Chapter 2: Delilah, Ang Astig na Prinsesa

89 7 0
                                    

"'Tay, gusto ko talagang magkaroon ng sariling parlor," pag-amin na niya.

Nanlumo tuloy si Bruno nang marinig ang tunay na kagustuhan ng anak. Matatanggap pa niya na gustong maging pulis, sundalo o marino ito kaysa hunawak ng makeup brush at curlers. Mas nanaisin pa niyang makabuntis ito nang maaga at maging binatang ama kaysa malamang kumekendeng o rumarampa ito na may kolorete sa mukha. Tila ba naglaho ang lahat ng pangarap niya para kay Spartan kaya nagdilim na ang kanyang paningin. Maya't maya ay hindi na siya nakatiis at pinagbabatukan ang anak.

"Aray! Tama na po!"

"Anong nangyayari rito?" paggambala na ni Aling Medea, ang ina ni Spartan. Kasalukuyan siyang naghahanda ng agahan pero napalabas siya sa kusina bigla nang marinig ang pagkakagulo sa may sala.

"Itong anak mong magaling, gustong mag-parlor!" sinigaw ng asawa niya. Namumula na ang mukha niya nang dahil sa pagka-highblood. Akmang sasapakin sana niya ulit si Spartan pero umawat na ang kabiyak.

"Parlor?" napabulalas ni Aling Medea sa bunso. "Anak naman, lahat ng kuya mo nagsasaka at nagfi-fishpond. Pagkatapos ikaw, mangungulot? Huwag kang tumulad sa Ate Cleopatra ko na walang narating sa pagme-makeup!"

"Malayo naman ang narating ni tita kasi marami siyang natulungan, lalong-lalo na ang mga patay," pagtatanggol niya sa butihing tiyahin na nag-alaga sa kanya simula pagkabata. Bahagya pa siyang napangiti nang maalala ang mga kliyenteng pinupuri pa sila dahil nagmumukhang natutulog lamang ang mga kamag-anak na sumakabilang-buhay na. Para sa kanya ay achievement iyon kaya ipinagmamalaki pa niya. "Ang husay nga raw namin, nagmumukhang buhay ang mga patay!"

"Diyos na mahabagin! Ang anak ko, mangungulot at magme-makeup lang ng mga bangkay!" pailing-iling na napabulalas ng ina sa nais maging propesyon ng bunso.

"Hindi kita pinangalanang Spartan ng walang dahilan," pagtatapat nito sa kanya. "Ang inaasahan ko, matapang! 'Yun tipong isang tingin lang uurong na ang kalaban! Sana, anak, panindigan mo naman ang pangalan mo!"

Wala man siyang ginagawang masama, hindi pa rin niya naiwasang ma-guilty dahil kitang-kita sa mga mata nito ang pagkadismaya. Gustuhin man sana niyang maging perpektong anak sa mata ng mga magulang sa pamamagitan ng pagiging aswang hunter, alam niya sa sarili na hindi rin siya magiging masaya kung ipagpipilitan man. Sinikap naman niyang gustuhin iyon at matiyaga naman siya sa pagsasanay pero kahit anong gawin niya, hindi pa rin sapat sa paningin ng mga kapamilya. Para sa kanila, palagi naman siyang sablay at mahinang klase.

Marahil, naisip niya, hindi talaga para sa kanya ang pagiging aswang hunter.

"Bakit naman po kasi 'Spartan' ang ipinangalan niyo sa akin," may pagtatampong tinanong niya sa nanay. "Sa totoo lang po, tunog tsinelas nga po ako. Kapag tinatawag niyo akong 'Spartan! Spartan!' parang palagi akong hinahabol ng mga paa!"

Nasaktan ang damdamin ni Medea dahil akala niya, magugustuhan nito ang pangalan. Para sa kanya, napaka-cool niyon pero yun pala, aayawan ng anak.

"Sana po, 'Nike' na lang ang pinangalan niyo, pang-international. Bongga!" patawa-tawang sinabi na lang niya nang mapansing naging malamlam ang mga mata ng ina. Hindi man niya kinalakihan ang tunay na nanay, ayaw naman din niyang nagdadamdam ito. Gusto na lang sana niyang pagaanin ang sitwasyon pero iba pa rin pala ang naging dating niyon sa ama.

"Lumayas ka! Huwag na huwag kang babalik hangga't hindi mo inaayos ang sarili mo!" pagtataboy na ni Bruno na labis niyang ikinagulat. Pinagtulakan pa siya nito sa labas ng bahay. "Wala akong anak na bakla!"

Alam nilang lahat na magkakapamilya na kinasusuklaman niya ang mga bakla dahil para sa kanya, wala naman silang gagawing matino. Naisip niya na hinding-hindi niya matanggap kailanaman na ang sariling kadugo ay posibleng binabae rin.

Aswang Hunters Series: SpartanWhere stories live. Discover now