Capitulo Veinticuatro

47 6 2
                                    

Chapter 24

NAPALINGON ang kaawa-awang si Marcela sa bulwagan ng hukuman. Gulat siyang napatitig sa babaeng naka-suot ng itim na belo, puting baro at itim ring saya. Naka-upo ito sa tabi ng Huwes.

"Siya po, siya ang babaeng nagnakaw ng aking mga alahas!"

Tila tumigil ang mundo ni Marcela sa mga narinig. Ang pang-aakusang natanggap niya mula sa iba ay nakasanayan na niyang mapakinggan. Ngunit ang mapang-akusang mga salita mula sa kaniyang kaibigan na tinuring na niyang kapatid ang pinakamasakit sa lahat.

Ang pagturo ng mga daliri ni Criselda sa kaniya ay tila isang malaking punyal na tumarak diretso sa kaniyang nadudurog na puso. Hindi niya inaakala na ang taong lubos niyang minahal, prinotektahan at pinasaya buong buhay niya ang magdudulot ng kaniyang pagbagsak.

Marahas na pinaupo ng mga guardia silib ang pamilya Miraflor sa kabilang panig ng upuan kung saan iyon ay walang naka-upo kahit ni isang tao. Sumisimbulo na walang naniniwala sa kanila kahit isa.

Naputol ang titigan nina Marcela at Criselda dahil doon. Wala sa sariling yumuko si Marcela. Si Mang Mario at Juancio ay bahagyang namilipit dahil sa sakit ng katawan. Si Aling Ofelia ay hindi pa rin makapaniwala sa ginawang panduduro ng babaeng kilala niyang matalik na kaibigan ng kaniyang anak mula pagkabata.

"H-hindi iyan totoo, Señorita. Kilala mo ang aking anak!" pagtatanggol ni Aling Ofelia habang nakatingin ng matigas kay Criselda. Hindi niya maiwasang mamuhi dito. Idagdag pa ang kanilang panig na walang hukom na inaasahan nilang magtatanggol sa kanila upang patunayan na wala silang kasalanan. Tanging mga sarili nilang paniniwala ang kanilang panlaban.

Sa kabilang panig naman, doon naka-upo ang mga taong magdidiin sa pamilya Miraflor sa kasalanan. Si Gobernador Arkimedez at ang nag-aalalang si Vicente ay naka-upo sa bandang likuran, kapwa sila may suot na pormal na kasuotan.

Nasa unahan naman si Alcalde Dencio at ang punong taga-pangasiwa ng buwis. Sa ikalawang upuan ay si Doktor Cristobal na nakatitig lang sa gagawin ng kaniyang anak. Naroroon din si Doktor Leonilo at si Cabezang Rogel.

Ang nagsilbing manananggol ng kabilang panig ay si Hukom Filimon. Para kay Marcela, tila naulit ang mga pangyayari noon kung saan sila naman ang inaakusahan. Ngayon, kaniyang naranasan ang marumi at hindi pantay na pamamalakad ng hukuman.

"Totoo ang aking sinasabi. Si Marcela ang nagnakaw ng aking mga alahas." walang buhay na saad ni Criselda sabay lapag ng isang tampipi sa harapan niya na may lamesa. "Nakita ko sa kaniyang gamit ang aking mga nawawalang alahas. Narito ang patunay!"

Napatunghay si Marcela nang sabihin iyon ng kaniyang kaibigan. Magkahalong lungkot at pagkadismaya ang kaniyang mga mata. Nakita niya ang mga alahas na ibinigay sa kaniya noon ni Criselda. Natatandaan niyang ibinalik niya ito sa kaibigan.

"W-Walang katotohanan iyan! Pawang kasinungalingan ang kaniyang sinasabi, Punong Hukom!" pagdipensa ni Aling Ofelia sa sinasabi ni Criselda. Hindi niya mapigilan ang sarili. Sa huli, naluluhang niyakap niya ang kaniyang tulalang anak. Nakatingin lang ito kay Criselda na tila nasa kawalan na.

"Itinuring kitang kaibigan, Señorita..." iyon lamang ang sinabi ni Marcela. Nanlalambot ang kaniyang buong sistema. Bumibigat ang kaniyang kalooban. Sinapit na nilang pamilya ang lahat ng pagdurusa't paghihirap. Ngayon, ang kaniyang sarili naman ang nalulunod sa sakit at kawalan ng pag-asa.

Naluluhang tinitigan ni Criselda si Marcela. Umiwas siya ng tingin nang mapagawi ang kaniyang mata sa nakatitig na ama. "H-hindi kita kaibigan, isa ka lamang hamak na Serbidora." pagkakaila nito na tila ikinaila niya lahat ng alaala at pagsasama nila ni Marcela.

Lalong nadurog si Marcela. Ibig niyang ipagtanggol ang sarili ngunit tila wala siyang lakas upang kalabanin ang minamahal na kaibigan. Hati ang kaniyang desisyon, ang pagmukhaing masama ang kaniyang sarili o sabihing isang malaking sinungaling si Criselda.

Diferente Caras de AmorDonde viven las historias. Descúbrelo ahora