Capitulo Veintinueve

38 6 0
                                    

Chapter 29

"M-MANANG Sidang m-manganganak na ata ako" teorya ng donya at hindi nga siya nagkamali. Pumutok na ang kaniyang panubigan kung kaya't mas nakaramdam siya ng kirot.

"Ika'y mahiga muna, pakukuhanin ko ang iyong asawa ng maligamgam na tubig at bimpo" natatarantang habilin ni Manang Sidang at agad na lumabas ng silid ng Donya.

Mabilis siyang nakababa sa ikalawang palapag ng mansion ng mga Calisto. Habang bumababa siya sa kulay tyokolateng hagdan ay naabutan niya si Gobernador Flabio na nakaupo sa salas. Bakas sa mukha ang pag-aalala nito sapagkat maselan magbuntis ang kaniyang asawa na si Donya Maria Clara.

"K-kamusta ang aking asawa, Manang?" biglaang saad ni Gobernador Flabio saka tumayo nang maulinigan ang pagmamadali ng Mayor Doma nila. Matikas ang kaniyang tindig at pangangatawan. Ang maaliwalas at tila perpektong itsura nito ay siyang namana ni Franco. Ang bawat detalye ng panga, matangos na ilong, mapula't manipis na labi, makapal na kilay at kulay tyokolateng nangungusap na mga mata ay sadyang kaibig-ibig.

"Magmadali ka, Flabio. Kuhanan mo siya ng maligamgam na tubig. Kukuha lamang ako ng ilang bimpo sa aparador sa kusina." wika ni Manang Sidang at bakas sa tono nito na manganganak na ang donya kahit hindi na niya sagutin pa ang katanungan ng alaga.

Wala ang mga serbidora at ilang tauhan ng Gobernador sapagkat pinayagan niya na umuwi muna ang mga ito sa nalalapit na bagyong tatama sa kanilang bayan. Walang nagawa ang padre de pamilya kundi ang sumunod sa kabila ng pag-aalala rin nito kina Marina at Franco na hanggang ngayon ay wala pa.

Tila kay bilis ng panyayari. Sa loob ng halos kalahating oras ay nailuwal ng matagumpay ni Donya Maria Clara ang kaniyang bunsong anak. Nasa labas lamang ang asawa nito na nakikinig sa kabila ng pinto ng kaniyang paghiyaw upang mailabas sa kaniyang sinapupunan ang supling nila.

"Munting binibini ang inyong supling!" nagagalak na wika ni Manang Sidang habang ibinabalot sa puting bimpo ang bagong silang na sanggol. Nanghihina man ngunit pinilit na ngumiti ni Donya Maria Clara at nakiusap na mahawakan niya ang sanggol kahit na may bahid pa ito ng ilang dugo sa katawan.

Nang marinig ni Gobernador Flabio ang anunsyong iyon ng matanda ay agaran siyang pumasok sa silid. Umupo siya sa tabi ng nakahigang asawa. Wala na siyang pakialam kung pagsabihan siya ng manang dahil ito ay konserbatibo sa maraming bagay. Sanay na siyang pagsabihan nito at bukod doo'y nagagalak siyang masilayan ang bago nilang supling.

"Ikaw talaga Flabio, may pinagmanahan sa katigasan ng ulo si Franco. Aking nakikita sa kaniya ang iyong kabataan." natatawang wika ni Manang Sidang habang minamasdan ang mag-asawang Calisto na nakatuon lamang sa sanggol na umiiyak at humihingi ng gatas ng ina. Natatawa rin ang mga ito sa tinuran ng matandang babae na saydang kay tunay.

"Hayaan niyo na Manang. Minsan lamang ako sumuway sa inyo." biro ni Gobernador Flabio habang natatawa saka muling tinitigan ang bagong sanggol na dumating sa kanilang buhay. Nasaksihan din niyang pinapasuso na ni Donya Maria Clara ang sanggol dahilan upang manahimik ito sa kakaiyak.

"Aking natitiyak na sa akin naman nagmana ang munting anghel na ito" biro ni Donya Maria Clara kahit na nanghihina pa siya saka tinitigan ang babaeng sanggol. Natawa silang lahat sa tinuran nito sapagkat mapayapa nang nahihimbing ang sanggol kahit na napupuno pa ito ng ilang dugo sa katawan.

"Bueno, anong ibig niyong ipangalan sa kaniya? Pagtapos nitong bagyo ay marapat niyo siyang iparehistro. Naturingan pa namang Gobernador ang aking alaga." sarkastikong tawa ni Manang Sidang na pulos biro ngunit may katotohanan. Marapat na mapangalanan ang sanggol at mabigyan ng certifico sa pagkakakilanlan.

Diferente Caras de AmorWhere stories live. Discover now