Chapter 13: Samson's Dilemma

33 3 0
                                    

Madaling-araw na ng makarating si Samson sa liblib na sityo ng Alubebe. Sa mga walang kaalam-alam na mangilang-ngilan na mga turista, iyon ay lugar na pinamumugaran ng mga mangkukulam, maging ng mga halimaw na inaakalang sa libro lamang mababasa. Hindi sila napaghihinalaang masasamang elemento dahil pinoprotektahan sila ng mayaman at makapangyarihang tatay niyang si Caesar De Luvio, ang lider ng mga aswang. Dahil doon, itinuturing nila ang mag-ama na higit pa sa panginoon dahil nakapamumuhay sila na hindi tinutugis ng mga tao at nagagawa pa ang mga karumal-dumal na akto.

Pagkakatok pa lamang ay mabilis na bumungad ang may edad ng babae na dating nagsilbing tagapag-alaga niya. Dahil maagang naulila sa ina, itinuring niyang pangalawang nanay ang mangkukulam na napag-uutusan din ng ama na pumaslang sa mga karibal sa negosyo at pamumuno, kasama ang mga aswang hunters na nakakabangga. Dahil sa edad at samu't saring sakit na ng matanda, siya na mismo ang humiling sa ama na hayaan na itong magretiro. Pinauwi na niya ito sa Alubebe at doon ay sinigurado niyang lahat ng pangangailangan ng ina-inahan ay naibibigay.

"Anak," maligayang pagsalubong ni Boudica sa pinakamamahal na amo.

"Yaya," masuyong pagbati rin ni Samson kasabay ng pagmamano rito.

"Napadalaw ka. Kumain ka na ba?"

"Wala po akong gana," malungkot na sinagot niya. Dinamdam niya masyado ang pambabasted ni Delilah, lalo na ng malaman na may nobyo na ito kaya nawalan siya ng interes sa buhay, maging ang pagkain. Kapansin-pansin ang pamumutla at pagpayat niya kaya nag-alala na rin ang matanda sa kalagayan ng amo.

"Gusto mo ba...ng sanggol? May bagong panganak sa kabilang bayan. Kukunin ko para makain mo," panukala niya.

Imbis na matuwa sa sinabi nito, medyo nayamot pa si Samson sa inalok. May lahing aswang man at alam niyang katakam-takam ang lasa niyon, hindi niya kailanman pinag-interesan na kumain ng walang kamuwang-muwang na sanggol.

"Hindi po ako kumakain ng ganoon," pagpapaalala niya kay Boudica. "Hindi ko rin naman tinuturing ang sarili ko na katulad ni Dad kaya sa susunod, huwag niyo na akong aalukin."

"Darating ang araw na magiging ganap ka rin na aswang at hindi mo na mapipigil ang pagnanasa mo sa laman ng tao. At ikaw ang papalit sa ama mo sa pamumun-"

"Ibahin niyo po ako," mabilis na pagkontra niya sa pagpapaliwang nito.

"Tao kasi si Mommy, kaya parte ko ay tao rin," kasunod na pahayag niya, dahilan upang mas maging malamlam ang nga mata niya. Bumalik sa alaala niya noong nabubuhay pa ang ina. Napakabuti nito at maalaga kaya noong binawian ito ng buhay nang dahil sa isang trahedya, hindi na siya nakabawi pa. Sampung taon na ang nakalilipas pero kahit anong gawin niya, masakit pa rin ang pagkawala ng nanay lalo na at hindi naman siya pinapansin ng ama at hindi rin kasundo. Ibinaling niya ang atensyon sa iba't ibang mga babae at barkada upang maaliw ang sarili pero sa huli't huli, sadyang malungkot at miserable pa rin siya.

"Kapag kumain ako ng kauri niya, parang binastos ko na rin siya nang paulit-ulit. Mahal na mahal ko si Mommy kaya nangako ako na pipilitin kong magpakatao. At hihikayatin ko rin ang ibang mga aswang na huwag nang pumatay ng mga inosente. Kaya naman, kasi nagagawa ko. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais ko talagang magkaroon ng peaceful co-existence ang mga tao at aswang."

Mayabang man at may pagkaagresibo ang ugali, hindi pa rin maatim ni Samson na pumaslang ng mga tao. Nakailang beses na silang nag-aaway ng tatay dahil gusto nitong umakto siya bilang aswang pero ayaw naman niya. Magkaiba rin sila ng paniniwala at prinsipyo kaya kadalasan, hindi sila nagkakaunawaan. Ang sa ama ay dapat lamang na maghari ang mga aswang sa mundo at pagkain lang dapat ituring ang mga tao. Ang sa kanya naman ay patas lamang na turingan, at nararapat na huwag kainin ang mga tao dahil halos katulad din nila ang nga iyon.

Aswang Hunters Series: SpartanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon