Capitulo Diez

59 13 1
                                    

Chapter 10

"Elang, buksan mo itong pinto!" mariing wika ni Criselda na ngayon ay hinahampas-hampas ang naka kandadong pinto ng silid para sa kanilang mga serbidora. Nasaksihan niya kung paano lumitaw kay Marcela ang kalungkutan sa mga mata nito bago ito tuluyang tumakbo papalayo.

"Hayaan mo muna akong mapag-isa, Cedang" tugon ni Marcela sabay hawi sa kaniyang mga luha na hindi na maawat sa pagpatak ngayon. Tuluyan na siyang nasaktan, ang una niyang pag-ibig ay nauwi sa kasawian.

"Hindi niya..."  natigilan si Criselda. Naalala niya ang tagpo kung saan naka-usap niya kahapon si Carlos. Ipinabatid niyang nais ikasal ng kaniyang nakatatandang kapatid rito. Ngunit nang mag-usap sila ay may sinabi si Carlos na mahigpit nitong ipinagbilin na huwag ipagsasabi kanino man, lalo na kay Marcela. "Kalimutan mo na iyon, ang mahalaga ay nasa tabi mo ako kapag kailangan mo ng taong yayakapin sa oras ng kalungkutan,"

"Magkaibigan tayo, hindi ba?"

Nakarinig si Criselda ng pagtigil ng paghikbi ni Marcela nang matapos ang kaniyang pagsasalita. Nakarinig din siya ng yabag na unti-unting lumalapit sa kinaroroonan niya. Ilang sandali pa'y bumukas na ang pinto ng silid. Nang makita niya ang tumatangis na si Marcela ay agad itong yumakap sa kaniya.

Hinagod niya ang likod nito at hinayaan na humikbi sa balikat niya. Para sa kaniya wala nang mas sasakit pa na makita ang taong tinuring niyang kaibigan at pamilya na nababalot ng kalungkutan.









BAKIT IKA'Y tumatangis? Ikaw ba'y may pagtingin kay Ginoong Carlos?" biglang wika ni Criselda nang makaupo sila sa dulo ng kama para sa mga serbidora. Natigilan si Marcela sa paghikbi at gulat na napalingon sa kaibigan. Hindi niya batid na halata na pala ang ikinikilos niya.

"W-wala. N-naalala ko lang ang aking pamilya" pagtanggi ni Marcela. Napapikit pa siya at mahigpit na kumapit sa kaniyang pulang saya. Labag man sa loob niya ang magsinungaling ngunit mas pinili niya iyon upang ikubli ang lihim niyang pagtingin kay Carlos.

Malungkot na tumitig na lang si Criselda. Hinawakan niya na lang ang balikat ni Marcela habang ito'y nakayuko katabi niya. Halata para sa kaniya ang ikinikilos ni Marcela ngunit mas pinili niya na lang na huwag na itong ungkatin pa.

Ilang saglit pa'y nakarinig sila ng malakas na pagtawa mula sa salas ng mansion ng mga Dela Cruz.

"Sadyang tayo'y magkakasundo. Bukod doon mas lalalim pa ang ating ugnayan sapagkat doble ang magiging pagdiriwang na kasalan" narinig nilang wika ng Gobernador.

Bigla namang nakaramdam si Criselda ng pagkadismaya. Napagtanto niyang kahit anong mangyari ay hindi na mauudlot pa ang kasalang magaganap sa pagitan nila ni Vicente. May isa pa siyang suliranin, iyon ay ang hindi pagsipot ni Ruben sa kanilang tagpuan noong makalawa at nitong mga nakaraang araw.

Napansin naman iyon ni Marcela nang lingunin niya ang problemadong itsura ni Criselda. "Ayos ka lang ba Cedang?" usisa nito dahilang upang mapabitaw si Criselda sa balikat niya at marahang lumingon sa kaniya.

"A-ayos lang ako" mahinang tugon ni Criselda. Hindi na niya nais na idulog pa sa kaibigan ang kaniyang suliranin pa. Alam niyang may sarili itong suliranin kung kaya't ayaw na niya itong dagdagan pa. Kilala niya ang kaibigan, kapag may problema siya ay pinoproblema rin ito ni Marcela.

"Kailan nga ba ang takdang pagpapakasal ng ating mga anak?" narinig muli nilang tanong ni Don Cristobal. Natahimik silang dalawa at napalingon pareho sa pintuan ng silid na nakasara ngayon.

"Ibig mo ba sa enero, Amigo?" batong tanong rin ni Gobernador Arkimedez. Matapos nilang marinig iyon ay biglang binalot ng katahimikan ang mansion. Batid nilang pinag-iisipan ito ngayon ni Don Cristobal.

Diferente Caras de AmorWhere stories live. Discover now