Capitulo Veintisiete

51 6 0
                                    

Chapter 27

"P*NYETA!"

Namumutawi ang sigaw ni Gobernador Arkimedez sa kaniyang tanggapan sa loob ng buong mansion. Ang mga tao sa unang palapag ay natatahimik sa biglaang pagsigaw nito. Kabilang na si Donya Feliza kasalukuyang naghahanda ng pananghalian. Nagbabalot na rin siya ng ilang prutas para kay Maricela na dadalhin niya mamaya papunta sa beateryo.

Wala ang kaniyang Ama na si Doktor Leonilo, nagtungo ito sa Maynila upang intindihin ang pagamutan roon na matagal na niyang hindi nabibisita.

Nagpatong-patong na ang isipin ng Gobernador. Ngayon na lamang rin niya napagtanto na halos isang buwan nang ipinapaayos ang Mansion ng mga Calisto na inaakala niyang matagal nang nilimot ng lahat. Idagdag pa ang mga misteryosong pangalan na bumili ng boleto sa daungan na malayang nakakalabas-masok sa kanilang bayan. Nasa lamesa niya ang talaan ng mga ito mula sa tagapamahala ng barko.

"Paumanhin, Gobernador ngunit---" natigilan sa pagsasalita ang bagong Kolonel nang magsalita muli ito.

"Paumanhin? Isang buwan na kayong naghahanap ngunit heto kayo sa aking harapan, mga inutil!" sigaw niya. Iritableng tinitigan ni Gobernador Arkimedez ang bagong Kolonel. "Hanapin niyo ang aking mga anak at ang mga nawawala! Inyo ring alamin sa mga karatig bayan kung saan naglulungga ang grupong tumutiligsa sa'kin. Naiintindihan mo ba, Facundo?!"

Tumango ang Kolonel. "Makaaasa po kayo." tinitigan ni Facundo ang kaniyang mga guardia sibil. Tumango ito sa kaniya, senyales na kailangana nilang sabihin ang mga impormasyon na nalalaman. "Kagalang-galang na Gobernador. Aking nabatid mula sa aking hukbo na namataan raw nila ang inyong anak na si Carlos mismo sa Hacienda ng dating Kolonel na si Lorenzo."

Napaisip si Gobernador Arkimedez sa sinabing iyon ni Kolonel Facundo. Napakalma siya dahil doon. "Nakatitiyak ba kayo?" tanong niya. Nagtataka siya sa pag-alis sa puwesto noon ni Kolonel Lorenzo bilang Kolonel ng kanilang bayan. Ngunit ngayon ay naging malinaw na sa kaniya ang lahat, umiiwas ito sa posibilidad na matunton niya sa tahanan ng dating Kolonel ang kaniyang hinahanap.

Tumango si Kolonel Facundo Javier bilang tugon. Ang bagong Kolonel ang dating tinaggal noon ni Carlos sa puwesto. Ibinalik siya ni Gobernador Arkimedez sa kadahilanang tapat ito sa kaniya. Siya na rin ang bagong alperes ng pumanaw na alperes noong nakaraang buwan. At ang mga taong naka-itim na salakot ang mga bagong hukbong sinanay noon ni Carlos na ang Gobernadorcillo mismo ang nagpadala.

"Ipadala mo sa San Roque ang aking mga tauhan na hindi pa nabibilang sa hukbo bukas ng umaga. Pangunahan mo ang pagdakip kay Carlos at sa iba pa."





PULOS mga hagulhol ng pagluluksa ang lumalaganap sa ilang kabahayan sa isang liblib na barrio. Naroroon si Marina, naglalakad habang may bitbit na iilang gulay at prutas na pagsasaluhan nila para sa hapunan mamaya. Nakalagay ito sa bakol habang siya ay nakasuot ng luma na kulay pulang baro't saya. Malayo sa dati niyang kasuotan araw-araw.

Isang buwan na siyang nagluluksa sa pagkamatay ni Criselda. Hindi man lang siya naka-hingi ng tawad sa dating kapatid noong hindi pa huli ang lahat. Labis siyang nagpapasalamat sa ginawang pagtakas nito sa kaniya noon kaakibat ni Manang Cosing at ang espiya.

Napatulala si Marina sa kalangitan. Naalala niyang ginagawa ito noon ni Carlos na kinalaunan ay napagtanto niyang iyon ang paboritong gawin ni Marcela. Hindi niya maikakailang kahit papaano ay napupunan ng kaginhawaan ng asul na kalangitan ang bigat ng kalooban, pagsisisi at paghihinagpis.

Pinunasan ng dalaga ang kaniyang luhang malapit nang kumawala sa kaniyang mga mata. Nang matapos iyon ay nakita niyang palarating si Mang Emetrio sa kinaroroonan niya. Yumukod ito sa kaniya bilang paggalang at pagkilala.

Diferente Caras de AmorWhere stories live. Discover now