyang titigan si Lydia. Hindi man nito tinutukoy kung sino iyon ngunit alam niyang ito nga ang tinutukoy ng nakatatandang dalaga na kaharap niya ngayon.

"H-hindi po" tugon ni Marcela. Nasaksihan naman niya ang pag-iiba ng reaksyon ni Lydia. Ang kaninang ngisi sa labi ay napalitan ng pagkadismaya.

"G-ganoon ba? Marahil ay pagod ka nga lang" malumanay na tugon ni Lydia. Hindi niya mapigilang madismaya sa ideyang iyon. Ngunit hindi siya nawawalan ng pag-asa na baka sakali, maging sila nito ni Anton. Para sa kaniya, boto siya kay Marcela para kay Anton.

Natigilan si Lydia sapagkat hindi niya muna pala dapat ipaalam kay Marcela ang tinatagong pagtingin ng kapatid niya rito kung kaya't nang lumihis ang mga tingin ni Marcela ay nagsalita muli siya, "H-hindi iyon ang ibig kong iparating. Hindi ko ibig na ipagpilitang may gusto ang aking---"

"Sinubukan niya pong manligaw, Ate Lydia. Ngunit tinanggihan ko po iyon. Hindi ko po ibig siyang saktan, ngunit sadyang wala po akong pagtingin kay Ginoong Anton" diretsong wika ni Marcela kung kaya't lalong natigilan si Lydia. Hindi niya alam kung ano ang dapat na maging reaksyon. Kung madidismaya pa siya lalo o malulungkot para sa kapatid.

"Patawad po, Ate Lydia. Magkaibigan po kami ni Ginoong Anton at hindi ko po ikakailang mabuti siyang tao ngunit talaga pong kaibigan lang ang turing ko sa kaniya." dahilan ni Marcela habang nagpupunas ng hapag-kainan. Hindi niya namalayan na tapos na pala siya sa gawain.

"Ayos lang iyon, Marcela. Ginagalang ko ang iyong nararamdaman" ngiti ni Lydia kahit na hindi sa kaniya nakatingin si Marcela. Batid naman niyang nanliliit ito sa kaniyang sarili sapagkat ang lahat ng pagpapantasya at paghahangad ni Anton kay Marcela ay tila nawalan ng saysay.

Magsasalita pa sana si Marcela upang magpaumanhin muli nang nagsalita ang Mayor Doma mula sa likuran nila. "Lydia, dal'han mo ng pagkain si Señorita Criselda. Kanina pa siya hindi lumalabas sa kaniyang silid" utos ni Manang Cosing na agad namang tinanguan ni Lydia. Tumungo ito sa kusina habang naka yuko.

Diferente Caras de AmorМесто, где живут истории. Откройте их для себя