Capitulo Diecisèis

63 12 3
                                    

Chapter 16

TAKIP-SILIM, ilang oras bago ganapin ang pagtitipon. Kasalukuyang bumababa ng kalesa si Carlos, galing ito sa tanggapan ng Opisyal. Nagmamadali siya at pinipilit ang sarili na matugunan ang tamang oras na naka sulat sa rolyo ng liham na hawak niya ngayon. Dapat sa ganap na alas seis ng gabi ay naroroon na siya sa kabundukan kung saan nandoon ang mga bagong hukbong sandatahan ng Monte Calisto.

Pagpasok niya sa kanilang mansion ay bumungad sa kaniya ang mga serbidora. "Kamusta si Ina?" tanong nito sa kanila. Sumulyap pa siya sa ikalawang palapag ng mansion at nakita niya si Vicente na kakalabas lamang ng kaniyang silid. Naka suot ito ng kamiso at may salamin sa mata habang hawak-hawak ang isang libro.

"Ayos na siya Kuya Carlos, humuhupa na ang kaniyang lagnat. Marahil ay napagod siya kanina sapagkat namasyal sila ni Maricela. Maging ang munting binibini ay mahimbing din ang pagtulog katabi ni Ina" si Vicente na ang sumagot ng katanungang iyon.

Tumango na lamang si Carlos at nagmamadaling pumasok sa kaniyang opisina. Puno man ng pag-aalala sa ina, mas pinili niyang tugunan ang tungkulin sapagkat ngayon ay batid na niyang nasa maayos na kalagayan ang kaniyang pinakamamahal na ina.

Kunot noong bumaba si Vicente mula sa ikalawang palapag ng kanilang mansion. Hindi niya mahinuha kung ano ang dahilan ng pagmamadali ngayon ni Carlos. Pumasok siya sa opisina nitong naka awang pa ang pinto at naabutan niya ito na kumukuha ng isang espada na maganda ang pagkakayari mula sa aparador ng mga armas nito.

"May nalalapit bang pagsasanay sa mga guardia sibil? May mga rebelde ba?" puno ng katanungan ngayon si Vicente. Ngayon niya lamang muling nakita ang paghahanda ni Carlos sa kaniyang mga armas. Ang huli nitong paggalaw sa mga ito ay noong may nagtangkang manghimasok sa kabilang bayan na mga tulisan na inakalang mga rebelde.

"Nakasaad sa rolyong iyon na kinumpirma ng Gobernador-Heneral ang pagpapadala ng mga karagdagang guardia sibil sa ating bayan. Nakasulat rin diyan sa liham na may nalalapit daw na pag-aalsa na mangyayari rito. Sinabing may nagdulog ng sumbong na iyon." nagugulumihanang tugon ni Carlos. Ilang segundo pa siyang natulala sa rolyo bago bumalik sa ginagawa.

"Pag-aalsa? Paanong nangyari iyon gayong mapayapa pa rin ang ating bayan? Sino naman kaya ang taong nagdulog ng ganoong sumbong?" nagtataka ring wika ni Vicente saka inayos muli ang kaniyang salamin. Lumapit siya sa lamesa ng kaniyang kuya at doon nilapag ang bitbit na libro. Napatingin pa siya sa mga papeles na nagkalat sa lamesa.

"Naniniwala ka ba sa kasabihan na ang mapayapang karagatan ay mapanganib sapagkat ito'y walang kasiguraduhan ang nilalaman?" batong tanong rin ni Carlos kay Vicente. Bahagyang napa-isip naman ito ngunit kinalaunan ay tumango.

"Hindi ko rin kilala ang taong nagbigay ng ganoong sumbong. Kung sino man siya, marapat na tayo ay magpasalamat sapagkat mapipigilan pa natin ang nalalapit na digmaang maraming buhay ang sisingilin."

Hindi na naka-imik pa si Vicente. May punto naman ang nakatatanda niyang kapatid kung kaya't pinilit niyang umayon. Nakita niyang kinuha ni Carlos ang isang rebolber sa tukador ng lamesa nito. Sanay naman siyang makita na may hawak na baril ito sapagkat isa naman itong heneral.

Sa ilang minutong pananahimik ay muling nagsalita si Vicente, "Hindi ka ba dadalo sa pagtitipon? Paano kung magalit sa iyo si Ama sapagkat hindi mo sinipot si Binibining Marina sa gaganaping iyon?" wika niya habang pinapanood ang kaniyang kuya na kasalukuyang pinupunasan ang baril.

"Naihabilin ko na kay Manang Cosing na hindi ako makakadalo. Maiintindihan niya naman ito," wika niya sabay lagay ng baril sa lagayan nito na may sinuturon. Tinali niya ito sa kaniyang beywang at mabuting inayos. Naisip niya muli si Marina at ang mga tagpong nagbibigay sa kaniya ng pagtataka.

Diferente Caras de AmorWhere stories live. Discover now