Capitulo Cuatro

122 20 3
                                    

Chapter 4

"NATUPAD na ang iyong hiling, at ngayon nais kong bumawi sa iyo" narinig ni Marcela na wika nito na kaniyang ikinagulat kung kaya't siya ay lumingon dito dahil nakikilala niya ang boses na iyon.

Gulat na napatingin ang dalaga sa binatang kaharap niya ngayon. Inilahad ni Anton ang kaniyang palad sa harap ni Marcela. Napakamot pa siya sa kaniyang batok gamit ang kabila niyang kamay. Mapapansin ang pamumula ng kaniyang pisngi sapagkat naroon pa rin ang kaniyang hiya.

"Oh, ginoong Anton. Ikaw ba'y may nais sabihin?" tanong ni Marcela. Nakasanayan na niyang laging may impormasyong sinasabi ito hinggil sa pamilihan sa palengke o hindi kaya sa kalagayan ng sinasaka ng kaniyang ama na si Mang Mario.

"M-maayos naman ang lahat. B-batid kong napakalayo ng iyong nilakad kung kaya't nais kong isakay na kita sa kariton" nahihiyang wika ni Anton at pilit na umiiwas sa tingin ni Marcela. Sandaling napatitig lang sa kaniya ang dalaga, bagay na lalong nakakadagdag sa kaniyang hiya.

"Talaga? Ako'y nahihiya baka ika'y may iba pang sasadyain" wika ni Marcela sabay tayo sa kinauupuan.

"W-wala naman a-akong nais puntahan, sa katunayan niyan ako'y papa-uwi na rin kung kaya't mas mainam na sa a-akin na ikaw sumabay" wika ni Anton. Binigyan niya ng diin ang salitang 'akin' upang ipahiwatig ang kaniyang lihim na pagsinta sa dalaga, ngunit tila ito'y hindi makaramdam.

"Maraming salamat ginoo, tatanawin ko itong utang na loob" ngiti ni Marcela sabay yuko upang magpaabot ng pasasalamat. Sa hindi malamang dahilan ay muling kumabog ang puso ni Anton at animo'y mahuhulog sa tuwing nginingitian siya ng dalaga.



KASALUKUYAN nilang binabagtas ang kalsada sa Barrio Calla, malakas pa rin ang hangin at madilim na ang kaulapan. Nakasakay si Anton sa kalabaw habang si Marcela naman ay naka-upo sa kariton na hila-hila nito. Nakatingala lang ang dalaga sa itaas at nakakaramdam ng lungkot, animo'y nakikiramay siya sa malungkot na kalangitan.

Nagbabadya na ang ulan kung kaya't binibilisan na ni Anton ang pagtakbo ngunit siya ay nagdadahan-dahan sapagkat para hindi magambala si Marcela sa pagmumuni-muni.

Maka-ilang sulyap pa siya dito at napapansin niya ang kagandahang taglay ni Marcela. Mula sa medyo kulot na tyokolateng buhok, matangos na ilong, mapipilantik na pilik mata, at maputing balat.

Napalunok pa siya nang mapagmasdan ang mapulang labi ni Marcela kung kaya't ibinaling niyang muli ang tingin sa dinaraanan nila.

"Kaybait ng inyong kalabaw, naalala ko si Tikas" biglang wika ni Marcela, muntik pang mawalan sa balanse si Anton dahil sa hindi niya inaasahang pagsasalita ng dalaga. Buong buhay niya siya ang laging nagbubukas ng usapan nila at ngayon isang hiwaga ang nangyayari para sa kaniya.

Tinapik niya muna ng ilang ulit ang kaniyang pisngi at umiling-iling sabay lumingon kay Marcela. Ipinikit niya ng dalawang ulit ang kaniyang mga mata kung iyon ba ay isang panaginip.

"A-anong mayroon? Bakit tila ika'y hindi mapakali?" nagtatakang wika ni Marcela habang nakatitig rin kay Anton dahilan para matigilan ito at pumaling muli ng tingin sa daan upang maka-iwas sa mga titig ng dalaga.

"W-wala, ako'y naalimpungatan lamang sapagkat i-inaantok. Ihihimbing ko na lang ito m-mamaya" nauutal na wika ni Anton. Mahangin naman ngunit may iilang butil ng pawis sa kaniyang noo. Pinunasan niya ito gamit ang kulay-abo(gray)  na kamiso na may mahabang manggas.

"Siguro'y nagpapakapagod kayo ni Ruben roon sa sakahan, marapat na kayo muna ay magpahinga," wika naman ni Marcela dahilan upang manlaki ang mga mata ni Anton. Namumula na ang pisngi niya at hindi niya sukat akalain na may pag-aalala si Marcela hindi lang para sa kaniya kundi para rin sa kapatid niya.

Diferente Caras de AmorWhere stories live. Discover now