Chapter 14: Market Day sa Tuk-O

36 3 0
                                    

Habang nagpaplano ng hindi kaaya-aya ang mag-among sina Samson at Boudica, abot-tainga ang ngiti ni Delilah habang nakakapit sa braso ng pinakamamahal niyang si Spartan. Sabado kasi at wala siyang pasok sa eskwelahan kaya nagpresinta siyang samahan ito na mamalengke sa pamilihan ng Tuk-O. 'Di alintana ang putik at malansang amoy ng lugar, masaya siya na kasama ang binata habang maligaya silang nakakapili ng sariwang gulay, prutas at isda.

"Paano mo nalalaman kapag fresh pa ang isda?" pagtatanong niya.

"Ganito, besh," tugon nito kasabay ng pag-angat sa hasang ng bangus. "Kapag mapula pa 'yan, fresh pa. Kapain mo rin, kapag firm pa ang laman at hindi madaling maghiwalay o bumaon pababa, sariwa pa. Sa mata rin, kapag pulang-pula na parang na-sore eyes, nakow, bilasa na 'yun!"

"Oooh, ganoon pala!" patango-tangong pag-obserba niya sa isda. Inabot niya ang isang bangus at tinignan kung sariwa pa. May kaunting lamog iyon kaya binitiwan din. Kumuha siya ng mas malaki at mataba. Magkasalubong ang kilay na sinipat niya iyon bago iniabot kay Spartan.

"Ayan, pasado ba na fresh?" pakurap-kurap na parang batang nagpapa-cute na tinanong niya.

"Very good ka!" masayang pagpuri ni Spartan dahil mabilis matuto ang tinuturuan. Nilagay niya sa palanggana ang napiling mga isda at binigay sa nagtitinda.

"Ate, heto po, pakilinis na lang ito. Pakihati rin po sa apat," panuto niya sa ale na kanina pa natutuwa sa dalawang mag-beshie. Mabilis nitong nilinis ang matabang bangus kaya nagsiliparan ang mga kaliskis patungo kay Delilah. Tumalsik ang mga iyon sa buhok niya, maging sa bibig.

"Pfft! Ano ba 'yun! Ang lansa!" pagrereklamo niya nang aksidenteng malasaan pa ang kaliskis. Pinunasan niya ang labi gamit ang palad pero mas nandiri siya nang maamoy ang kamay na pinanghawak pala niya sa bangus. Nanuot ang lansa sa ilong at lalamunan niya kaya napaubo pa siya. Pigil sa pagtawa na pinagmasdan lang siya ni Spartan. Nang makahalatang pinagkakatuwaan na pala, napairap na siya at kinurot sa tagiliran ang kaibigan.

"Hmph, pinagtatawanan mo ako e!"

"Aray ko naman, besh! Nakakatuwa ka lang kasi!"

"Ganoon? Komo ba hindi ako sanay sa palengke, pinagtitripan mo ako?"

"Hindi naman. Ang cute-cute mo lang kasi kaya napapa-smile ako sa iyo," pagpapaliwanag niya kaya natigilan na si Delilah sa panunuplada. Hindi ito makapaniwala na tinawag siyang "cute" ni Spartan kaya napatahimik na lang siya at lihim na kinilig.

"Halika na nga! Napuno na ng kaliskis ang buhok mo," pag-aya sa kanya ng binata. Marahan siyang itinabi nito sa gilid ng tindahan upang hindi makaabala sa ibang mamimili. Isa-isa niyang tinanggal ang dumi sa ulo ng kasama na halatang hindi sanay sa buhay-palengke. Maging sa leeg ay may mga kaliskis din kaya dahan-dahan niyang hinawi ang mga iyon.

"Hihi, nakikiliti ako!" patawa-tawang inamin ni Delilah nang dumampi ang palad ni Spartan sa may batok niya.

"Ay! Huwag diyan!" aniya habang humahagikgik at umiilag na. Siya na lang ang nagpagpag sa mga kaliskis dahil aminadong kilig na kilig na sa pinapakitang tender loving care ng kaibigan.

"Kiliti kaagad? Kaliskis palang 'yan ni Fishda, besh. Baka kapag buntot na, mahimatay ka na!" panunukso din niya kaya napabulalas na ng tawa ang dalaga.

"Girlfriend mo ba 'yan? Kanina pa kayo nagpi-PDA* e!" pakikiusyoso na ng tindera ng isda kay Spartan. Kanina pa kasi ito napupuno ng kuryosidad sa dalawa na mukhang magkasintahan pero kaduda-duda naman ang gender preference ng binata. Maraming beses na kasing namimili si Spartan sa kanya at kapansin-pansin na malamya nga ito at 'di karaniwan ang kilos sa mga lalaking nakikita. Ganoon pa man, sa naoobserba niya ngayon, iba ang pagtingin nito sa kasamang babae na para bang may something special.
(Public Display of Affection)

Aswang Hunters Series: SpartanWhere stories live. Discover now