Spartan 19: Interrogation ni Daddy Dear

37 4 0
                                    

"Bakit bigla kayong namutla e tinatanong ko lang naman kung sinong buntis sa inyong dalawa?" pag-uusisa ng ama nina Delilah.

"Daddy, mali lang po kayo nang narinig," pag-a-alibi na lang ni Barbarella upang iwanan na sana sila ng ginoo at hindi na kulitin pa.

Tuluyan nang pumasok sa silid si Armageddon, ang haligi ng tahanan ng mga Catacutan. Napadaan lang sana siya upang kumustahin saglit ang bunsong anak pero nagpantig ang tainga niya nang marinig ang salitang "buntis". Dahil doon, napagdesisyunan niya na huwag na rin pumasok sa kumpanyang pag-aari upang makiusyoso sa pinag-uusapan ng magkapatid.

"Daddy naman, e! Bonding moment namin na mag-sister kaya no men allowed!" nayayamot na panunubok niyang itaboy pa rin ang tatay. Imbis na umalis ay umupo pa si Mr. Catacutan sa tabi ni Delilah at ibinaba ang laptop bag sa mesa.

"Hindi ba ako pwedeng sumama sa "bonding" moment niyo e tatay niyo naman ako?"

"Baka nakalimutan mo na po na may meeting ka pa sa office mamaya? Sige na Daddy dear, bye-bye!"

"Huwag mo nga akong ma-daddy-daddy dear!" pigil sa inis na tinuran niya ang pasaway na panganay. "Alam ko na ang style mo na 'yan para paalisin lang ako. Dinig na dinig ko ang usapan niyo patungkol sa buntis kaya sana umamin na kung sino sa inyong dalawa."

"OK po," tugon kaagad ni Barbarella. "Wala ngang buntis, Armageddon,"

"Wala kang galang! Bakit mo ako tinawag sa first name ko e tatay mo ako?"

"E sabi niyo po kasi, huwag ka naming tatawagin na 'Daddy'", pagdadahilan naman ni Barbarella na kapareho niyang may pagkasarkastiko at brusko sa pamamaraan ng pananalita.

Napatapik na lang siya sa noo dahil batid niya na halos magkaugali nga sila ng unang anak na kung naging lalaki ay junior version niya. Alam niya na pagtatakpan din nito palagi ang pinakamamahal na kapatid kaya walang kapupuntahan ang usapan dahil palagi itong may alibi. Imbis na ma-high blood sa kakulitan ng panganay, dumiretso na siyang tanungin si Delilah na 'di hamak na mas masunurin at mabait kumpara sa ate.

"Delilah, may aaminin ka ba?" malumanay na pagtatanong na niya sa bunso.

"Wala po. Hindi naman po ako buntis," nakatungo ang ulo na tugon nito na tila ba may sinisikreto nga kaya mas lumakas ang pagdududa ni Mr. Catacutan.

"Hindi naman ako magagalit. Sige na, sabihin mo na kay Daddy ang totoo..."

"Hindi nga po siya buntis, Daddy. Hindi ba, negative nga siya sa pregnancy test noong nasa ospital?" pagtatanggol na naman ng ate niyang si Barbarella.

"Anak, ang daldal mo. Kanina ka pa sabat ng sabat," nakakunot ang noo na pinagsabihan na naman niya ito. Tumayo na siya mula sa kinauupuan at marahan na hinila ang anak palayo sa kinaroroonan ni Delilah. Pinaupo niya ito sa may bintana upang hindi na makasingit sa usapan nila ng bunso.

"Diyan ka lang! Kaming dalawa ng kapatid mo ang mag-uusap, OK?"

"E kasi naman po, ang kulit-kulit niyo rin e. May tests nga po, 'di ba?" pangangatwiran naman ni Barbarella.

"Malay ko ba kung sinabihan niyo lang 'yun mga doktor na iba ang ipakita sa akin na result," seryosong pag-aanalisa pa rin niya. "Kayong tatlong mag-iina ang palaging magkakakampi kaya hindi ko alam kung naglilihim nga kayo."

"Wala naman po akong boyriend pa," patawa-tawang pagpapaliwanag ni Delilah. "Imposible naman po na magka-baby ako."

"Hija, huwag ka nang magsinungaling. Huwag niyo nang pagtakpan pa. Kung lumabas na buntis ka sa mga tests, sabihin mo na ang totoo para mapanagot ko 'yun gumawa sa iyo niyan."

Aswang Hunters Series: SpartanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon