Capitulo Trece

66 13 1
                                    

Chapter 13

MALIWALAS ang kapaligiran. Tanging iilang huni ng kuliglig at kwago ang maririnig sa pagsapit dilim. Maliwanag na buwan, kaakibat ng kumikinang na mga bituin ang nagsabog ng liwanag sa madilim na kapaligiran.

Sa gitna ng malalim na gabi naroroon si Vicente. Nasa balkonahe kung saan nag-usap sila noon ni Marcela ng isang kasunduan para maalis mula sa pagkakakulong ng silid si Criselda. Sa tuwing naalala niya ito ay parati siyang napapangiti sapagkat naka-gawa siya ng mabuting bagay para sa dalaga. Kasalukuyan siyang naka-tanaw ngayon sa mansion ng mga Dela Cruz na may kalayuan sa kanilang mansion habang may hawak na babasaging baso.

Madilim na ang kanilang mansion sapagkat patay na ang mga naka-sinding lampara kanina at wala nang nakapalibot na mga serbidora sa paligid. Tanging mga guardia personal na lang ang nagmamasid sa kalawakan ng kanilang mansion ngunit malayo ito sa lokasyon nila.

"Hindi ko akalain na marunong ka rin palang uminom ng mga matatapang na serbesa" biglang saad ng lalaking nasa may pintuan ng balkonahe. Naka talikod si Vicente rito ngunit nakikilala niya ang boses na iyon.

"Hindi ko rin akalain na kaya mo palang taliwasin ang matatapang na taong tulad ni Ama, Kuya Carlos." tugon nito na may halong panunuya na sinabayan ng pag-ngisi. Natawa na lang din si Carlos sa sinabing iyon ng kapatid.

"Bakit ngayon ka lamang umuwi? Kanina pa nag-aalala sa iyo si Ina?" tanong ni Vicente habang patuloy pa ring naka talikod sa nakatatandang kapatid. "Hindi ko pa ibig na maka daupang-palad si Ama." iyon na lamang ang tinugon ni Carlos na ngayon ay naka-suot pa rin ng unipormeng pang heneral habang si Vicente ay naka-suot na ng pantulog.

"Tulog na ba sina Ina at Ama? Paki-wari ko'y siya nga. Nagagawa mo nang magpaka-lango sa alak," wika ni Carlos sabay upo sa isang upuan malapit sa lamesita kung saan naroroon naka-lagay ang mamahaling alak na iniinom ni Vicente. "Bakit mo kailangan pang itanong kung nakukutuban mo naman ang sagot,"

"Ano nga palang pinagbasehan mo, Kuya, kung bakit sinaad mo agaran kay Ama na ginagamit niya ang posisyon mo para maipa-tupad ang kamay na bakal?" biglaang tanong ni Vicente matapos ang biglaang katahimikang pumagitan sa kanila. Nilagok niya ang alak na nasa baso. Naka-talikod pa rin siya habang naka-tingin mansion nina Criselda.

"Hindi ka ba nagtaka kung bakit mula nang magtapos ako sa pagsasanay ay pinilit na ako ni Ama na mamuno sa kalakhang Maynila ngunit tinanggihan ko iyon at dito pansamantalang ma-destino,"

"Kung bakit hindi niya tinutulan ang pagpapari mo ngunit pinutol niya ang ambisyon mong iyon ng ikasal ka kay Criselda at maging kakampi na'tin ang mga Dela Cruz na siyang namamayagpag dito pagdating sa medisina,"

"Kung bakit nais niyang mag-imbak ng kagamitang mga armas pandigma sa looban ng palengke."

Natigilan si Vicente. Saka niya lamang napag-tagpi-tagpi ang lahat ng mga sitwasyon sa mga salita ni Carlos na magbibigay liwanag sa kaniya. "Paglaganap ng batas ng hukbong sandatahan na magdudulot ng takot sa mga mamamayan ng Monte Calisto..."

Iyon na lamang ang sinaad ni Vicente. Hindi pa rin siya makapaniwala sa mga nadiskubre na maaaring maging matibay na patotoo sa layunin ng kaniyang ama bilang Gobernadorcillo ng kanilang bayan.

"Hindi ba't sabi mo, aking kapatid, bakit kailangan pang itanong kung nakukutuban naman ang sagot," pag-ulit ni Carlos sa sinabi kanina ni Vicente. Hindi na niya mapigilan pa ang sarili kung kaya't naki-salo siya kay Vicente at kumuha rin ng baso ng alak saka ininom. Matapos noon nagsalita muli siya.

"May natanggap rin akong liham, kung kaya't mas tumibay ang aking mga pagdududa." saad nito sabay lapag ng isang sobre sa lamesita kasama ang alak na kanilang inuubos. Sa wakas ay napa-tingin dito si Vicente at nakita niya ang itsura ng sobre. May selyo ito ng pamada(wax) na hinulma bilang itsurang bungo. "Anong nasasaad dito, Kuya Carlos?"

Diferente Caras de AmorWhere stories live. Discover now