Chapter 23: Scandal

45 4 0
                                    

"Sir, pwede ba na mahiram muna ang cellphone ko? May tatawagan lang, please," pakikiusap ni Spartan sa napadaang pulis. "Isa lang po, kailangang-kailangan ko lang ng tulong mula sa probinsya."

"Hindi pwede," pagtanggi nito. "Ipinagbabawal 'yun."

"Sige na po, kahit saglit lang," panunubok pa rin niyang mapakiusapan ang lalaki. "Kahit bantayan niyo pa po ako. Kailangan ko lang makausap ang pinsan ko. Mag-isa lang po kasi ako sa Tuk-O kaya walang magpipiyansa sa akin."

Naawa na rin ang pulis dahil halos kaedaran niya ang anak na lalaki. Naisip nito na tulungan na nga siya tutal naman ay maayos at magalang siyang nakiusap, hindi katulad ng ibang nadakip na defensive at may pagkabayolente pa. Nagtungo ito sa silid kung saan nakatago ang cellphones at iba pang mga gamit ng mga naaresto. Kinuha niya ang kahon na yari sa kahoy at pinakita kay Spartan.

"Nasaan 'yun sa 'yo?"

"'Yun pong analog na Nokia 3310," halos pabulong na sinabi niya. Nahiya pa siyang ituro iyon dahil lumang-luma na ang cellphone at minana lang sa mga magulang. Ayaw naman niyang bumili ng bago at mas hi-tech sapagkat nag-iipon siya ng pera para makapag-enrol sa susunod na semester.

"Ito ba?" Inangat na nito ang cellphone na may stickers pa ng pink ribbons at flowers. Bahagyang napatawa pa ang pulis dahil mukhang mas matanda pa kay Spartan ang gadget. "May pagka-jurassic na ito. Palitan mo na, Boy!"

Maging ang mga kasamang preso ay nagsitawanan nang makita ang estado at disenyo niyon. Napakamot na lang siya ng ulo at medyo nagdamdam pa dahil kahit luma na ang mobile phone, mahal niya iyon na katulad ng isang alagang hayop.

"Isang minuto lang, ha!" pagbibilin ng pulis bago inabot sa kanya ang cellphone. "Bilisan mo ang tawag!"

"Opo. Thank you, Sir!"

Aligagang i-dinial niya ang numero ng isang tao na alam niyang maaasahan sa oras ng kagipitan.

"Kuya," pagtawag na niya sa pinsan nang sagutin nito ang cellphone.

"Anong meron?" malamig na tugon nito sa pagbungad niya.

"Nasa presinto ako, huhuhu!" pagtangis na niya kaya napailing-iling na lang ang binatang nasa kabilang linya. Batid niya na may mabigat na suliranin na namang hinaharap ang pinsang may pusong-mamon kaya napabuntong-hininga na lang siya.

"O, pagkatapos?" walang kabuhay-buhay na sinambit nito habang binabalot ang mga order sa Shopee at Lazada. Kaka-sale lang kasi kaya medyo marami ang kanyang ipapa-ship nationwide. Halos wala pa nga siyang tulog dahil abala siya sa paggawa ng mga cosmetics at pabango na pangontra aswang at masasasamang mga elemento. Nais man sana niyang umidlip muna, hindi na rin niya magagawa sapagkat napatawag na si Spartan at humihingi ng tulong.

"Napagkamalan kasi akong gigolo, hindi ko matanggap!" pagsusumbong na niya. "Inaresto kasi nila ako kaya nasa Tuk-O Police Station ako!"

"Tinawagan mo ako nang alas-kwatro nang umaga, para lang ibalita sa akin na nakulong ka?" Napakuyom na lang ng kamao ang kausap sapagkat pagod na nga sa kakatrabaho, mababalitaan pa nito na napiit siya. "Alam ba ng tatay mo 'yan?"

"Hindi e." Magkakasunod na pagsinok at pagsinga ng sipon ang umalingawngaw sa kabilang linya. "Tinakwil na kasi nila ako..."

Natigilan ang lalaki sapagkat naalala niya na pinalayas nga pala ang pinsan. Naawa rin siya sapagkat mabait nga at matulungin na anak at kapatid nga si Spartan pero nagawa pa rin nilang ipagtabuyan. Malamang ay siya na lang ang maaasahan at matatakbuhan nito kaya napagpasyahan na niyang tulungan, tutal naman ay nakababatang kapatid na rin ang turing niya rito.

"Sorry talaga sa abala," hiyang-hiya na paghingi ni Spartan sa kanya ng paumanhin. "Kakapalan ko na ang face ko. Pautang naman muna nang pangpiyansa. Babayaran kita kapag nakalabas na ako."

Aswang Hunters Series: SpartanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon