Hindi corny ang magsamba kay Kristo.

73 0 0
                                    

Mateo 5:10-12 ASND
Mapalad ang mga dumaranas ng pag-uusig dahil sa pagsunod nila sa kalooban ng Dios, dahil makakasama sila sa kaharian ng Dios. “Mapalad kayo kung dahil sa pagsunod ninyo sa akin ay iniinsulto kayo, inuusig at pinaparatangan ng masama. Ganoon din ang ginawa nila sa mga propeta noong una. Kaya magalak kayo dahil malaki ang gantimpala ninyo sa langit.”

Dati, hindi ko maatim banggitin ang pangalang Hesus kahit kanino. Hindi ko mawari kung bakit nahihiya ako. Dala na rin siguro ng epekto ng mga taong magsasabi ng "ang banal naman" o kaya "baad maglampas ka kaan sa langit". 'Yong pakiramdam  na baka isipin nila ang sama ko namang tao, o kaya pakitang-tao ako.

Dati, hirap akong magbasa ng mga verses sa Bible. Mahilig akong magbasa pero kapag ito na ang hawak ko, inaantok ako.

Dati, halos puro memes at walang kwenta yung mga nashi-sharedposts ko kasi feeling ko kapag nagshare ako ng Godly words, huhusgahan ako.

Hanggang sa unti-unti, naranasan ko ang pait ng buhay. Unti-unti, nasanay ako na tanging kay Kristo manalig. Sinanay ako ng panahon. Hinulma ako ng pagkakataon. Sa dami ng kasalanan at mga maling desisyon sa buhay ko, halos hindi ko mawaring kinaya ko pang makaahon sa patibong na nilatag ng mundo.

Isa sa panalangin ko dati, na hinding-hindi ko binibitawan hanggang ngayon ay "Panginoon, lakas at talino lamang po para mapagtagumpayan ko lalo ang mga kagustuhan mo" bagay na hindi ko inakalang aabot ako sa puntong ganito.

Taon na rin ang bibilangin, simula nang gamitin Niya ako. Madalas akong mahusgahan, minsan pang ma-question sa mga bagay na aking pinaniniwalaan. May mga oras na pinanghihinaan ngunit hindi ako ng Diyos pinababayaan.

Sa puntong ito, hindi ko mawari kung may punto ba ako pero sinisiguro kong Diyos ang dahilan ba't kailangang lumikha na naman ako. (Kasi pakiramdam ko ngayon, nauubusan ako ng akmang salita para sa bersong ito)

Unawain mo sana, na patungkol 'to sayo. Ikaw na gustong-gusto magbago at sumunod sa layon ng Diyos sa buhay mo pero may takot o alinlangan. O baka dahil iniisip mo na hindi ka Niya kayang tanggapin dahil sa mga bagay na nagawa mo at hindi naaayon sa kabutihan ng Diyos. O baka dahil takot kang mahusgahan sapagkat kilala ka bilang ikaw na makasalanan tapos bigla, nagiging instant maka-Diyos tayo. O marahil, natatakot ka na baka hindi mo mapanindigan lalo dahil nakapalibot sayo ang tukso.

Maniwala ka. Kahit ano pa mang batikos o husga sayo ng mundo. Kahit ano pa mang paniniwala mayroon sayo ang ibang tao, sa oras na tinanggap mo si Kristo nang buo at isinuko mo ang makamundong pagnanasa mo, hindi ka Niya titigilan hanggang sa ikaw ay manalo.

Manalo sa piling Niya.
Manalo laban sa tukso.
Manalo laban sa mapanghusgang mga tao.
Manalo laban sa lugmok na kasalanan mo.
Manalo patungo sa buhay na panatag kahit nagsasakripisiyo.

Kasi ang tunay na pananampalataya, ay hindi ang pag-asam na mawalan ng mga pagsubok at sakripisyo bagkus ang maging matapang sa pagsuong ng mga ito na kasama si Kristo.

Hindi Niya sinabing madali. Kinakailangang dumaan sa proseso pero huwag ka sanang sumuko.

Sapagkat nasusulat, na matagal Niya na tayong naipanalo.

VERSES (THE LORD WANTS TO TELL)Where stories live. Discover now