Capitulo Treinta y Uno

30 4 0
                                    

Chapter 31

TAHIMIK na bumaba si Marcela sa magarbong karwahe kasunod si Marina at Juancio. Sa ikalawang karwahe naman ay nakita niyang bumaba na rin si Franco kasama si Mang Emetrio na kutsero ng karwahe, sina Don Rogelio at Hukom Lino na kanina ay dinaanan nila sa bahay panuluyan upang makasabay. Napatingala si Marcela sa malaking istraktura ng hukuman. Ito ang ikatatlong pagparoon niya.

"Ayos ka lamang ba, Bunso?" biglaang tanong ni Juancio nang makababa. Nilingon niya si Marcela na natulala sa kawalan. Tumango na lamang ang dalaga bilang tugon. Naramdaman niyang hinimas naman ni Marina ang kaniyang likuran upang ipahiwatig na magiging maayos ang lahat.

Ilang sandali pa'y may mga kalesa na tumigil rin sa harap ng hukuman. Dahil doon ay bahagyang nagsanhi ito ng alikabok sa mga nagtitinda sa tabing kalsada sa harap ng hukuman.

Nakita niyang bumaba roon sina Donya Selia at ang anak nitong si Lila na tulala lang rin sa kawalan. Sa isip ni Marcela ay marahil labis ito sa pag-iisip sa kinahantungan sa kaniyang ama. Hindi niya mapigilang maawa sa ideyang ang ina ni Lila ay ikakasal muli sa kaniyang kuya Franco.

Sunod noon ay bumaba rin sa kalesang may mga guardia sibil sina Donya Feliza at Maricela na parehong naluluha sa ideyang mauuwi sa masaklap na katapusan ang kanilang pamilya. Sa kabilang kalesa naman naroroon ang pamilya ni Hukom Filimon na nagluluksa rin sa maaring kahahantungan ng paglilitis.

"Marcela!" sigaw ni Donya Feliza saka mabilis na tumakbo sa kinaroroonan ni Marcela. Humabol sa kaniya ang ilang guardia sibil nang sa gayon ay hindi ito mawaglit sa kanilang paghihigpit. Nakita nilang yumakap ang donya kay Marcela na kilala nilang mula sa maimpluwensyang pamilya.

"Paki-usap. Pakawalan niyo na ang aking asawa. Asahan niyong aalis kami rito at hindi na manggugulo pa. Paano si Maricela? Ang aking mga anak? Paano kami?"

Hagulhol ni Donya Feliza sa kabila ng pagkakayakap niya kay Marcela. Walang nagawa si Marcela kundi ang tumugon na rin ng yakap sa donyang minsan nang naging bahagi ng kaniyang buhay. Hindi niya mapigilang maawa sapagkat namumugto ang mata nito at mababatid sa itsura ang dinaranas na kasawian.

"Hayaan niyo muna kami" saad ni Marcela saka sinenyasan ang mga guardia na huwag munang hawakan ang donya. Dahil doon ay tumakbo rin ang musmos na batang si Maricela na walang kamuwangan sa nangyayari. Yumakap rin ito sa saya ni Marcela.

"Inay ano nang manyayari sa amin?" hagulhol ni Maricela. Naranasan na niyang mawalan ng pamilya at ayaw na niyang maranasan muli iyon sa ikalawang pagkakataon. Tinuring na niyang pamilya ang mga Claemente sa kabila ng malamig na pakikitungo ni Don Arkimedez. Nangangamba siya sa maaaring mangyari.

"Huwag ho kayong mag-alala. Magiging maayos rin ang lahat." wika ni Marcela saka lumingon kina Marina at Juancio sa likuran niya. "Paumanhin po ngunit wala na akong magagawa sa ipapataw na parusa kay Don Arkimedez. Wala po akong kakayahan---"

"Paki-usap, nagmamakaawa ako, Marcela!" hagulhol ni Donya Feliza saka kumalas sa pagkakayakap at akmang luluhod ngunit nahila na siya ng mga guardia sibil sa pangambang maaaring makagawa ng eksena ang donya at kahabagan ng madla.

Narinig ni Marcela ang ginawang pagtawag nina Donya Feliza at Maricela sa pangalan niya ngunit huli na sapagkat naipasok na ang mga ito sa loob ng hukuman. Nagpaalala naman si Marcela na huwag nila itong sasaktan kundi idala ang mga ito sa loob ng marahan.

Wala nang nagawa muli si Marcela sa maraming pagkakataon. Napagtanto niyang kahit anong estado niya sa buhay ay wala pa rin siyang kakayahan na ipagtanggol ang mga taong mahahalaga sa kaniyang buhay.

Sa huli ay naluluha niyang tinitigan ang kaniyang kuya Franco at ang ilan na nanonood lang sa kanila mula kanina. Ibig niyang mag-makaawa sa nakatatandang kapatid sa pamamagitan ng pagtitig na iyon ngunit tila ito'y manhid. Nagdiretso na lamang si Franco sa loob at pinagsawalang-bahala ang titig sa kaniya ni Marcela.

Diferente Caras de AmorWhere stories live. Discover now